4,655 guests

Girlfriend

  • Written by Rei Lemuel Crizaldo
  • Published in Pananaw Pinoy
  • Read: 381

Nitong mga nagdaang linggo, mainit na pinag-usapan ng sambayanan ang pahayag ni House Speaker Pantaleon Alvarez sa pagkakaroon niya ng girlfriend at ka-'live-in-partner.' Dagdag pa dito ang samu't-saring mga naging anak ng kongresista mula sa mga naging karelasyon niya sa kabila ng kanyang pagiging isang pamilyadong tao.

May mga nagnais na ipa-disbar ang kongresista sa hanay ng mga abogado tulad ng isinampang kaso kay Senadora Leila de Lima. Nahaharap sa disbarment case ang senadora matapos amining may 'affair' sila ng kanyang driver na si Ronnie Dayan. "Frailties of a woman" ang tinukoy na dahilan ng senadora kung bakit niya nagawang pumatol sa isang may-asawa.

Ayon naman kay Speaker Alvarez, hindi dapat gawing 'big deal' ang pagkakaroon niya ng ibang babae dahil talamak naman diumano ang pagkakaroon ng mistress sa panahong ito. "Sino ba ang walang girlfriend?" pabirong wika ng kinatawan ng 1st District ng Davao del Norte.

Tugon naman ng Pangulong Duterte ng hingan ng komento sa isyung ito, “Sino bang walang kaligayahan? Tanong natin, ilan ang lawmakers na may dalawa, tatlo, apat na babae? Tanungin mo ang lawmakers, ilan ang lalaki sa buhay nila. 'Yung mga bakla, ha.”

Mahalagang tingnan ang mga pahayag na ito ng mga kasalukuyang lider ng ating bayan side-by-side sa tema ng mga napapanood na programa sa telebisyon at maging mga ipinapalabas na pelikula. Tiyak madaling matatandaan ang My Neighbor’s Wife, No Other Woman, the Unmarried Wife, pati na ang Ika-6 na Utos. Pumatok sa takilya at kinagiliwan ng sambayanan ang mga palabas na patungkol sa iba’t-ibang kulay ng adultery at masalimuot na sitwasyon ng mga ‘kabit’ (mistress). Hindi mahirap isipin kung bakit sumikat ang hashtag sa social media na #WalangPoreber. Sa gitna ng kabi-kabilang kwento ng pangangaliwa at pagkasira ng samahan ng mga mag-asawa, ano pa nga ba ang larawan na ipinapakita nito patungkol sa lipunang Pinoy? Mayroon pa ba talagang “’till death do us part?”

Sa harap ng mga datos at reyalidad na ito marapat nating unawain ang bagong datos na inilabas ng  Philippine Statistical Authority (PSA). Ayon sa ahensya, kumokonti ang bilang ng mga Pilipinong nagpapakasal. Sa loob ng sampung taon, mula 2005 hanggang 2015, bumagsak ng 20.1% ang tala ng mga nairehistrong kasal sa bansa. Dagdag pa ng ahensya, kapansin-pansin na tila isang trend ang pagbaba ng nasabing datos sa mga nagdaang taon lalo na mga datos mula sa hanay ng mga kabataan.

Subalit sa kabila ng bumababang bilang ng mga nagpapakasal, patuloy naman daw ang pagtaas ng mga sanggol na ipinapanganak sa Pilipinas. Ayon kay Prof. Nimfa Ogena ng UP Population Institute, nagpapahayag ang mga datos na ito ng nagbabagong saloobin ng mga mas nakakabatang Pilipino patungkol sa kahalagahan ng kasal. Ayon sa kanya, dumarami ang bilang ng mga mas pinipili na lamang na mag-'live-in' (cohabitation) o magsama na lang muna sa iisang bubong. Wika pa niya, "Dati, kailangan ‘di ba, mag-asawa muna, sex, tapos anak? Ngayon, hindi na ganu’n. ‘Yung sequencing of events ay may pagbabago.”

Hindi nakakatulong na napakalaking halaga ang ihahanda upang magdaos ng isang kasalan sa Pilipinas. Tinatayang nasa 500 thousand hanggang isang milyong piso ang kinakailangan upang masabayan ang kasalukuyang standards ng wedding industry.

Tiyak na may epekto sa nagiging pananaw ng mga kabataan ang impact ng lahat ng ito na tila nagpipinta ng namumuong kultura ng infidelity at pagiging mabuway ng pagsasama ng mga mag-asawa sa lipunang Pinoy.

Sa gitna ng lahat ng ito, magandang pagbulaybulayan ang kaayusan ng buhay na inaalok ng Bibliya:

“Ang dapat ay maging tapat sa asawang minamahal, at ang tangi mong pag-ibig, iukol sa kanya lamang... Kung ika'y magkaanak sa babaing di asawa, walang buting idudulot, manapa nga ay balisa.

Kaya nga ba't mahalin mo ang kabiyak ng iyong buhay, ang ligaya ay lasapin sa mabango niyang kandungan. Mabait siya at mahinhin, babaing kaakit-akit, ligaya mo'y nasa kanya sa pitak ng kanyang dibdib. Sa ibang babae ay huwag ka sanang paaakit, ni huwag mong papansinin makamandag niyang halik” (Kawikaan 5).

Mapapakinggan ang Pananaw Pinoy sa radyo, sa programang “Oras ng Pilipinas,” sa pagitan ng 7-8:30 ng umaga, ng 702 DZAS (AM) -FEBC Radio. Para sa suhestiyon at komento: This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. / 0928-364- 2090.