7,077 guests

Alternatibong Solusyon sa Public Transport System

  • Written by Emil Jon Soriano
  • Published in Pananaw Pinoy
  • Read: 1122

Masasabing isang brilliant idea ang pagkakalikha ng mga ride-sharing applications gaya ng Uber, Grab at iba pang ride-hailing services. Sa ating lipunan ngayon kung saan halos lahat ng bagay ay nagiging internet-based na, naging napaka-efficient na sagot nito sa patuloy na lumalalang problema ng pagko-commute at masikip na daloy ng trapiko sa bansa, lalo na sa Metro Manila at iba pang mga lungsod.

Bukod pa rito, nakita ng mga commuter na mas ligtas at convenient na alternatibo ang mga kagaya ng Grab at Uber. Dala na rin ito ng hindi magaganda at nakakatakot na karanasan nila sa pagsakay sa pangkaraniwang transport services na hatid ng mga taxi, UV express, at bus. Masasabi ngang ito ang public transport with a style dahil ang mga sasakyan ay private vehicles na pawang mga bago pa. Kaya’t hindi nakapagtataka na mainit na tinangkilik ang Grab at Uber ng mga commuters sa Metro Manila. Basta’t may internet access, madaling i-download sa mga cellphone ang apps na kinakailangan upang makapag-book ng ride at maginhawang makapagbiyahe sa gitna ng trapiko.

Maganda rin ang mga orihinal na hangarin ng mga Grab at Uber. Una, hangad nitong makapag-ambag ng solusyon sa lumalalang trapiko. Nakatutulong kasi sila para mabawasan ang volume ng sasakyan sa lansangan. Nahihikayat nila ang private car owners na gumamit na lang ng Grab at Uber kaysa sa magdala pa ng sariling sasakyan sa kanilang mga pupuntahan. Maaari din na makumbinsi ang mga tao na huwag na lang bumili ng sariling sasakyan dahil may available namang alternatibo na puwede nilang magamit anumang oras. Wala pa silang sakit ng ulo sa pagme-maintain ng sariling sasakyan.

Pangalawa, hatid na benepisyo din ng Grab at Uber ang mabawasan ang stress ng mga private car owners. Sa halip na ma-stuck sa pagmamaneho, maaari pa silang makapagpahinga o makapagtrabaho habang nasa biyahe at maging productive ang oras na gugulin sa pagsuong sa matinding trapik.  Makakaiwas na din sila sa stress ng paghahanap ng parking space. Kung tutuusin kasi, halos pareho lamang ang magiging gastos nila sa gasolina at sa napakamahal nang parking fees sa Metro Manila kumpara sa kanilang ibabayad sa ride-sharing services.

Pangatlo, intensiyon din ng mga ride=sharing app na tulungan din ang maraming private car owners na nasa middle-income bracket na gawing asset sa halip na liability ang kanilang mga sasakyan.  Puwede kasi itong pagmulan ng karagdagang kita para sa kanilang pamilya.  Sa kanilang ekstrang oras na igugugol sa pagmamaneho, maaari silang kumita para ma-cover ang allowance sa gasolina, maintenance, insurance, at monthly amortization expenses ng kanilang sasakyan. Bagama’t maraming nasa platform ng Uber at Grab ay nagmamaneho after office hours o kapag weekends lamang, dumarami ang bilang ng mga drivers na ginagawa na ito nang full-time bilang major source of income.  Naging viable itong self-employment business kaya’t maraming mga dating OFW ang umuwi na sa Pilipinas at ginawang hanapbuhay na ang pagmamaneho.  Marami ring mga empleyado na nakapagpundar ng sasakyan ang nag-resign na sa trabaho para magmaneho nang full-time sa Grab at Uber.  Dagdag pa rito, maraming mga private car owners na nasa Uber at Grab ang nakatulong nang malaki sa kanilang mga kamag-anak o kaibigan na unemployed sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng pagkakakitaan bilang mga driver.

Panghuli, nagko-contribute din ang Grab at Uber sa pangangalaga sa kalikasan. Kung mababawasan ang bilang ng mga sasakyan sa lansangan dahil sa pagtangkilik sa ganitong uri ng public transport system, maaaring mabawasan din ang carbon emission sa bansa at ang consumption ng fossil fuels.

Ang teknolohiyang nagpasimula sa ride-sharing companies gaya ng Grab at Uber is here to stay. Ang hamon sa kasalukuyang gobyerno ay lumikha ng epektibong proseso at mahusay na sistema ng accreditation at regulation para masigurong makakapaglingkod nang maayos ang ganitong uri ng public transport system sa bansa. Sa gitna ng gitgitan pagitan ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board at ng mga ride-sharing companies, tandaan natin na walang mahirap na bagay ang hindi nadadaan sa maayos at mapagkumbabang usapan para masolusyunan ang problema.

Mapapakinggan ang Pananaw Pinoy sa radyo, sa programang “Oras ng Pilipinas,” sa pagitan ng 7-8:30 ng umaga, ng 702 DZAS (AM) -FEBC Radio. Para sa suhestiyon at komento: This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. .