4,991 guests

Tagumpay Laban sa Nuclear Weapons

  • Written by Hadje Cresencio Sadje
  • Published in Pananaw Pinoy
  • Read: 617

Sa kabila ng pagtutol ng United States at Russia, nagdesisyon ang United Nations na tuluyan nang gawing ilegal ang paggawa, pag-aari at paggamit ng mga sandatang nukleyar noong July 7. Mahigit 122 estado ang lumagda upang pagtibayin ang isang kasunduan na gawin itong ilegal. Ayon sa Nuclear Age Peace Foundation report, siyam na estado ang may mga armas nukleyar. Ngunit lima lamang estado ang opisyal na kinikilala o may pahintulot na magkaroon ng nuclear weapons at ito ay naaayon sa 1986 Nuclear Non-Proliferation Treaty (NPT). Ang mga bansang ito ay ang United States, Russia, United Kingdom, France, at China. Dagdag pa nila, may tatlong estado na hindi pumirma sa NPT at ang mga bansang ito ay Israel, India, Pakistan, at North Korea. Maliban dito, may mga estado namang tuluyang tinalikuran ang paggamit ng nuclear weapons katulad ng Argentina, South Africa, Belarus, at Kazakhstan.

Bakit nga ba dapat tayong tumutol sa pag-aari at paggawa ng nuclear weapons? Isinasaad sa New Treaty on the Prohibition of Nuclear Weapons na ang paggamit nito ay may “catastrophic consequences” sa buong mundo at hindi lamang limitado sa iisang bansa. Ayon pa dito, lahat ng mga estado ay may responsibilidad at obligasyong proteksyunan ang mga mamamayan nito sa banta ng nakakakilabot na epekto ng nuclear weapons. Halimbawa ang dalawang siyudad ng Hiroshima at Nagasaki sa epekto ng nuclear weapons  noong 1945.

May mga nagtatanong, bakit nga ba kailangan natin ng nuclear weapons? Ang popular na paniniwala ay dahil sa pandaigdigan banta sa ating peace and order. Ngunit marami ang nagdududa sa ganitong paniniwala. Ayon sa 2015 data ng Center for Responsive Politics, hindi talaga sapat na batayan ang banta sa peace and order upang malaya tayong gumamit ng nuclear weapons. Sinasabi nila na ang nuclear weapons ay isang napakalaking negosyo ng pera sa United States. Hindi na ito bago ayon sa International Campaign to Abolish Nuclear Weapons (ICAN). Noong March 2012, naglabas ang ICAN ng executive report na nagsasabi na may siyam na nuclear-armed nations na gumagastos ng US$100 billion para sa pagpapalakas ng kanilang nuclear forces. Sa madaling salita, hindi maitatanggi na may malaking pera sa usaping ng nuclear weapons industry. Ito rin ay maituturing na imoral na gawain at labag sa makataong pananaw. Ayun kay Bishop Desmond Tutu, “No one should be profiting from this terrible industry of death, which threatens us all.”

Nakakalumo isipin na may mga taong nakikinabang o kumikita sa banta ng pagkawasak ng mundo at pagkawala ng sangkatauhan. Maliban dito, kung may katotohanan na ang mga terorista ay may kakayanang makagamit ng nuclear weapons katulad na lamang ng nababalita sa Syria at Iraq, ibig sabihin lamang na hindi pa rin tayo ligtas sa banta ng proliferation o pagkalat ng nuclear weapons.

Masasabing tagumpay nga ang kampanya sa anti-nuclear weapons ngunit hindi natatapos ang ating pagbabantay sa mga banta ng proliferation ng nuclear weapons. Hanggang ang mga tao, estado, at ang mga susunod na future leaders ay hindi naniniwala na posible ang lipunang may kapayapaan at katarungan, hindi mawawala ang banta ng nuclear weapons. Hangga’t ang mga estado ay hindi naniniwala sa diplomatic solution, hindi mawawala ang takot sa nuclear weapons. Hanggang may kumikita sa nuclear weapons, hindi natin puwedeng isantabi ang usapin ng nuclear weapons. Hanggang hindi tayo magtitiwala sa Diyos ng kapayapaan at katarungan, patuloy tayo sa paniniwala na ang armas at dahas ang sagot sa peace and order at hindi matatapos ang bangungot ng nuclear weapons.

Sinasaad sa Banal na Kasulatan, “Lalong mabuti ang manganlong sa Panginoon kaysa maglagak ng tiwala sa tao. Lalong mabuti ang manganlong sa Panginoon kaysa maglagak ng tiwala sa mga pangulo. Kinubkob ako ng lahat ng mga bansa sa palibot: sa pangalan ng Panginoon ay aking ihihiwalay sila (Psalm 118: 8-10).

Mapapakinggan ang Pananaw Pinoy sa radyo, sa programang “Oras ng Pilipinas,” sa pagitan ng 7-8:30 ng umaga, ng 702 DZAS (AM) -FEBC Radio. Para sa suhestiyon at komento,mag-text sa 0928-364-2090 o mag-email sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it..