Alex, muntik matigok sa lagoon sa Iceland

October 31, 2018
Alessandra de Rossi

Muntik nang ikamatay ni Alessandra de Rossi ang isang eksena sa pelikulang Through Night & Day na kinunan sa Iceland dahil sa sobrang lamig ng panahon.

Kwento ng direktor na si Veronica Velasco, ang eksena ay sa isang hot spring lagoon na hindi naman daw “hot” ang tubig kundi napakalamig.

Ayon nga sa leading man ni Alex na si Paolo Contis, nagne-negative 10 degrees ang weather that time na naroroon sila.

Ayon pa kay Direk Ronnie, sinunod lang niya ang nasa script kung saan ay nakalagay na kailangang mag-swimming ni Alex sa isang lagoon.

Sandali pa lang daw nakakababa si Alex sa tubig ay napansin na nilang nahihirapan na ito.

’Yun pala ay nanginginig na nga siya sa ginaw. Kaya tinapos na raw nila talaga ang scene dahil baka raw mapatay pa nila ang aktres.

“Ang layo pa ng pool, kailangang mag-trek ng 15 to 30 minutes, so, kung may mangyari sa kanya, hindi namin siya mara-rush sa ospital, maglalakad pa kami,” kwento pa ni direk.

Ayon naman kay Alex, “Ganu’n pala ang pakiramdam ng parang hypothermia, akala ko parang manginginig ka lang, tapos mamamatay ka, hindi pala siya ganu’n.”

Talagaw raw halos hindi na siya makahinga at parang tumitigil talaga ang puso niya.

Even after umalis siya sa tubig at nasa kwarto na ay nanginginig pa raw lahat ng himaymay ng kanyang laman.

Naisip na nga raw niya na mamamatay na siya talaga that time.

“Sabi ko, ‘my God, mamamatay ako, Lord, pwede bang paabutin mo ako sa Baguio kasi may eight days pa kami du’n?’

“Kasi talagang wala na, hindi ko na makontrol ang katawan ko, nagse-shake na talaga siya, as in hindi ko na mahubad ’yung suot kong basa.

“Tapos, niyayakap lang nila ako, tapos, kumot, lahat ng body heat, nilalagay sa akin kasi feeling nila, mamamatay na ako kasi hindi ako makahinga talaga,” kwento ng aktres sa presscon.

Sa dami ng nagawa niya, first time raw talagang nangyari sa kanya na halos mamatay na siya kaya naman itinuturing na niyang second life ito ngayon.

Puring-puri si Alex ni Direk Ronnie dahil napaka-professional pa rin kahit nanginginig na sa ginaw.

Samantala, ang Through Night & Day ay kwento nina Ben (Paolo) and Jen (Alex) na matagal nang magkarelasyon at bago magpakasal ay nagpunta muna sa lifelong dream destination na Iceland nga.

Sa kanilang bakasyon na araw-araw magkasama nasubukan ang tatag ng kanilang relasyon.

Si Alex mismo  ang gumawa ng istorya ng pelikula, pati title at pati na rin ang Iceland location, ideya niya.

Showing na ang movie sa Nov. 14.