Alex, may tiwala sa newbie director

September 16, 2018
Alex Gonzaga

Isa nang ganap na director ang dating Pinoy Big Brother housemate na si Fifth Solomon. Siya ang director ng pelikulang pinagbibidahan ni Alex Gonzaga titled Nakali-mutan Ko Nang Kalimutan Ka.

Kuwento ni Fifth, “After PBB, nag-artista ako sa ABS-CBN. Napasok ako sa mga teleserye and then I felt a bit lost na parang napagod din ako. Na-miss ko yung passion ko sa pagsusulat at directing.”

Inamin din ng baguhang director na naghirap siya habang nag-aaral sa Australia.

“Nu’ng 2016 nagpunta akong Australia tapos nag-master’s degree ako du’n ng Media. Naghirap ako du’n, naghugas ng plato at gumawa ng kape.

“Kasi kailangan mong mag-part-time job habang nag-aaral ka kasi ang mahal ng cost of living. Meron pa akong semester na hindi natatapos. Bumalik ako dito kasi parang marami ng mga pelikula na gusto ko nang gawin,” kuwento ulit niya.

May balak si Fifth na tapusin ang kanyang  master’s degree sa Australia kapag nagkaroon ng pagkakataon.

“Hindi ko natapos kasi dinugo ako sa accent nila.  Ang hirap,” natatawa niyang pahayag.

“Pero tatapusin ko. Bumalik lang ako kasi gusto ko ng ambag sa industriya ng pelikulang Pilipino. Gusto ko pa rin umarte sa harap ng camera pero siyempre mas magpo-focus na ako sa directing ngayon, sa pagsusulat.

“Kasi mas malaki ’yung pera at saka mahal ko ‘yung ginagawa ko. Ang sarap ’pag nag-shoot ka tapos makita mong ’yung sinulat mo, ’yung dinirek mo. Ang sarap ng feeling na makapag-ambag ng kuwento sa ibang tao,” pahayag  pa ng newbie director.

Samantala, malaki naman ang pasasalamat ni Fifth kay Alex sa tiwalang ibinigay nito sa unang directorial job niya sa Wilbros Films.

“Wala siyang doubt.  ’Yung movie, hindi siya ’yung typical formula na may dramatic na pag-angat, ’yung makaka-relate ka, kasi very realistic.  ’Yung sa ending, pag-iisipin ka niya. Talagang unexpected ’yung ending,” sambit pa niya.

Palabas na ang Nakalimutan Ko Nang Kalimutan Ka sa Sept. 19.