5,064 guests

Ang Multo sa Global Poverty

  • Written by Hadje Cresencio Sadje
  • Published in Pananaw Pinoy
  • Read: 657

Madalas itanong kung ano nga ba ang ugat ng global poverty. Marami ang nagtangka na ito ay sagutin sa pamamagitan ng pagbibigay ng iba't ibang klase ng social theory. Halimbawa, ayon kay Jennifer Morazes at Indira Pintak, may apat na theories about poverty. Una, ang “Theory of Inclusion, Exclusion, at Access.” Pangalawa, ang “Theory of Individual Rights at Responsibilities” na salungat sa ideya ng community focus. Pangatlo, ang mga human capital theories, structural poverty, at resource inequality. At ang pang-apat, ang mga maihahanay sa mga tinatawag na theories of welfare laban sa theories of development.

Ngunit ang maaaring pinakapopular sa lahat ay ang paliwanag ng isang German philosopher na si Karl Heinrich Marx. Ayun sa mga social thinkers, si Marx ay mahalagang ambag sa pag-aaral ng pandaigdigang kahirapan. Kinilala si Marx sa konsepto ng class antagonism o class struggle sa pagitan ng mahirap at mayaman; ang kontradiksyon ng mga manggagawa at kapitalista. Sa konseptong ito, binibigyan diin niya ang small group of elites na kumokontrol sa global economy. Sa madaling salita, ang unjust distribution ng resources ang isang dahilan ng kahirapan sa mundo at siyang ugat kung bakit madami ang naghihirap sa ating lipunan. Sinabi din ni Marx na may uri ng kaayusang panlipunan na nagbibigay proteksyon sa small group of elites at ito ay ang sistema ng ‘Capitalism.’ Dahil na din sa kompetisyon ng ibat-ibang kapitalista, napipilitan sila na gipitin ang mga manggagawa upang makapagpatuloy ang takbo ng kanilang negosyo. Nagbibigay-daan ito sa isang mapanupil na sistema kung saan kahirapan ng mamamayan ang nagiging produkto nang lubos na pagpapahalaga sa tubo kaysa sa mga tao.

Mapa-akademiko at hindi akademiko man na usapan, hindi matatawaran o maisasantabi ang malawak na impluwensya ni Marx sa ibat-ibang panig ng mundo. Ang tanyag na French philosopher na si Jacques Derrida ay nagsabi sa kanyang aklat na ‘Specters of Marx’ (1993) na mahalaga ang social analysis at social critique ni Karl Marx subalit kinakailangan na ito ay mai-contextualize upang maging kapaki-pakinabang sa mga bagong hamon ng mundo. Sang-ayon dito ang philosopher na si Louis Althusser kung saan sinabi niya sa kanyang aklat na “For Marx” (2005) na dapat muling ma-ingat, pag-aralan at bigyan ng panibagong interpretasyon ang mga mahalagang konsepto ni Marx.

Sa ating panahon ngayon, madami ang binabalikan ang kanyang naging contribution sa pulitika, ekonomiya, kultura, at relihiyon. Halimbawa, noong 1997 Asian financial crisis, marami ang bumaling kay Marx upang maunawaan ang nangyaring meltdown ng ekonomiya sa Asian  region. Si Louis Menand, isang American intellectual at essayist, ay nagsulat sa The New Yorker 2016 kung saan sinabi niya, “Ang mga ideya ng 19th Century philosopher na si Karl Marx ay maaaring makatulong sa atin upang maunawaan ang hindi pagkakapantay-pantay ng ekonomiya at pulitika sa ating panahon.”

Ang Liberation Theology movement sa Latin America ay isang patunay na kahit sa larangan ng relihiyon ay may malaking naging impluwensya ang mga konsepto ni Marx. Subalit hindi naging madali para sa simbahan ang tanggapin ang kahalagahan ng mga idea ni Karl Marx lalo na’t isa sa kanyang popular na kataga ay nagsasabing “religion is the opium of the masses.” Ngunit hindi din naman maaaring basta nito iisantabi ang kanyang konkretong social analysis at critique. Lalo na’t ang mga ito ay tumutukoy sa sistemang panlipunan na hindi na makatao at hindi makatarungan na binibigyang atensyon din naman ng Bibliya. Sa Leviticus 18-19, mababasa na hindi lamang pansariling kabanalan ang mahalaga. Binigyang-diin din ang pagsusulong ng social justice bilang isang uri ng kabanalan. Sa Isaiah 1:17 ganito pa ang pa mababasa, “Mangatuto kayong magsigawa ng mabuti; inyong hanapin ang kahatulan, inyong saklolohan ang napipighati, inyong hatulan ang ulila, ipagsanggalang ninyo ang babaing bao.” Sa puntong ito, magandang tanungin kung nasaan ang social critique ng simbahan sa usapin ng global poverty ngayon? O baka pati simbahan ay patuloy pa ring minumulto ni Marx.

Mapapakinggan ang Pananaw Pinoy sa radyo, sa programang “Oras ng Pilipinas,” sa pagitan ng 7-8:30 ng umaga, ng 702 DZAS (AM) -FEBC Radio. Para sa suhestiyon at komento,mag-text sa 0928-364-2090 o mag-email sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it..