6,464

Pederalismo at Komunidad

  • Written by Bryan Jay Paler
  • Published in Pananaw Pinoy
  • Read: 2772

Sa kasalukuyan, at kahit noong hindi pa nauupo sa puwesto, matindi ang kampanya ni Presidente Rodrigo Duterte sa pagsulong ng pederalismo na siyang papalit sa kasalukuyang porma ng gobyerno. Marami ang sumusuporta at marami rin ang tumutuligsa sa mungkahi niyang ito. Natural na maghanap ng alternatibong sistema ang tao kapag ang isang umiiral na sistema ay hindi na akma sa kaniyang kalagayan, hindi na tugma sa kaniyang pangangailangan, lalo pa’t hindi na siya nakikinabang dito.

Mahaba ang ating karanasan sa mga pagbabagong tulad nito sa sistema ng pamamahala mula sa sistemang barangay ng sinaunang komunidad, pangkat ng mga katutubo, at sultanato hanggang sa sinakop na tayo ng mga Kastila, Amerikano at Hapon. Matatandaan na pinagduldulan ng mga Amerikano ang kanilang sistemang politikal sa ating bayan. Mula noon, ilang dekada na ang sistema ng republika na pinamumunuan ng isang pangulo at may tatlong sangay ng gobyerno. Marami ang nagsasabi na hindi ito naging epektibo.

Sa pagtalakay sa pederalismo, hindi puwedeng maisantabi ang dahilan ng mga nagrebolusyon sa iba’t-ibang panig ng bansa. Nandiyan ang Cordillera People’s Liberation Army (CPLA) sa kabundukan ng Norte, ang Moro Islamic Liberation Front (MILF) at MNLF (Moro National Liberation Front) sa Mindanao, maging ang New People’s Army (NPA) ng Communist Party sa buong kapuluan. Lahat ng mga pangkat na ito ay nanawagan ng pagbabago sa porma ng gobyerno, nanindigang lumikha ng sarili nilang gobyerno, at nagpakita kung paano nila patatakbuhin ang kanilang lugar na nasasakupan. Malinaw na ang mga hinaing nila ay hindi naresolba sa ilalim ng kasalukuyang porma ng gobyerno.

Sa ating panahon, lumikha ang gobyernong Duterte ng isang komite para pag-aralang mabuti kung ano ang magiging mukha ng ipapalit na pederalismo sa konteksto ng Pilipinas. Subalit ang nagpapanday at nagdedesisyon sa mukha ng pederalismo – ang administrasyong Duterte, kasama ang mga tao ng mga nagdaang administrasyon – ay siya ring mga mukha na bumuo sa direkta at hindi-direktang paraan ng kasalukuyang sistema. At dahil sila-sila rin, anong tunay na pagbabago ang ating aasahan? Sa halip na maki-ayon sa tila ba moro-morong palabas na ito, isaalang-alang natin ang isang pananaw.

Sa Old Testament ng ating Bibliya, mababasa na minsang binuwag ng Dios ang Tore ng Babel at kasama nito ang porma ng isang sentralisadong istruktura ng pamamahala. Noong inalis ng Dios ang mga Israelita sa mapaniil na gobyerno ng Ehipto, naglatag Siya ng alternatibong sistema para sa kanila, isang kaayusan na kung tawagin ay tribal confederate. Sa New Testament, muling nagpahayag ang Diyos ng sistema ng pamamahala sa pamamagitan ng phenomenon ng “tongues of fire.” Sinundan ito ng kasaysayan ng Early Church, kung saan nadaig ang manunupil na Imperyo ng Romano dahil sa mga munting komunidad ng mga tagasunod ni Kristo. Magkakaibang komunidad ang mga ito sa iba’t-ibang parte ng Imperyo pero nagkakasundo at nagkakaisa.

Nagawang i-subvert ng mga unang Kristiyano ang mga makamundong ginagawa noon sa lipunan. Pinagsasaluhan nila ang halos lahat ng bagay—yaman, pagkain, bahay at ari-arian—maliban sa kanilang mga asawa. Namamayani kasi sa kultura noon ng lipunan ang mag-swap ng mga asawa. Makikita ito maging sa Temple of Diana mismo. Pero, kalaunan, nabuwag ang hindi magandang kalakarang ito dahil na rin sa impluwensiya ng mga Kristiyano. Bukod dito, ang mga balo at naulila ay kinalinga ng mga komunidad ng mananampalataya. Nanindigan ang Early Church noon na hindi sumali sa digmaan at maging sundalo ng Imperyo dahil taliwas ito sa katuruan ng Dios na mahalin ang kapwa. Pinatuloy din nila ang mga dayuhan sa kanilang bayan. Alam ng Early Church na ang kanilang citizenship ay wala sa anumang porma ng bansa at gobyerno. Ang kanilang allegiance o katapatan ay tanging nasa Diyos lamang at sa Kaniyang kaharian.

Sabi ni Shane Claiborne, “Christianity is at best when it is peculiar, marginalized, suffering, and it is at its worst when it is popular, credible, triumphal and powerful.” Kaya’t sa halip na ilagak ang ating pag-asa sa pederalismo, mas mahalagang bigyan natin ng pansin ang pagpapaigting sa komunidad sa pamamagitan ng pakikipagkapwa o, para sa ating mga Pilipino, ang sense of kapitbahay. Irespeto natin ang lahat ng tao at kaniyang paniniwala. Lumikha ng mga alternatibo at malikhaing mga pamamaraan. Komprontahin ang kahirapan, giyera at kapangyarihan. Magkaisa kahit magkakaiba. Magmahalan gaya ng utos ng Dios. Noon at magpasahanggang ngayon, ang nais ng gobyerno ay siya ang maging pag-asa ng mamamayan sa kung ano ang magiging buhay at kapalaran nila at ng kanilang komunidad. Pero hindi ito ang nais ng Dios. Binigyan Niya tayo ng kakayahan, talino at ng Kaniyang Banal na Espiritu para makalikha ng “shalom” sa ating sariling mga komunidad.