4,962 guests

Kaninong Pakinabang?

  • Written by Rei Lemuel Crizaldo
  • Published in Pananaw Pinoy
  • Read: 667

Nitong mga nakaraang araw, maraming mga tao ang nagpahayag ng pagkadismaya sa ginawang memorandum ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) noong Hulyo 11. Ayon sa nasabing order, sususpendihin ang aplikasyon ng Uber at Grab na patuloy na makapag-operate ng kanilang ride-sharing services sa Metro Manila.

Maraming umalma na mga parokyano ng dalawang transportation network companies o Transport Network Vehicle Services (TNVS). Sa mga naglabas ng saloobin sa social media, diumano, napakahirap ng isipin ang sitwasyon kung saan muli silang magiging dependent sa serbisyong ibinibigay ng mga taxi. Hindi lingid sa marami ang malulungkot at pangit na mga karanasan ng mga commuters sa serbisyong hatid ng mga taxi drivers. Matatandaan din, na bago nag-boom ang serbisyo ng Uber at Grab sa Pilipinas, nabalot ng takot ang maraming taxi riders dahil sa ginagawang panghoholdap ng mga drivers nito gamit ang mga nakakahilong spray. Naging mas safe at convenient na alternatibo ang transportation service na inihatid ng mga TNVS.

Subalit nakadagdag din ang mga TNVS sa lumalalang problema ng trapik. Dinagsa kasi ng aplikante ang Uber at Grab at lalong dumami ang bilang ng mga bagong sasakyan sa noon pa man ay over-crowded ng mga lansangan sa bansa. Naging  malaki din ang kanilang naging impact upang humina ang pagtangkilik ng mga tao sa mga taxi at naging dahilan ng pagrereklamo ng mga operators at drivers nito na magbigay ang gobyerno ng patas na playing field para mga nagnanais magserbisyo sa mga commuters. Ito at iba pang dahilan ang nasa likod ng aksyon ng LFTRB bilang ahensya na may tungkulin lagyan ng regulation ang sistema ng transportasyon sa bansa. Nasilip na butas sa panig ng Uber at Grab ang kanilang malayang pagtugon sa tumataas na demand ng available na units ng sasakyan at pagpapatakbo nito kahit wala pang prangkisa mula sa LFTRB.

Ipinapakita ng lumutang na isyu na ito ang iba’t-ibang dimension ng problema ng transportasyon sa bansa. Sa huli, matagal nang tila dead-end ang paghahanap ng solusyon upang maibsan ang masikip na traffic. Long-term ang solusyon para sa engineering tulad ng pagtatayo at pagpapalawak ng mga daan. Hamon din ang patuloy na pagbibigay ng maayos na education sa mga motorista upang maging disiplinado sa pagmamaneho at paggamit ng lansangan. Sa larangan naman ng enforcement, kung saan pumapasok ang papel ng mga ahensya tulad ng LFTRB, nanatiling hamon ang makatwiran at consistent na pagpapatupad ng mga polisiya. Hindi maikakaila na dumating na ang ika-apat na ‘E’ na maaaring makapag-ambag na karagdagang solusyon –emerging technologies  -na siya namang kinakatawan ng mga TNVS tulad ng Grab at Uber.

Sa lahat ng ito, mahalaga nating isipin bilang mga mamamayan ang magkaroon ng tinatawag na ‘Solomonic wisdom’ sa mga isyung tila ba kumplikado at may samu’t-saring interest na nagaagawan. Sa isang tagpo sa Bibliya, mababasa ang kwento ni Haring Solomon at kung paano niya nilutas ang isang masalimuot na problema (Aklat ng mga Hari 3:16-28). May dumating kasing dalawang babae sa kanya na magkasamang nakatira sa isang bahay. Bitbit nila ang isang sanggol na kapwa nila pinag-aagawan. Kakapanganak lamang nila pareho. Pero namatay ang anak ng isa at diumano’y ipinagpalit nito ang patay na bata sa buhay na anak ng kasama niya. Isang mahirap na sitwasyon para kay Solomon para malaman kung sino ang nagsasabi ng totoo. Pero gamit ang katalinuhan na nagmula sa Diyos, inalam niya ang isang bagay –kaninong interest ang marapat mangibabaw sa isyung ito? Iniutos niyang hatiin ang sanggol at bigyan ng parte ang dalawang babae. Kaagad na hindi pumayag ang tunay na ina at nagpasya itong ibigay na lamang ng buo ang sanggol sa kanyang kasama mapanatili lamang buhay ang bata. Madaling lumutang ang kasagutan kay Solomon. Naging malinaw kasi kung sino ang may tunay na concern sa isyu.

Sa kaso ng LFTRB at ng TNVS, na kapwa tagapag-hatid ng serbisyo, kaninong kapakapan ang sa huli ay dapat maitaguyod at maprotektahan?

Mapapakinggan ang Pananaw Pinoy sa radyo, sa programang “Oras ng Pilipinas,” sa pagitan ng 7-8:30 ng umaga, ng 702 DZAS (AM) -FEBC Radio. Para sa suhestiyon at komento,mag-text sa 0928-364-2090 o mag-email sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. .