4,511 guests

Ang Ekonomiya ng Ikalawang SONA

  • Written by Dr. Alvin Ang
  • Published in Pananaw Pinoy
  • Read: 3027

Sa nakaraang SONA ni Presidente Rodrigo Duterte, malinaw na maraming mga isyu ang nagiging balakid upang matupad ang mga naipangako niya noong nakaraang eleksyon.

Dahil dito, hindi niya nabigyan ng diin ang maraming bagay na-accomplish naman ng kanyang administrasyon. Ilan na dito ang atensyon na patuloy na ibinibigay sa mga maralita sa pamamagitan ng karagdagang Conditional Cash Transfer at ang karagdagang P1,000 na retirement pension ng mga miyembro ng SSS. Mahalagang isama din dito ang pinakahuling survey ng SWS kung saan naitala ang pinakamababang porsyento ng pagkagutom sa bansa (9.5%) sa loob ng ilang dekada. Sa halip ng magagandang developments na mga ito at mga specific na mga polisiyang may kinalaman sa ekonomiya, natuon ang pansin ng pangulo sa paglalabas ng kanyang saloobin patungkol sa mas malalaking isyu ng pamamahala.

Subalit, sa kabila nito, may mga nabanggit siya sa kanyang SONA na may mahahalagang implikasyon sa ekonomiya.

Isa na dito ang kanyang apela sa Supreme Court patungkol sa mga TROs o Temporary Restraining Orders. Ito marahil ang masasabing pinakamahalagang bahagi ng SONA kung ekonomiya ang paguusapan. Mas higit pa ito sa nabanggit na tax reform. Bakit? Ang unang taon kasi ng administrasyong Duterte ay humarap sa napakaraming backlogs tulad ng nangyari sa PNoy administration. Kaya’t sa kabila ng pagkakaroon ng political will at financial resources upang maipatupad ang mga infrastructure projects, may kaparehong mga legal issues ang nagpapadelay sa target completion ng mga ito. Isang halimbawa, ang Skyway 3 na dapat sana ay matatapos sa 2018 ay malamang abutin pa ng 2020 dahil sa mga issues sa ‘right of way.’ Ayon sa tala, 24% lang ang nagawa dito as of 1st quarter ng 2017. Bagamat hindi kaso ng TRO, ipinapakita nito ang coordination failure na kinakaharap ng gobyerno sa local at national level.

Ang apela ng pangulo sa Senado na ipasa ang Comprehensive Tax Reform Program en toto ay dahil sa inaasahang pagpasok ng pulitika sa full implementation nito. Subalit sa kabila ng pakiusap ng pangulo, dagling nagpahayag ang ilang senador na dadaan sa matinding review at pagsusuri ang bawat laman ng nasabing panukala. Malaki naman talaga ang magiging pakinabang ng tax reform sa mga formal workers. Subalit kinakaharap na hamon nito ang ang magiging mabigat na dagok sa mga mahihirap  na siyang pangunahing maaapektuhan ng mga buwis na ipapataw sa mga produkto tulad ng asukal at diesel. Bagamat dapat maipasa na ang repormang ito sa lalong madaling panahon, mahalaga din namang isaalang-alang ang kakulangan sa kapasidad ng gobyerno na siguruhing magiging inclusive ito para sa kapakinabangan ng lahat. Mahalagang idagdag din ang nabanggit ng pangulo patungkol sa paghabol sa mga tax evaders. Hindi makakatayong mag-isa ang tax reform kung hindi ito masidhing sasabayan ng kaakibat na mga administrative procedures sa lahat ng revenue-generating na ahensya ng pamahalaan. Malabong masolusyunan ang problema sa koleksyon ng buwis sa pamamagitan lamang ng pagpapalit ng mga pinuno at paglalagay ng mga magagaling na tao sa mga ahensya.

Kung susumahin, ipinapahayag ng ikalawang SONA na ang pagbabagong isinusulong ng administrasyon ay hindi lamang pagpapalit ng mga taong nakaupo sa pwesto kundi pagbabago din ng values at attitudes. Ayon na din sa pangulo, “It has to be a change that is not confined merely to the replacement of people by people, but a change in the people’s attitude, disposition and work ethic.” Ang mga masasabing kulang sa teknikal na mga detalye sa SONA ng pangulo ay naipaabot naman sa pamamagitan ng emosyon. Ang pag-amin ng pangulo sa mga mahihirap na balakid na kanyang kinakaharap at ang pag-apela sa mga taong katuwang niya sa pamamahala ng bansa ay mga bagay na ramdam na ramdam ng ordinaryong mamamayan.

Mapapakinggan ang Pananaw Pinoy sa radyo, sa programang “Oras ng Pilipinas,” sa pagitan ng 7-8:30 ng umaga, ng 702 DZAS (AM) -FEBC Radio. Para sa suhestiyon at komento,mag-text sa 0928-364-2090 o mag-email sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it..