5,839 guests

Dis-Appointments

  • Written by Rei Lemuel Crizaldo
  • Published in Pananaw Pinoy
  • Read: 222

Nitong mga nagdaang linggo, kadalasang laman ng mga balita ang mga appointments sa gabinete ni Presidente Duterte. Pinaka-naging intense ang kaso ni dating Sec. Gina Lopez sa DENR. Makalawang ulit siyang inirekomenda ng pangulo para sa posisyon subalit hindi ito pinalad na makalusot sa Commission on Appointments (CoA). ‘Lobby money’ diumano ang naging dahilan upang i-reject ang pagkakahirang sa matapang na environmental advocate.

Matapos ang ‘disappointment’ na ito, naging sunod-sunod ang paglalabas ng pangulo ng mga pangalan upang punan ang mga bakante sa kanyang gabinete. Si dating AFP chief Roy Cimatu upang pumalit kay Sec. Lopez, isa pang dating AFP chief Rodrigo Ano para sa DILG, si Sen. Alan Peter Cayetano para Department of Foreign Affairs, at si Mocha Uson bilang assistant secretary ng Presidential Communications Operations Office (PCOO).

Umani ng samu’t-saring opinyon sa social media ang mga napisil na mga personalidad ng pangulo. Ang pansin ng ilan tila daw puro heneral ang inilalagay sa pwestong dapat sana ay pangsibilyan. Sa kaso naman ni Sen. Cayetano, marapat daw na magbitiw na ito bilang senador at huwag manigurado sa pwesto kung talagang desidido siyang maglingkod bilang kalihim ng DFA.

Pero pinaka-mainit ang naging palitan ng kuro-kuro patungkol kay Bb. Uson. Ayon sa mga kritiko, paano nangyaring ang isang dating sex commentator at diumano ay tagapagpakalat ng ‘fake news’ sa internet ay nabigyan ng katungkulang ang hinihingi ay mataas na pagpapahalaga sa etika ng journalism. Tugon naman ng mga taga-suporta ni Bb. Uson, hindi matatawaran ang kanyang kakayahan na pulsuhan ang saloobin at makipagtalastasan sa napalaking bilang ng masang Pilipino.

Sa lahat ng ito, mahalagang tandaan na hindi madali sa kahit kaninong administrasyon ang paglalagay ng mga nararapat na tao sa iba’t-ibang posisyon sa gobyerno. Noong panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino, napabalita ang halos 5,000 executive at management posts sa gobyerno na hirap na hirap siyang punan ng mga taong nakikiisa sa plataporma niyang “walang kurap para walang mahirap.” Sa huli, ‘KKK’ ang mga taong pumalibot sa kanya –‘Kabarkada, Kaklase, at Kabarilan.’ Sa kaso naman ng Presidente Duterte, kapansin-pansin na halos mga senior citizens at mga taga-Mindanao ang mga napili niyang ilagay sa pwesto.

Hindi naman kataka-taka ang bagay na ito dahil sa kabila ng meritocracy na policy ng gobyerno, naka-ugat sa kultura ng Pinoy ang importansya ng ‘tiwala’ at ‘kumpiyansa.’ Natural para sa isang pangulo na ilagay sa maseselang posisyon ng kanyang administrasyon ang mga taong alam niyang magpagkakatiwalaan niya. Subalit hindi rin ito madaling bagay. Sa kaso ng nagdaang administrasyon, kulang na kulang si PNoy ng mga taong handang umako ng responsibilidad. Ika nga sa wikang Ingles, “people who will take a bullet for him.” Kadalasan, ang pangulo pa mismo ang kinakailangang sila’y sagipin sa kabi-kabilang kapalpakan at kahinaan ng gobyerno. Naging daan tuloy ito upang bumaba ng bumaba ang pagtingin sa kanya ng sambayanan. Nawa sa termino ni Pangulong Duterte, makasumpong siya ng mga pinunong handang umanggkin hindi lang ng pwesto kundi ng responsibilidad na kalakip nito.

Magandang pagnilayan ang isang tagpo sa Bibliya. Sa aklat ng II Samuel 23:8-38, mababasa ang mga pinunong naging katuwang ni Haring David sa pagtataguyod ng bansang Israel. Kapansin-pansin ang mga katangian ng bawat isa: may kakayahan at kahusayan tulad ni Josheb-basshebeth at Abishai (v. 8, 18), may katatagan sa tungkulin tulad ni Eleazar (v. 9-10), may pambihirang katapangan tulad ni Shammah (11-12), at angking resourcefulness tulad ni Benaiah (v. 20-21). Tatlo sa kanila ang natatangi dahil naging buo sa kanilang loob na gampanan ng may buong katapatan ang kanilang tungkulin maging sa harap ng matinding panganib. Nawa makasumpong ang ating pangulo ng mga taong tulad nila. Mga taong sa huli ay mailalagay sa talaan ng mga naging dangal at hindi kahihiyan ng ating Inang Bayan.

Mapapakinggan ang Pananaw Pinoy sa radyo, sa programang “Oras ng Pilipinas,” sa pagitan ng 7-8:30 ng umaga, ng 702 DZAS (AM) -FEBC Radio. Para sa suhestiyon at komento: This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. .