ABS-CBN, ilalapit sa Pinoy ng Studio XP

September 15, 2018

Pinangarap n’yo bang maging housemate sa Pinoy Big Brother? Hinulaan n’yo rin ba kung sinong The Voice coach ang iikot para sa inyo, o ninais n’yo rin bang sagutin ang Fast Talk questions ni Boy Abunda sa Tonight With Boy Abunda?

Pwes, pagkakataon n’yo nang maranasan na maging bahagi ng mga paborito n’yong programa sa pagbubukas ng ABS-CBN Studio Experience, o Studio XP, sa Ayala Malls TriNoma bukas, Linggo.

Ayon sa ABS-CBN Themed Experiences Inc. head na si Cookie Bartolome, nahahati ang bagong Studio XP sa tatlong bahagi -- ang Retail, Fantasy at Retail Studios.

Meron itong 15 attractions at full-scale set reconstructions na binuo para i-level-up ang ibibigay na Kapamilya experience sa iisang lugar lamang. Isa ang Kapamilya host/anchor na si Robi Domingo sa mga nakisaya sa media launch Studio XP nu’ng Huwebes ng gabi.

“Naging inspirasyon namin ang mga Kapamilya na gustong maranasan at masilip ang studios sa network. Sa pamamagitan ng Studio XP, gusto naming ilapit ang ABS-CBN sa mga Pilipino,” ani Cookie.

Sa Reality Studio, pwedeng maging contestant sa Kapamilya shows na Pinoy Big Brother Breakout kasama si Kuya; lumaban sa Minute To Win It: The Experience at maging Last Man Standing.

Pwede ring maranasan ang The Voice Open Mic at alamin kung sino sa virtual coaches na sina Bamboo, Lea Salonga, Sarah Geronimo at Sharon Cuneta ang iikot sa inyong blind auditions.

Maaari ring bumida sa Star Lab, kung saan pwedeng maki-duet o umarte kasama ang Kapamilya artists, magpatawa kasama ang cast ng Goin’ Bulilit at subukan ang hot seat sa Fast Talk ng Tonight With Boy Abunda.

Sa mga gusto namang sumubok sa production chores, pwedeng pasukin ang It’s Showtime Director’s Booth at maging bahagi ng TV crew ng live production.  

Nariyan din ang 80-seater Kapamilya Theater na magpapalabas ng 4D movies, live shows at iba pang  events, ang multi-player games, tulad ng Misyon: Ang Probinsyano (isang patintero-based game) o Ang Propesiya: La Luna Sangre (agawan base).

Tampok naman sa Fantasy Studio ang attractions gaya ng Action Academy, ARX o augmented reality game, Superheroes Playground, atbp.

Marami ring mabibili na ABS-CBN Store merchandise at limited edition products sa bagong Retail Studio.

Affordable ang Studio XP: P375 para sa XPass Prime tickets (first-time visitors) at P350 (returning guests). Ang XPass Lite naman ay P300 (first-time visitors) at P275 (returning guests).