5,850

TNVS: Unfair Fare Nga Ba?

  • Written by Emil Jonathan Soriano
  • Published in Pananaw Pinoy
  • Read: 3977

Preferred ride na nga na maituturing ang mga TNVS sa nakararami nating mga kababayan.  Marami sa kanila ang nagpapasalamat at may nakalikha ng ganitong teknolohiya kung saan ay nabibigyan sila ng mas ligtas, komportable, at efficient na commuting experience.  Mas marami na actually ang riders ng TNVS kumpara sa mga regular taxis kung saan samu’t sari ang mga hindi magandang karanasan ng mga pasahero.

Bukod dito, nakabuti ang TNVS upang makapagbigay ng altenatibong mode of transport sa mga regular na public transport systems na meron sa kasalukuyan.  Na-utilize ang mga private car owners na magbigay ng karagdagang serbisyo sa commuting public na kadalasan ay nahihirapan sa lumalalang kalidad ng mga transport systems sa bansa -mapa-jeep, bus, o train.  Masasabing kakaiba at unique ang TNVS platform dahil ito ay naka base sa konsepto ng “car-pooling” o “ride-sharing.”

Ang pagkaroon ng pagkakataong makapaghanap-buhay ay isa pa sa naging magandang naidulot ng TNVS.  Maraming dating unemployed at tambay ay kumikita na ngayon.  Marami din ang nag-resign na sa trabaho upang mag full-time sa pagmamaneho at mahawakan ng mas mabuti ang oras nila. Marami ding OFW ang nagpundar ng sasakyan at umuwi na sa bansa upang magmaneho ng TNVS at makapiling na nila ang kanilang mga pamilya. Sa kabila ng mga benepisyong ito, inulan ng batikos ang isang TNVS company dahil sa diumano ay unfair nitong fare system. Isang kongresista ang naging maingay at nagreklamo sa naging karanasan niya sa over-priced na pamasahe.

Kung tutuusin, mukhang simple lang naman ang isyu.  Pagpaliwanagin ang mga TNVS companies kung papaano ang computation ng kanilang fares.  Gawing epektibo ang pagpapaliwang ng mga TNVS companies sa kanilang mga parokyanong riders sa computation.  Kapag naihain ito, dito papasok ang intervention ng LTFRB for regulation purposes upang siguruhin na magiging patas ang pamasahe sa riding public.

Tandaan natin na ang TNVS ay alternatibo sa mga regular na public utility transport.  Hindi lahat ay pwedeng sumakay dito dahil kailangan na makapag-download ng app ang mga nais na mag-avail ng serbisyo.  Dagdag pa dito, upang makapagdownload ng app, ang rider ay dapat mag-agree sa ilang requirement ng TNVS companies. Sa paraang ito, ang mga nakapag-download ng app ay maituturing na exclusive riders ng TNVS service provider. Upfront din naman ang pamasahe na kapalit ng serbisyong ito. Ibig sabihin, bago ka makagawa ng booking ay bibigyan ka ng pagkakataong magpasya kung afford mong bayaran ang itinakdang fare.

Ang TNVS ay unique at hindi pwede maikumpara sa regular taxi services na mas mababa ang pamasahe. Mataas ang pamasahe ng TNVS dahil ito ay service vehicle na maituturing.  Para itong semi-car rental service.  Exclusive ‘ride-sharing’ din ito na limitado para sa mga app-members ng mga TNVS service providers gaya ng Grab at Uber.

Kung ihahambing ito sa larangan ng grocery shopping,  ang mga regular transport services gaya ng tricycle, jeep, bus at MRT ay parang Savemore, Puregold at Shopwise na bukas sa lahat.  Kakaiba ang mga ito sa S&R o Landers na pawang mga membership-based grocery shops.  Ibig sabihin, mga card carrying members lamang ang privileged shoppers at hindi open for the public. Kung namamahalan ka sa S&R o Landers may option ka na sa regular supermarkets mamili.  Ganyan din kung tutuusin ang konsepto ng mga TNVS. Ang TNVS ay makabagong teknolohiya sa transport services.  Tama lamang na ito ay ma-regulate ngunit dapat din na bigyan ito ng isang unique standard na hindi base sa regular transportation system.  Sadyang mas mataas ang magiging pamasahe nito sa kadahilanang ito ay service vehicles.

Bahagi na ang TNVS sa makabagong panahon sa transport innovation at binibigyang buhay nito ang diwa ng competition sa transport industry.  Hamon sa ibang public transport providers na mas pagbutihin ang serbisyo nila at i-angat ang kalidad ng kanilang mga sasakyan. Sa lumaon, magiging win-win ito para sa mga commuters pati na din sa mga TNVS providers.  Bayan ang panalo.

Ang Opinyon ng Pilipino ay isinulat ni Emil Jon Soriano ng Pananaw Pinoy. Dahil sa isang bansang may demokrasya, opinyon ng bawat isa ay mahalaga.