5,691

SO ano NA raw?

  • Written by B. Moreno Bragas
  • Published in Pananaw Pinoy
  • Read: 885

Noong July 23, 2018, ginanap ang pangatlong State of the Nation Address ni Pangulong Rodrigo Duterte. Dahil ito ay maikli, seryoso at kalmado, masasabing kakaiba ito sa iba niyang mga talumpati. Dapat siyang hangaan dahil sa kaniyang pagpapatunay na hindi lang naman siya puro kuwento, palabiro, palamura at minsan ay may kabastusan. Kapag kailangang tumayo bilang isang disenteng presidente ng bansa, ito ay nakikita rin naman nang walang pagpapanggap.

May isang bagay na tila ba parehong-pareho sa iba niyang mga talumpati. Ito ay ang kaniyang tugon sa mga kritiko sa kaniyang “war on drugs.” Ito ang kaniyang sinabi: "Your concern is human rights, mine is human lives. The lives of our youth are being wasted and families are destroyed, and all because of the chemicals called shabu, cocaine, cannabis, and heroine…"

Para sa mga Pinoy na may iba’t ibang pananaw, tila may pare-parehong tanong: “Ano raw?!”

Para sa mga kritiko ng pangulo, ito ay inconsistent. Sinasabi ng ilan na dahil ang karapatang-pantao ay bahagi ng buhay ng isang tao, dapat lamang itong ipaglaban. At hindi tama na ihiwalay sila sa isa’t isa gaya ng pahayag ng pangulo. Para naman sa iba, kailangang intindihin ang mga salitang ito sa pakahulugan na hindi tuwirang nabanggit. Ibig sabihin, ang nais mapangalagaan ng pangulo ay ang kapakanan ng mga ordinaryong mamamayan kaysa karapatan ng mga adik, mga kriminal at lahat ng mga sangkot sa droga na siyang sumisira sa buhay ng mga kabataan at samahan ng mga pamilya. Ito ang magandang pagkakaunawa kung pag-iisipan nang maigi ang konteksto ng pahayag ng pangulo.

Pero may mahalaga ring hindi nabibigyang-pansin sa mga nasabing pananaw. Ito ay nasabi sa wikang Ingles na “all men are endowed by their Creator with certain unalienable Rights…” (US Declaration of Independence). Sa pagkakasabing “unalienable,” ito ay hindi lamang isang bahagi na para bang puwedeng  ihiwalay gaya ng sinasabi ng mga kritiko ng pangulo. Ang karapatan ay hindi dayuhan sa isang tao. Siya ay tao dahil siya ay may karapatan at siya ay may karapatan dahil siya ay isang tao.

Bagama’t maganda ang pagkakaunawa ng mga piniling intindihin ang mga salita ng pangulo sa kanyang hindi tuwirang nabanggit, hindi pa rin naging sapat ang pagkakaunawa dito. Ito ay dahil napalagpas ang isang hindi rin naman kritikal na napag-isipan ng pangulo – kung gaano niya binibigyan ng halaga ang kaisahan ng karapatan at buhay. Kung ang karapatan (at buhay) ay sinasabing ipinagkaloob ng Manlilikha, Siya lamang ang may karapatang bumawi nito. Gaano nga ba tinitimbang ng pangulo ang buhay ng bawat tao, siya man ay isang ordinaryong mamamayan o isang matinding salot ng lipunan? Sa implikasyon ng kaniyang pahayag, tila ang mga ordinaryong mamamayan lamang ang may karapatan. Ngunit dahil ang mga durugista at mga kriminal ay nakasisira ng buhay at lipunan, sila na rin mismo ang nagtatanggal ng kanilang karapatan. Ganito ba ang tamang pananaw? Hindi ba’t unti-unti lang tayong nakapagtatanim ng isang kultura ng karahasan at pagpaslang kung ganito ang ating pag-iisip? At paunti-unti rin nating sinisira ang kinabukasan ng bansa? Wala naman talagang makasisigurado kung gaano kadirekta ang pagkasangkot ng mga awtoridad sa mga pagpaslang na may kinalaman sa droga at kriminalidad.  Wala sa posisyon ang sinuman (kahit ang nagsulat ng artikulong ito) para tahasang sabihin ito. Nakababahala lamang ang paglaganap ng isang kultura na siguradong makasisira sa kinabukasan ng ating lipunan. Kung mangyayari ito, hindi na mga durugista o mga kriminal ang sisira sa ating bayan kundi tayo na rin. At ito ay magiging kultura lamang kapag hindi tayo nabahala kung gaano nga ba tinitimbang ng isang tao ang kaniyang pagtingin sa bawat tao – kriminal man, durugista o ordinaryong mamamayan.

So ano na raw? Anim na taon lamang ang mayroon para maging pangulo ang isang tao sa bansang ito. At kung maluwag na tatanggapin ang pananaw na tila mas matimbang ang ordinaryong mamamayan kaysa mga salot ng lipunan, ito ay magpapatuloy sa isang termino ng panunungkulan hanggang sa ito ay maging kalinangan, ngunit isang henerasyon o higit pa ang kailangan para maitama ang nasirang kultura at disposisyon ng mga tao.