4,864

CHA-CHA: Sayaw ng lahat o ng iilan?

  • Written by Ronald Molmisa at Rei Lemuel Crizaldo
  • Published in Pananaw Pinoy
  • Read: 888

Binuo ang kasalukuyang Konstitusyon ng bansa sa pamamagitan ng isang Constitutional Convention noong 1986. Itinalaga ng dating Pangulong Corazon Aquino ang mga miyembro na bumuo sa convention. Masasabing ang Konstitusyon na kanilang ginawa ay isang “reaction” sa naging karanasan ng bansa sa ilalim ng rehimeng Marcos. Ito ang dahilan kaya marami sa probisyon ng binuo nilang Konstitusyon ay kinatha upang mabantayan ang anumang panganib na muling sisira sa pamamayani ng diwa ng demokrasya sa bansa. Mula noon, siyam na beses na nagkaroon ng pagtatangka na amyendahan ang Saligang Batas. Lima dito ang naganap sa ilalim ng administrasyo ni Gloria Macapagal-Arroyo (GMA). Subalit walang nakalusot sa mga pagtatangkang ito dala na rin ng agam-agam sa motibo ng mga nagsusulong ng pagbabago.

Kung tutuusin, hindi naman dapat nakasulat sa bato ang anumang Konstitusyon. Nakalagay mismo sa Article XVII, Sec. 2 ng Konstitusyon ng 1987 na maaari na itong amyendahan limang taon matapos itong ratipikahan ng sambayanan. Pero magmula noong 1992, hindi pa nagagalaw ang Saligang-Batas ng Pilipinas.

Hindi rin naman maaaring madaliin ang pag-amyenda sa Saligang Batas. Tatlong pamamaraan ang isinasaad ng Konstitusyon para magsulong ng pagbabago o proposal. Una ay sa pamamagitan ng Congressional action o Constituent Assembly (Con-Ass) kung saan ang mga pagbabagong gagawin ay dapat ay suportahan ng hindi bababa sa ¾ na miyembro ng Kongreso. Ang pangalawa ay sa pamamagitan ng isang Constitutional Convention (Con-Con) na lalahukan ng iba’t ibang sektor ng lipunan. Ang paraan ng pagpili sa mga miyembro ng Con-Con ay kailangan ding pag-usapan kung idadaan sa halalan o appointment. Ang pangatlo ay ang hindi pinakasikat sa marami -ang People’s Initiative. Sinusunod nito ang 12-3 formula.  Ibig sabihin, kailangang kumalap ng suporta ang petisyon sa pagbabago ng Saligang Batas na hindi bababa sa 12 porsyento ng lahat ng rehistradong botante.  Dapat din na hindi bababa sa 3 porsyento sa bawat distrito sa buong kapuluan ay kumakatawan sa petisyon.

Tinatadhana rin ng Article XVIII , Sec. 27 na ang bagong Konstitusyon ay dapat ratipikahan ng mayorya ng buong sambayanan sa isang plebisito. Bahagi ito ng proseso ng konsultasyon sa mga taong maapektuhan ng batas na binuo.

Mapapansin na sa huli, nasa sambayanan pa din ang pagpapasya kung ang pagbabagong gagawin ay katanggap-tanggap at tunay na magsusulong ng kapakanan ng bayan. Nanatiling ang adhikain ng Konstitusyon ay isang estado na “for the people”, “by the people, at “of the people.”  Ito ang dahilan kung bakit mahalagang isaalang-alang na sa gagawing pagbalangkas ng bagong Saligang Batas ay mabubuksan ang pagkakataon para sa mamamayan na maging aktibong kalahok. Susi upang ito’y maisakatuparan ang malawakang mga consultations tulad ng ginawa sa pagda-draft ng Bangsamoro Basic Law (BBL), nakalapat sa lupang edukasyon, at bukas na palitan ng pananaw. Mahalagang mapaalalahanan din ang mga mamamayan na maging ‘vigilant’ lalo na sa ‘fake news’ at disinformation na tiyak na maglilipana sa social media.

Hamon sa administrasyong Duterte kung paano nito bubuksan ang mga pinto at bintana upang makilahok ang iba’t-ibang institusyon ng civil society at maipakita sa publiko na ito’y nakatutok sa interest ng sambayanan at hindi sa kapakanan lamang ng iilan.

Araw-araw na buhay ng mamamayan ang maaapektuhan ng pagbabago sa Saligang Batas kaya’t karapat-dapat lamang na maging ‘inclusive’ ang gagawing hakbang ng pamahalaan.

Mapapakinggan ang Pananaw Pinoy sa radyo, sa programang “Oras ng Pilipinas,” sa pagitan ng 7-8:30 ng umaga, ng 702 DZAS (AM) -FEBC Radio. Para sa suhestiyon at komento, hanapin ang Pananaw Pinoy sa Facebook o mag-email sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it..