Ai-Ai, wait and watch sa karma ng inireklamong travel agency

October 05, 2018

BUMUBULA si Ai-Ai de las Alas sa ngitngit at galit sa kanyang post nitong nakaraang mga araw sa Instagram  tungkol sa isang travel agency -- ang ESG Leisure Travel Agency -- dahil ’yung binook niyang business class ticket last July 21 para sa asawang si Gerald Sibayan, eh, biglang naging economy class ilang araw bago sila lumipad, huh!

Maagang nagpa-book ng ticket si Ai-Ai kaya naman promo rate ang kinuha niya for practical reasons na rin at business class ticket ang binayaran.

“Na-email na sa akin ang ticket. So, ok na dapat, ’di ba?

“Aba, I was surprised, I was informed this afternoon (last Thursday) 3:18 p.m. to be exact -- that he will be issued an economy class instead of business class ticket which I paid for as early as July.

“Sabi ng may-ari ng travel agency, kasi raw ang dami nagpapa-book and 200k ang ibabayad and not the promo rate I paid for. ’Di ba ang purpose ng early booking is para makatipid? Now ako ang iipitin and inconvenience?” bahagi ng talak ni Ai.

Nag-verify ang lawyer ng comedy queen sa PAL at ang rason ng pagkansela ng e-ticket ni Gerald ay “due to ticketing deadline expiration last July 23, 12:46PM.”

Sa paliwanag sa kanya ng isang Ronald ng PAL, hindi binayaran ng agency ’yung ticket. Sa halip daw na maging apologetic, sinigaw-sigawan pa siya ng may-ari ng agency, huh!

“Hindi naman yata tama ’yun. I am a paying client. I should be accorded respect and she should have been professional. So wala na akong magawa but to accept the downgrade.

“Umiyak ako sa frustration, galit at inis. But I am now exploring my legal options. Hindi tama ’yung ginawa sa asawa ko,” litanya ni Ai-Ai.

Isa nga sa mga nag-offer ng tulong sa kanya ay ang pinsan niyang si Ogie Alcasid na may kilalang travel agency.

Pero kahapon sa IG post ni Ai-Ai, isang quotation ang pinost niya:

“No need for revenge. Just sit back and wait. Those who hurt you will eventually screw up themselves, and if you’re lucky, God will let you watch.”

“Mas masakit at mahirap ’pag si GOD ang gumalaw kaya wait and watch na lang ako,” caption ni Ai-Ai.

Isa si Ai sa performers sa naka-schedule na GMA Pinoy TV Paskuhang Pinoy ngayong October 7 sa Anaheim, California.