Alessandra, pinaasa ng ABS-CBN

October 30, 2018
Alessandra de Rossi

Nilinaw ni Alessandra de Rossi kahapon sa mediacon ng bago niyang movie na Through Night & Day ng Viva Films na hindi naman siya nagtatampo sa ABS-CBN dahil sa naging role niya sa seryeng Since I Found You na nagtapos last August.

“Nang in-offer siya sa akin, leading lady talaga siya (ang role). I mean, kilala n’yo naman ako ever since. Bago ’yun, two years akong walang show dahil lahat tinatanggihan ko, lahat ayokong role.

“Finally, may role na gusto ko. Kasi leading lady, ‘bago ’to, ahm, try nga natin.’ ’Yun. Nag-abot naman ako ng kape saka papel kay Papa P (Piolo Pascual).

“So, masaya naman po ako na natapos na ’yung show dahil gustung-gusto ko nang gawin ’to (Through Night & Day). Hindi ko nga nasulat ’to, ’di ba, dahil nga, busy ako doon?” sey ni Alex.

Story at concept daw niya ang pelikula, pero hindi niya natapos ang script dahil nga nagte-taping siya ng SIFY.

Kaya, pinatapos na lang niya sa ibang writer.

“I don’t know kung ano ang nakarating (sa media), ’yung tampo and all, but hindi ’yun ang in-offer sa akin. And kung alam ko lang na mag-aabot lang pala ako ng kape, ginawa ko na ’to agad, kasi naghihintay ’tong movie na ’to,” pahayag pa ng aktres.

Sinabi raw kasi sa kanya na iba na pala ang mangyayari three weeks before the ending.

“Iba talaga ’yung in-offer sa akin. Ibang-iba talaga. Knowing me, na ’yun nga, na very, very picky sa projects, sobra, kahit magutom ako, eh, hindi ko gagawin basta ayaw ko. So, parang ‘asan ’yung in-offer? Wala yata dito, ah.’”

Okay naman daw sana kung hindi lang merong project na naghihintay sa kanya na gustung-gusto na niyang simulan.

“Gusto ko na kasing gawin ’to. September (last year) pa lang, naghihintay na ’to. Tapos August nila in-offer sa akin ’yun. Pa-August na the following year nu’ng sinabi sa akin na hindi na mangyayari.”

Alam din daw ito ni Papa P since magkaibigan sila, pero siyempre, pinili na lang nilang maging professional sa trabaho.

Sa ngayon, ayaw na raw muna niyang gumawa ng teleserye at magpapahinga muna siya.

“Ayoko na munang mag-soap,” sambit niya.

Dahil ba sa nangyari kaya ayaw muna niya mag-soap?

“Kung bakit ayaw kong gumawa ng soap, malalaman n’yo ’pag napanood n’yo ’yung movie,” sey niya na tumatawa.

Muli niyang nilinaw na wala siyang tampo sa ABS-CBN dahil sa nangyari.

“No, hindi ako nagtatampo. Hindi naman siya first time na nangyari sa isang artista. Nangyayari siya talaga. Sometimes, you have to listen to the netizens or whatever kung sinuman ang gusto n’yong pakinggan.

“I’m just here to explain my side na hindi masama na sumama ang loob ko during that time. Tao lang ako. Pinaasa ako. So, yes, of course masama ang loob ko nu’ng time na ’yun.”

Ngayong tapos na raw niya ang Through Night & Day ay okay na siya at hindi na raw issue sa kanya ang nangyari.

“Nagawa ko na ’yung gusto kong gawin. Okay na ako,” panigurado niya.

Samantala, sa Through Night & Day ay pinagtatambalan nila ni Paolo Contis sa ilalim ng direksyon ni Veronica Velasco.

Kalahati ng pelikula ay kinunan sa Iceland at kalahati naman ay sa Baguio.

Mula ito sa creative team na naghatid sa atin ng box-office hit na Kita Kita.

Showing na ang Through Night & Day sa Nov. 14.