Aga, natutulala sa galing ni Bea!

October 08, 2018
Aga Muhlach and Bea Alonzo

Hindi akalain ni Bea Alonzo na makakapareha pa niya si Aga Muhlach sa isang proyekto. Long time dream na niyang makatrabaho ang aktor at aniya sa mediacon kahapon ng First Love, akala raw niya ay hindi na magkakaroon pa ng chance na matupad ito.

“Kasi, nakatrabaho na siya ng ibang mga babae sa generation ko like sina Angelica (Panganiban), Angel (Locsin), Anne (Curtis), tapos akala ko, hindi na siya mangayayari. Pangarap ko siyang makatrabaho until...

“Siguro ngayon ’yung perfect time at siguro, ito ’yung perfect project,” pahayag ni Bea.

Kwento naman ni Aga, siya mismo ang tumawag kay Bea para itanong kung pwede ba siyang gumawa ng pelikula with him. At tulad ng aktes, matagal na rin daw niyang gusto itong makatrabaho.

Sa tuwing mapapanood daw niya si Bea sa isang pelikula ay lagi raw niyang sinasabi sa sarili na “man, I love to work with her.”

Nang sabihin na sa kanya ni Direk Paul Soriano ang material para sa pelikulang gagawin nila at nakita niyang love story ito, si Bea lang daw talaga ang naisip niya.

Nagkataon naman na si Bea rin pala ang nasa isip ni Direk Paul at ang nakalagay na nga raw sa script ay Aga-Bea.

“Sabi ko, ‘oh my God, Lord, my God, you are wonderful, really!’ So I have to call her up, I texted her. Hindi ko naman nakakausap si Miss Bea Alonzo, ang kapal-kapal ko, ‘may I call?’” kwento ni Aga.

Nag-usap sila ni Bea at sinabi niyang may project sila at nakiusap na tanggapin nito. At umokey naman daw agad ang aktres although na-shock siya nang tawagin siyang “kuya” ni Bea.

“Kinukuya na ako ngayon,” natatawang sambit ni Aga.

Kwento naman ni Bea, nang maka-receive raw siya ng text from Aga, pinatigil daw niya ang kanyang driver sa pagmamanaho.

“Sabi ko, ‘sandali, sandal, tumigil ka, tatawag si Aga Muhlach!’ Oo, talagang sinagot ko. Tapos, tina-try kong ikalma ang sarili ko,” kwento ni Bea.

Sobrang excited din daw ang boses ni Aga at tinanong nga siya kung open siya to do a project with him.

“Hindi pa niya natatapos ’yung sentence niya, sabi ko, oo, oo, opo, sige, gumawa tayo ng pelikula,” sey ni Bea.

Siyempre, hindi raw siya talaga tatanggi dahil ito ang katuparan ng kanyang mga pangarap.

Aminado si Bea na talagang kinakabahan siya sa first shooting day. At talagang nakita rin ito ni Aga. At habang nasa Vancouver, Canada sila kung saan kinunan ang ilang bahagi ng movie, dito lalong napatunayan ng aktor na hindi siya nagkamali sa pagpili kay Bea.

Papuri ni Aga, sobrang galing daw ni Bea at talagang natutulala raw siya sa husay ng aktres.

Hatid ng Ten17P kasama ang ABS-CBN Films -- Star Cinema at Viva Films, showing na ang First Love sa October 17 na birthday din nina Bea at Direk Paul. Kasama rin sa movie sina Edward Barber at Albie Casiño.