6,781

Buhay Tambay

  • Written by Rei Lemuel Crizaldo
  • Published in Pananaw Pinoy
  • Read: 1412

Noong June 13, ipinag-utos ni Presidente Duterte ang pagbabawal sa mga ‘tambay’ sa kalye at pampublikong lugar. Diumano, makakatulong ito sa pagsugpo ng krimen dahil kadalasan ay mga ‘tambay’ ang nagiging sangkot sa mga kaguluhan sa komunidad. Mahigpit niyang inatasan ang mga pulis na ‘pauuwiin’ o di kaya naman ay bitbitin ang mga ito sa kani-kanilang bahay.

Marami ang umalma sa pahayag na ito ng pangulo dahil sa pamamagitan ng RA 10158, na nilagdaan ng dating pangulong Noynoy Aquino noong 2012, hindi na itinuturing na krimen ang magpagala-gala sa mga lansangan at pampublikong lugar ng walang tiyak na pupuntahan. Sa madaling salita, walang legal basis ang mga pulis na magsagawa ng pag-aresto sa mga pakalat-kalat na ‘tambay.’ Dagdag pa dito, maaaring ireklamo ng illegal detention at illegal na pag-aresto ng walang warrant of arrest ang mga agresibong pulis. Paalala ng mga human rights advocates, maaaring gamitin ng mga ‘tambay’ ang petition for writ of amparo at writ of habeas corpus bilang proteksyon sa illegal na pagdampot ng kapulisan.

Subalit sa loob lamang ng ilang araw, may 7,291 na katao ang inaresto ng pulisya. Paliwanag ng Philippine National Police, inaresto sila hindi dahil sa pag-tambay per se kundi dahil sa paglabag nila sa mga lokal na ordinansa tulad ng paglampas sa itinakdang curfew sa mga barangay, pag-inom sa mga ipinagbabawal na lugar, at iba pa.

Naging maiinit ang diskusyon sa social media sa bagong polisiyang ito na isinusulong ng pangulo. Para sa ilan, tama lang na mabawasan o mawala ang mga walang ginagawa o walang magawa sa lansangan. Subalit para sa iba, mauuwi lang sa pag-abuso at paglabag sa karapatang-pantao ang direktiba ng pangulo. Sa usapin na ito, marapat maging maingat sa pagkakabit ng unnecessary ‘stigma’ sa mga ‘tambay’ at mismong sa pag-‘tambay.’ Madaling ikapit sa mga ‘tambay’ ang pagiging tamad, walang silbi sa lipunan, at potensyal na madawit sa mga illegal na gawain.

Dapat isaalang-alang na isang mahalagang aspeto ng kulturang Pinoy ang mag-umpukan at magpalipas ng oras kasama ang mga kaibigan at kabarkada. Maaaring mag-iba ang konteksto kung saan may mga sama-samang nagpapalipas ng oras sa lansangan o pampublikong lugar at mayroon namang sa mga mamahaling lugar tulad ng coffee shops. Subalit parehong lukso ng kultura ang dalawang ito, kapwa sila ‘tumatambay’ na magkakasama, at maaaring nagkaiba lamang ng economic status sa buhay.

Sa Bibliya, may isang sitwasyon kung saan pinaalalahanan ni Apostol Pablo ang mga matatawag nating ‘tambay’ sa siyudad ng Tesalonica. Ganito ang kanyang sinabi,

Mga kapatid, inuutusan namin kayo sa ngalan ng Panginoong Jesu-Cristo na umiwas sa sinumang kapatid na tamad at hindi namumuhay ayon sa itinuro namin sa inyo. 7 Alam naman ninyong dapat ninyo kaming tularan. Hindi kami naging tamad nang kami'y kasama ninyo. 8 Hindi kami kumain ng tinapay ng sinuman nang hindi nagbabayad. Nagtrabaho kami gabi't araw upang hindi kami makabigat kaninuman sa inyo. 9 Ginawa namin ito hindi dahil sa wala kaming karapatan sa inyong tulong, kundi upang bigyan kayo ng halimbawang dapat ninyong sundan.10 Noon pa mang kasama ninyo kami'y ganito na ang iniutos namin sa inyo: Huwag ninyong pakainin ang sinumang ayaw magtrabaho. 11 Binanggit namin ito dahil nabalitaan namin na ang ilan sa inyo'y tamad at ayaw magtrabaho. Wala silang inaatupag kundi ang makialam sa buhay ng may buhay. 12 Alang-alang sa Panginoon, inuutusan namin ang mga ganoong tao na magtrabaho nang maayos para sa sarili nilang ikabubuhay.

Bagamat tila mataas ang tagubilin na binanggit ng apostol dahil tila ba gugutumin ang sinumang ‘tatambay-tambay’ lang, mahalagang pansinin na ang bottomline ng kanyang paaalala ay upang itulak ang mga ‘tambay’ sa Tesalonica na maging mga produktibong nilalang -masipag na nagta-trabaho para sa kanilang ikakabuhay. Nawa ay ganito din ang maging saloobin ng pulisya sa bawat tambay na makakaharap nila dahil hindi na maiaahon ng isang ‘tambay’ ang kanyang buhay kung siya ay mauuwing isang malamig na ‘bangkay.’