5,266

Paano Pakikinabangan ang Tax Reform?

  • Written by Alvin Ang, PhD
  • Published in Pananaw Pinoy
  • Read: 4569

Pinirmahan na ni Presidente Duterte noong December 19 ang Republic Act 10963 o ang Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN). Bukod sa paglalapat ng tax system sa kasalukuyang realidad, magdudulot ang batas na ito ng P130 bilyon na malilikom para sa mga infrastructure projects at social spending ng pamahalaan. Ang pangunahing focus ng TRAIN ay ang mapababa ang income taxes ng bawat mamamayan habang dagdagan naman ang buwis sa pagkonsumo nang mga produktong may masamang epekto sa kalusugan (tulad ng sugar-sweetened beverages at tobacco) at mga bilihin na tinatangkilik ng mga mayayaman tulad ng kotse, gasolina, cosmetic surgery at iba pa.

Tinataya ng Department of Finance na may 6 milyon na manggagawa na kumikita kada taon ng P273,000 o kaya'y P21,000 kada buwan (o mas mababa pa dito) ang magiging exempted sa pagbabayad ng personal income tax. Kinakatawan nila ang may 83% ng lahat ng compensation workers sa bansa. Ang matitipid nila ay magbibigay ng karagdagang kaluwagan at kalayaan kung paano maaaring gamitin ang tinatanggap na sahod.

Ayon sa datos ng 2015 Family Income and Expenditure Survey na isinagawa ng Philippine Statistics Authority, 80% ng mga pamilya sa Pilipinas ay kumikita ng P320,000 and below kada taon. Ipinapakita din ng survey na ito kung paano sila gumastos kumpara sa upper 20%. Isa sa mga kapansin-pansin ay ang datos na higit na gumagastos ang lower income na mga pamilya sa pagkain, tobacco, at alcohol kaysa sa ibang bagay. Pero tiyak na magpapababa ng kanilang pagkonsumo sa mga produktong ito ang karagdagang buwis na ipinataw ng TRAIN. Mailalayo din sila sa health risks na madalas ay kaakibat ng mga produktong nabanggit. Inaasahan na sa maaaring matitipid ng mga lower income families sa hindi pagbili ng mga produktong ito, sa mas makabubuting bagay nila magagasta ang kanilang kita o dili kaya'y makapag-impok sila sa matitipid nilang pera.

Ayon sa Quarterly Consumer Expectations Surveys ng Bangko Sentral ng Pilipinas, nasa 40% ng mga pamilya na kumikita ng P10,000 hanggang P30,000 kada buwan ang may 'ipon' sa pagsapit ng huling quarter ng 2017 (October-December). Kalahati sa kanila ang nagsabi na kaya pa nilang makapag-ipon pa kahit kasagsagan na ng Kapaskuhan. Subalit, 10% lamang sa kanila ang talagang nakapagtabi pa ng 10% ng kanilang kita para maiimpok. Makikita natin dito kung paanong ang exemption sa personal income tax ng TRAIN ay makakatulong sa mga pamilya na madagdagan ang kanilang tsansa na makapag-ipon.

Pero nanatiling hamon kung mangyayari nga ba ang mga inaasahang buti ng tax reform ng administrasyon. Kadalasan kasi ginagastos na ng marami ang mga inaasahang 'kita' bago pa man din nila ito matanggap. Isang halimbawa, dahil inaasahan na ng marami ang 13th month pay pagdating ng December, madalas ay naka-allocate na kung paano ito gagastusin noon pa mang simula ng taon. Ang mas malala pa dito, kapag inaasahan na lalaki ang kita, madalas ay nag-ooverspend na din at lumalaki na ang gasta. Ito ang dahilan kung bakit hindi ramdam ng maraming tao ang paglaki ng spending power ng kanilang kita.

Sa huli, ang karagdagang kaluwagan na maibibigay ng tax reform ay hindi nangangahulugan na mapapakinabagan ito kaagad-agad ng mga mamamayan. Kailangang magkaroon ng kaalinsabay na pagbabago o reporma kung paano gagamitin ng mahusay ang karagdagang 'kita' na tatanggapin. Mahalagang i-review ang expenditure patterns o ang nakaugaliang paraan ng paggasta. Dapat malaman kung ano ang gastusin na hindi urgent at pwedeng i-postpone. Alamin din kung alin ang mga matatawag na pawang 'kagustuhan' (wants) lamang at hindi naman kinakailangan (needs). Dapat din unahin na mabayaran ang utang at siguruhin na may maiipon na 'fixed' amount , e.g., 5% kada buwan. Kung may matira pa, maglaan din para sa health insurance o para sa mga biglaang gastusin. Ilan lamang ito sa mga paraan kung paano mapapakinabangan ang TRAIN ng gobyerno.

Isang mapagpalang Pasko mula sa mga manunulat ng Pananaw Pinoy! Para sa suhestiyon at komento,mag-text sa 0928-364-2090 o mag-email sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it..