6,090 guests

G-20 or Group of Twenty, Ano Na?

  • Written by Hadje Cresencio Sadje
  • Published in Pananaw Pinoy
  • Read: 212

Dinaluhan ito ng mga makapangyarihan at pinaka-mayamang estado sa buong mundo ang 2017 G20 Hamburg Summit. Kabilang sa G20 ang dalawampung pinakamakapangyarihang ekonomiya sa mundo tulad ng mga bansang Argentina, Australia, Brazil, Canada, China, France, Germany, India, Indonesia, Italy, Japan, Mexico, Russia, Saudi Arabia, South Africa, South Korea, Turkey, United Kingdom, United States, at ang European Union.

Ayun sa tala, mahigit 6,000 na mga delegado ang sumama upang maging bahagi ng inaabangang pagtitipon sa Germany. Subalit sa pagtatapos ng summit, umani ito ng iba’t ibang pagtuligsa. May mahigit 100,000 protesters ang sumugod sa Hamburg City para ipakita ang kanilang matinding pagkadismaya at pagtutol sa G20. Wala kasing naging konkretong plano ang G20 sa mga issue ng climate change, global poverty, migration at forced displacement.

Ayon sa mga nagprotesta protesters, malinaw na ang interest ng G20 ay nakatuon lamang talaga sa kapakanan ng makakapangyarihan at mayayamang bansa. Dagdag pa nila, dahil na rin simula’t simula pa ang G20 ay “self-appointed group,” hindi talaga nito layunin ang pagtataguyod ng mga mekanismo na makakatulong upang maiahon ang mahihirap na bansa. Sa halip, lalo pa itong nag-aambag sa kahirapan dahil sa mga undemocratic processes at practices na itinataguyod nila at siya namang bumubuo sa mga policies na pabor lamang sa mga multinational at transnational corporations. Dagdag pa dito, bagamat bahagi ng linguahe ng G20 ang mga terminolohiyang ‘democratic’ at ‘multilateral cooperation,’ taliwas naman dito ang aktwal nilang gawain. Nagbigay ng analysis si David Harvey, isang Marxist geographer, noong 2009 patungkol dito. Pagpapanggap lamang diumano ng maraming world political at financial leaders, ang paggamit ng mga wikang magandang pakinggan ngunit taliwas naman ito sa realidad ng ating mundong ginagalawan.

Sa kabila ng lahat, mariin pa ding iginigiit ng ilang political analysts na nanatiling  may malaking gampanin ang G20 sa pagsugpo ng samu’t-saring problema ng buong mundo. Kabilang dito ang lumalalang pandaigdigan kahirapan, climate change, refugee crises, humanitarian crises, at giyera. Iginiit ni Amrita Narlikar, presidente ng German Institute of Global and Area Studies, malaki ang potential ng G20 para  bigyan ang mga nabanggit na suliranin ng pandaigdigan solusyon. Ayun sa latest na report ng G20 Germany 2017, ang isang mahalagang accomplishment ng G20, maliban sa pagsusulong ng financial consumer protection at financial literacy, ay ang pagtataguyod ng Financial Inclusion Action Plan (FIAP) & GPFI internal organization. Ito ay mga mekanismo upang makinabang ang lahat ng bansa at lahat ng tao (tulad ng mga mahihirap, kababaihan, kabataan, at mga taong nakatira sa mga remote na rural na lugar, ang mga matatanda, migrante, at mga taong biktima ng forced disappearance). Dagdag pa ng ulat, patuloy din na ipaglalaban ng G20 ang Paris Agreement on Climate Change, women empowerment, migrants at refugee issues.

Sa huli, positibo o negatibo man ang naging pagbuo ng G20, kesyo democratic o undemocratic man ang umiiral na kalakaran nito, malinaw na hindi kasama ang mga mahihirap na bansa sa pagbuo ng global economic policies. Sinasabi ni Dr. Chantal Mouffe, isang kilalang critic ng liberal democracy at may-akda ng aklat na ‘Agnostic Democracy,’ ang democratic process or public discourse ay marapat na networking ng samu’t-saring socio-political movements. Kabilang dapat dito ang mga magsasaka, fishers folks, indigenous communities, at hindi lamang mga multinational companies at mga elites.

May mariing paalala ang Panginoong Dios (Deuteronomy 15,11), “Sapagka't hindi mawawalan ng dukha sa lupain kailan man: kaya't aking iniutos sa iyo, na aking sinasabi, Buksan mo nga ang iyong kamay sa iyong kapatid, sa nangangalailangan sa iyo, at sa dukha mo, sa iyong lupain.”

Mapapakinggan ang Pananaw Pinoy sa radyo, sa programang “Oras ng Pilipinas,” sa pagitan ng 7-8:30 ng umaga, ng 702 DZAS (AM) -FEBC Radio. Para sa suhestiyon at komento,mag-text sa 0928-364-2090 o mag-email sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. .