6,388

Trahedya at Komedya

  • Written by Rei Lemuel Crizaldo
  • Published in Pananaw Pinoy
  • Read: 3987

Marami ang nag-react sa pagkakalagay bilang Senate President kay Sen. Tito Sotto. Umusok ang social media sa mga jokes kung paanong tila ba ‘di kapani-paniwala na isang comedian ang uupo sa makapangyarihang posisyon ng Senado. Naging tampulan kasi ng maraming beses ang senador sa pagkakadawit niya sa iba’t-ibang isyu. Nariyan ang isyu ng pangongopya niya sa 1966 Day of Affirmation speech ni Robert F. Kennedy noong 2012. Matatandaan na nauso tuloy noong panahon na ito ang catchword na “Sinoto” bilang bansag sa plagiarism. Nitong kamakailan naman ay ang tipong panlalait niya sa pagiging isang single mother (“Na ano?”) ni dating DSWD Secretary Judy Taguiwalo. Kaya’t tanong ng marami, paano nga ba daw ang nangyari at sa dinadami ng mga senador na higit kagalang-galanag kaysa sa kanya ay siya pa ang kanilang inihalal bilang pinuno ng Senado?

Sa isang banda, aminado naman ang senador na kahit siya ay hindi makapaniwala sa naiatang na pagkilala at responsibilidad sa kanyang balikat. Naging tanyag si Tito Sotto bilang bahagi ng alamat na trio ng ‘Tito, Vic, & Joey’ na siyang naging haligi ng longest running noon time show na ‘Eat Bulaga.’ Para sa iba, hindi rin naman dapat maliitin basta-basta ang kakayahan ng senador dahil isang uri din ng ‘katalinuhan’ ang pagiging isang comedy actor. Unang nahalal si Sen. Sotto sa Senado noong 1992 at naglingkod hanggang 2004. Muli siyang nahalal noong 2010 kung saan siya ang naging top 3 o pangatlo sa nakuha ng pinakamataas na boto sa 12 senador na nahalal. Kung susumahin ay may halos dalawampung taon na siyang senador ng Pilipinas. Naging Deputy Floor Leader siya noong 2013, Minority Floor Leader noong 2014, at Majority Floor Leader noon 2016 –kung tutuusin, a classic case ng rising from the ranks ang drama ng naging kwento niya sa Senado.

Maging anupaman ang maging ‘tayo’ o pagtingin sa kanyang pagiging kapatdapat na bagong Senate President, mahalagang isipin din ang mas malawak na larawan ng Senado. Kung itatanong kung bakit siya sa halip na iba, maaaring makatulong sa pagninilay ang isang kwento mula sa Biblia, ‘Aklat ng mga Hukom’:

"Isang araw, nag-usap-usap ang mga punongkahoy upang pumili ng hari nila. Sinabi nila sa olibo, ‘Ikaw ang maghari sa amin.’ 9 Sumagot ang olibo, ‘Hindi ko maiiwan ang paggawa ng langis na ginagamit sa pagpaparangal sa mga diyos at sa mga tao para maghari lamang sa inyo.’ 10 Sinabi nila sa igos, ‘Ikaw na ang maghari sa amin.’ 11 Ngunit sumagot ang igos, ‘Hindi ko maaaring itigil ang pagbibigay ng masasarap kong bunga upang pagharian ko lamang kayo.’ 12 Kaya sinabi nila sa ubas, ‘Ikaw na ang maghari sa amin.’ 13 Sumagot ang ubas, ‘Hindi ko maaaring itigil ang pagbibigay ng alak na pampasaya sa mga diyos at sa mga tao upang pagharian ko lamang kayo.’ 14 Kaya, sinabi nila sa halamang matinik, ‘Ikaw na nga ang maghari sa amin.’ 15 Ang sagot ng halamang matinik, ‘Kung talagang gusto ninyo akong maging hari, sumilong kayo sa akin. Kung ayaw ninyong sumilong, magpapalabas ako ng apoy sa aking mga tinik upang sunugin ang mga sedar ng Lebanon.’

Kung titingnan ang mga pangalan ng mga senador na naghalal sa kanya at maging yaong mga hindi, siguradong may mapapansin tayong masasabing higit na kwalipikado at may higit na karanasan na karapatdapat sa posisyon ng isang Senate President. Subalit, tulad ng tagpo sa Bibliya, dahil nakatuon sa sariling kapakanan ang karamihan sa kanila (sa halip na sa kapakanan ng mga taong kinakatawan nila), napipili sa posisyon ang isang nangangako ng lilim bagamat tila ba wala sa kanyang kakayahan ang ito’y maibigay. Mapait na komentaryo mula  sa Irish playwright na si George Bernard Shaw “Democracy is a device that ensures we shall be governed no better than we deserve.”