Alden, humingi ng 10 araw na bakasyon sa US

October 14, 2018
Alden Richards

Sampung araw ang hininging bakasyon ni Alden Richards sa GMA at ibinigay naman ito ng network sa bida ng Victor Magtanggol na napapanood pagkatapos ng primetime newscast na 24 Oras.

Imbes na sa London, England ang bakasyon ng pamilya ng Pambansang Bae, sa Amerika na ito magaganap at babalik ng bansa bago ang New Year.

“’Yun lang naipagpaalam,” sambit ng multi-awarded actor, “kasi magnu-New Year countdown po ako rito. Du’n lang kami magki-Christmas kasi parang panata ko na rin ’yung New Year countdown.”

Pagod man daw si Alden sa serye pero inspirado siya at buong cast dahil sa magagandang feedback na nakukuha nila sa audience.

“’Yung feedback and reactions po that we get from the audience especially ’yung mga bata parang ’yun po ’yung drive namin to be more passionate about our work,” tinuran ng aktor.

Ayon sa binata, mukhang tatawid pa hanggang sa susunod na taon ang serye lalo na’t may mga bagong character na papasok sa programa.

Samantala, nasa mobile device na rin ang Victor Magtanggol. Available na nang libre ang official Victor Magtanggol game app para sa iOS at Android devices.

Ang game app ay mula sa GMA New Media Inc. na nag-develop din ng official GMA Network app at Encantadia Blast na base sa hit series na Encantadia.  Tiyak na mage-enjoy ang mga chikiting sa pagtakbo kasama si Victor at talunan ang mga balakid para mabuksan ang iba't ibang trivia tungkol sa kanya at sa kanyang mundo. Kaya’t wag magpahuli at i-download na ito sa App Store o Google Play.