5,582 guests

Marawi Siege: May Katapusan Nga Ba?

  • Written by Hadje Cresencio Sadje
  • Published in Pananaw Pinoy
  • Read: 1795

Isang dekada na ang nakalilipas, nagpasa ng batas ang pamahalaan ng Pilipinas para sugpuin ang pagkakaroon ng terorismo sa bansa. Tinawag itong Human Security Act of 2007 (RA 9372) at ipinatupad noong February 8, 2007 sa pangunguna ng AFP at Philippine National Police (PNP). Layunin nito na makipag-isa ang Pilipinas sa mga kapitbahay nitong bansa sa Southeast Asian region upang pagusapan at labanan ang lumalaganap na banta ng terorismo sa mundo. Ngunit, pagkaraan ng ilang taon, muling naramdaman ang panganib ng terorismo sa ating bansa. Noong May 23, sinalakay ng pinaghinalaang miyembro ng Islamic State (IS) ang Marawi City. Marami ang nagulat sa malagim na pangyayari dahil kilala ang Marawi bilang isang Islamic city. Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), ang layunin ng pagsasanib pwersa ng Maute group at ng Abu Sayyaf ay upang bumuo ng IS group na naka-base sa Southeast Asia.

Ilang linggo na ang lumipas subalit patuloy pa din ang bakbakan sa pagitan ng pwersa ng gobyerno at ng Maute group. Marami ang nangangamba sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga namamatay (death toll). Bago matapos ang buwan ng Hunyo, umabot na sa 71,000 na katao ang naiulat na naapektuhan ng tinaguriang Marawi Siege. Ayon kay Prof. Judy Taguiwalo, kasalukuyang DSWD secretary, mahigit 10,809 na indibidwal at 2, 261 na pamilya ang nanatiling nasa mga evacuation centers ng Iligan City, Lanao del Norte, at Lanao del Sur.

Sa giyerang ito, may dalawang pananaw na lumulutang: Una, may paniniwala na ang Islamic State ay lumitaw sa pagnanais na muling ibalik ang tunay na katuruan ng Islam. Diumano ang IS ideology ay nagbibigay ng isang uri ng apocalyptic commitment lalo na sa mga kabataang Muslim. Ayun sa European Strategic Intelligence and Security Center Belgium (ESISC) 2013 report, ang ganitong pananaw ay supportado ng Salafist/Wahhabist organisations. Sinasabi din na ang mga bansang yumayakap sa ganitong version ng Islam ay mga Gulf Cooperation Council state members. Ngunit noong September 24, 2014, sumali ang daan-daang mga lider ng Muslim at mga scholars sa buong mundo upang kundenahin at labanan ang mga labis sa turo ng Islamic State. Halimbawa nito ay ang Open Letter to Al-Baghdadi kung saan ipinakikita ang taliwas na turo at pamamaraan ng Islamic State. Hindi rin daw wastong gamitin ang ‘Islamic State’ upang itawag sa mga grupong ito, bagkus mas akma na tawagin silang ‘Daesh’ na ang ibig sabihin ay 'one who crushes something underfoot' o dili kaya’y 'Dahes’ na ang ibig sabihin ay ‘one who sows discord'. Ayon pa sa iba,  ang IS ay ‘khawarij’ o mga taong ginagamit lang ang relihiyon ng Islam para sa kanilang pansariling kapakanan.

Ang pangalawang pananaw ay nagsasabi na ang pag-usbong ng IS ay resulta ng Western neocolonialism na nagtataguyod sa sistemang pumapabor lamang sa ilang mayayamang tao o makapangyarihang mga bansa. Kung ang batayan ay kasaysayan, matagal ng problema sa Mindanao ang Islamic insurgence. Hangga’t ang mga kapatid nating Muslim sa Mindanao ay hindi nararamdaman ang ipinagmamalaking pag-unlad ng gobyerno, patuloy na may mga mahihikayat at yayakap sa radical Islamist ideology. Sa madaling salita, hangga’t hindi naisasaayos ang umiiral na sistema na pabor lamang sa iilang pamilyang Pilipino (inequality) at hangga’t hindi natutugunan ang problema ng extreme poverty, malabong masosolusyunan ang ugat terorismo. Ayon kay Prof. Miriam Coronel-Ferrer, marapat isaalang-alang ang pahayag ni Mohaqer Iqbal, pinuno ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), “Our fear is that it would have lost precious time too — precious time that would have closed the door to extreme, violent movements that recruit followers by exploiting the alienation of segments of the population from the government and society at large.”

Ayon sa mga political analysts, maaaring matalo ng gobyerno ang IS/Deash ‘geographically’ but not ‘ideologically.’ Ibig sabihin, maubos man ang mga Maute, Abu Sayyaf, at iba pang-terrorist groups sa Marawi hindi ito nangangahulugang matatapos na din ang problema ng radicalisation ng mga batang Muslim. Pahayag ni Dr. Mansoor L. Limba, isang Filipinong International Relations scholar, “Ang sanglibutan ay hindi monopolyo ng mga magkasalungat na bagay (binary equations). Ang mundo - katulad Marawi Crisis ay hindi- either you are with us, or you are with the terrorists.” Hindi kailangang zero-sum ang laging game in town. Laging maraming paraan ng pagbasa sa mga bagay-bagay sa ating buhay. Sa huli, isang mapanganib na laro ang ipagpalagay na ‘terror’ ang nagiisang kwento ng siege sa Marawi.

Mapapakinggan ang Pananaw Pinoy sa radyo, sa programang “Oras ng Pilipinas,” sa pagitan ng 7-8:30 ng umaga, ng 702 DZAS (AM) -FEBC Radio. Para sa suhestiyon at komento: This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. .