6,140

Ang Mahal na Araw at ang Maruming Laro ng Politika

  • Written by Emil Jonathan Soriano
  • Published in Pananaw Pinoy
  • Read: 2288

Ang mga naging kaganapan sa mga huling araw ni Hesus ay isa sa mga masalimuot na halimbawa kung papaano ang pulitika ay malalaro ng madumi. Bibihirang mapagtuunan nang malalim na pagbubulay ang naging sabwatan ng mga nasa kapangyarihan at kung papaano nila nakuha ang loob ng masa upang maisagawa ang nais nilang hatol sa kapalaran ni Hesus.

Noong kanyang panahon, Hesus ay isang malinaw na banta sa mga may hawak ng kapangyarihan. Para sa mga religious leaders si Hesus ay isang law-breaker na nagsusulong ng mga kataruang taliwas sa nakagawian. Sa mata ng mga namumuno sa Israel, si Hesus ay isang banta sa kanilang mga institusyon ng pamamahala. Kaya’t pagkapanganak pa lamang niya ay tinangka na agad siyang patayin ni Herodes, ang tumatayong hari sa Judea. Nangamba ang lahat sa lumalagong impluwensiya ni Hesus sa mga masa at sa dumaraming tao na patuloy na nabibighani sa kanyang pagkatao. Malinaw na matinding insecurity, sa mga noon ay tinitingalang pinuno sa Jerusalem, ang dulot ng popularidad ni Hesus. Pinag-isipan nila kung paano siya maipaligpit at mapatahimik ng tuluyan. Ilang pagkakataon sa buhay ni Hesus ay muntikan na siyang pagbabatuhin o kaya naman ay ihulog sa bangin.

Pero sa mata ng mga masa na sumusunod kay Hesus, siya ay tagapagbigay ng pag-asa lalo na sa mga kinalimutan na ng lipunan.  Marami sa kanila ang nagsisimula ng paniwalaan na si Hesus na nga ang matagal na nilang hinihintay na ipinangakong Mesiyas ng Diyos. Ayon sa Kasulatan, ang darating na tagapagligtas na ito ang siyang magpaparaya sa kanila mula sa pananakop ng Imperyo ng Roma, ang muling magtataguyod ng kaharian ng Israel, at siyang magdudulot ng lubos na kasaganahan sa kanila. Patunay ang naging eksena sa pagpasok ni Hesus sa Herusalem kung saan sinalubong siya ng napakaraming tao na tila ba isang haring ipinagbubunyi. Naglatag sila ng kanilang mga balabal sa kanyang daraanan at nagwagayway ng mga palm branches. Maraming mga makabayan sa Israel ay nakatutok sa bawat galaw ni Hesus at nag-aabang ng kanyang hudyat sa pagde-deklara ng rebolusyon at pag-mobilisa ng isang hukbo.

Pero maituturing na isang perfect storm ang sumunod na mga kaganapan sa Jerusalem. Nagkaroon ang mga religious leaders ng mga Judio, na kating-kati nang maigupo si Jesus, ng pagkakataon upang maisagawa ang kanilang maitim na balak. At tunay ngang ang maduming laro ng politika ang naging mitsa sa pagpatay kay Jesus.  Ginamit nilang sanggalang ang naging disillusionment ng mga tao. Binasag kasi ni Jesus ang kanilang pag-asa. Sa pagsakay niya sa isang asno, sa halip na sa isang maliksing kabayo, nalusaw ang inaakala ng marami na siya na nga ang inaantay nilang politikal na lider at mandirigmang tulad ni Haring David. Isang katawa-tawang pagpapakita ng lakas, kung tutuusin, ang kanyang ginawa.

Kaya’t nagawang baguhin ng mga kaaway ni Jesus ang tono ng opinyon ng masa at ibaling ito laban sa kanya. Sa isang iglap, marami sa mga sumigaw ng “Hosanna!” noong linggo ng pagsalubong sa kanya ay ang siya ring maigting na sumigaw ng “ipako sa krus” noong Biyernes. Ang frustration ng mga tao ang siyang kinasangkapan ng mga kalaban ni Hesus upang tuluyang ma-disillusion ang mga noon ay tumitingala sa kanya. Maaaring ito rin ang nag-udyok kay Hudas upang ipagkanulo si Hesus sa kanyang mga kalaban.

Lalong lumutang ang dumi ng politika ng maghugas ng kamay ang mga kaaway ni Jesus sa krimeng kanilang isasagawa. Sa side ng mga religious liders, ipapapatay nila si Hesus sa mga kamay ng Romano, papalabasin nilang siya ay isang banta sa trono ni Caesar, banta sa seguridad ng Israel at Roma. Sa kabilang banda, maging si Pilato ay naghugas kamay din sa malagim na sasapitin ni Hesus. Kapwa nila ginamit ang mga batas at alituntuning pinagkasunduan ng Israel at Roma upang palabasin na ang isinagawang paglilitis kay Jesus ay naayon sa batas. Kaya ang hatol: kamatayan sa krus. Ito’y isang uri ng pagbitay na nakalaan lamang sa mga rebelde at mga nakagawa ng karumal-dumal na krimen. Sa huli, namatay si Hesus bilang isang political enemy.

Ito ang mga eksenang maging sa ating panahon ay nagpapatuloy. Kapag malakas ang dissent at nagiging banta ang boses at impluwensiya ng isang tao sa mga nasa kapangyarihan, lahat ng uri ng political maneuvering ay gagawin upang itaob ang opinyon ng publiko. Hahanapin nila ang butas na siyang magbibigay-daan sa disappointment at frustration ng mga masa sa inaasahan nilang maghahatid ng pagbabago. Hihilutin nila ang mga batas upang palabasin na ang gagawing hakbang na politikal ay naayon sa dikta ng batas. Noon at magpasa-hanggang ngayon, ito ang maruming laro ng politika sa isang bayan.

Ang Opinyon ng Pilipino ay isinulat ni Emil Jon Soriano ng Pananaw Pinoy. Dahil sa isang bansang may demokrasya, opinyon ng bawat isa ay mahalaga.