4,578

Ang Mitsa ng Federalism

  • Written by Rei Lemuel Crizaldo
  • Published in Pananaw Pinoy
  • Read: 829

Sa isang tagpo sa Bibliya, nagkaroon ng pag-uusap ang mga Israelita na palitan ang balangkas ng pamamahala sa kanilang bayan (I Samuel 8). Ayon sa mga scholars, isang tribal confederate ang umiiral na sistema noon sa bayang inilabas ni Yahweh mula sa Ehipto. Masasabing mayroon silang isang anyo  ng 'federalism' subalit dahil na din sa pagkadismaya sa kasalukuyang pamunuan, ninais ng taong bayan na magkaroon ng isang unitary at centralized na pamamahala sa ilalim ng isang hari. Nais nilang maging katulad ng mga katabi nilang kaharian. Ipinaliwanag ng lingkod ni Yahweh sa kanila ang ibig sabihin ng pagkakaroon ng hari: magiging pag-aari nito ang kanilang bukirin, papatawan sila ng butaw, kukuhanin ang kanilang mga anak upang gawin mandirigma, at iba pa.

Subalit ayon sa kwento, "hindi pinansin ng mga Israelita" ang lahat ng ito. Sa ibang salin ng Biblia, "tinanggihan dinggin" diumano ng bayan ang mga babalang inilatag ng alagad ni Yahweh. Kaya't hinayaan sila ng Diyos sa kanilang kagustuhan. Matapos nito ay naging isang kaharian ang Israel at doon nagsimula ang kanilang pag-unlad bilang isang bansa at yaon din naman ang naging mitsa ng kanilang pagbagsak. Kung babalikan ang kanilang kasaysayan, nagkatotoo ang mga babala at masahol pa dito, mabibilang sa daliri ang mga hari na naglingkod ng tapat at mahusay.

Isa itong sitwasyon na hindi naman kakaiba sa atin ngayon sa Pilipinas kung saan iilan-ilan ang mabubuting pulitiko at pinuno ng bansa. Pansinin natin na nakakatuwang isipin na ang tagpong ito ay tila ba kabaligtaran ng nagaganap ngayon. Sumusulong ang proposal na palitan ang sistema ng pamamahala ng Pilipinas patungo sa anyong 'federalism' na siyang ikinampanya ng Pangulong Duterte noong 2016. Hindi isang maliit na bagay kung tutuusin lalo pa’t nangangahulugan ito ng mga pagbabago sa Saligang Batas ng Pilipinas. Tiyak na mahaba at mainit ang magiging usapin. Subalit mahalagang manatiling updated at informed ang bawat mamamayan sa isyung nakapaloob sa panukala dahil sa huli, taong-bayan ang magpapasya sa isang referendum kung ito ba ay nararapat o hindi para sa bansa.

Mahalagang hindi isara ang pandinig o tanggihang dinggin ng bawat isa ang argumento sa magkabilang panig. Hindi makakatulong ang pagpapasya ayon sa political orientation o affiliation, o sa madaling sabi eh magdesisyon ayon sa hanay ng pagiging Dutertismo o Dilawan. Sa halip, dapat ay busisiin at tingnang mabuti ang pros at cons. Pag-isipan hindi ang interest ng kasalukuyang political affiliation kundi ang kinabukasan ng susunod na henerasyon. Tandaan na ilang taon na lamang at matatapos na ang termino ng kasalukuyang administrasyon, at tiyak na maghahalo muli ang “balat sa tinalupan” ng mga magigiting nating pulitiko. Ang maiiwan? Ang isang Saligang Batas na long-term ang magiging consequence sa bansa.

Ang usapin sa pagpapalit ng sistema ng pamamahala ay hindi dapat ikulong sa mga isyu na nakapalibot sa Presidente Duterte. Isang halimbawa, binubuksan ng shift to ‘federalism’ ang pinto tungo sa paglutas sa taon na  ang binilang na suliranin ng Bangsamoro at Cordillera patungkol sa epektibong ‘autonomiya.’ Binubuksan din ng federalism ang bintana sa mas malawak at masasabing mas ganap na pagsasakatuparan ng diwa ng ‘decentralization’ ng nakapaloob sa Local Government Code of 1991. Subalit, binubuhay din ng federalism ang malalim na isyu ng political dynasties sa bansa at kung paanong mas lalo itong lalala kung hindi magkakaroon ng karampatang atensyon sa bubuuing balangkas ng pamamahala para sa hinaharap. Ilan lamang ang mga puntos na ito sa maaaring magpaalala sa atin na dalus-dalos na pagpapasiya upang maibsan ang pagkadismaya sa kasalukuyang sistema ay maaaring maging mitsa ng pagsisisi o bukak na kagalakan para sa sambayanan.

Mapapakinggan ang Pananaw Pinoy sa radyo, sa programang “Oras ng Pilipinas,” sa pagitan ng 7-8:30 ng umaga, ng 702 DZAS (AM) -FEBC Radio. Para sa suhestiyon at komento,mag-text sa 0928-364-2090 o mag-email sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it..