5,621 guests

‘’Yung mga congressman at gobernador naman’

  • Written by Atty. Jay De Castro
  • Published in Opinion
  • Read: 367

Magkaisa para sa bayan

Sa panayam sa mga reporter sa ika-113 anibersaryo ng BIR sa Quezon City, nitong Agosto 6, tinanong ni ABS-CBN reporter Doris Bigornia ang Pangulo, “Sir, kailan ho uli may matutumba na mayor?”

Marami ang natawa sa tanong ng reporter at sa sagot ng Pangulo, “Depende sa iyo, kung saan mas marami kang magawang intriga.”

Ang tanong ay tama at mali.

Tama dahil, may basehan.

Si Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog Sr., ay pangatlong mayor na napatay ng ating pulisya kaugnay ng kampanya ng pamahalaan laban sa droga.

Noong isang taon, pinatay ng mga pulis si Albuera town Mayor Rolando Espinosa Sr. sa loob ng kulungan.

Bago ito, si Mayor Samsudin Dimaukom ng Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao at 9 na bodyguard ay napatay sa checkpoint sa Barangay Bulatukan, Makilala, North Cotabato, habang di-umano’y nagpupuslit ng mga droga.  
    
Ang mga mayor ay grupu-grupong pinulong ng Pangulo sa Malacañang at binalaang itigil ang pagtutulak ng droga, kung hindi’y papatayin sila. Kilala ng Pangulo ang mga mayor na drug lord at bilang paalala na magbago sila, pinakiusapan silang itigil ito,  kung hindi, sila’y mamamatay.  
    
Para sa mga hindi nagbago, kamatayan ang inabot nila, kahit nasaan pa sila, nakakulong na o nasa loob ng kanilang tahanan.  
    
Sa isang banda, mali ang tanong dahil parang polisiya ng pamahalaan ang patayin ang mga mayor na sangkot sa droga, gayong ayon sa PNP, napatay ang opisyal dahil nanlaban sila.  
    
Maliban sa mga mayor, napakarami pang mga opisyal ng pamahalaan na di-umano’y sangkot sa droga ang napatay, tulad ng mga barangay captain, mga pulis, piskal at huwes, sa iba’t ibang lugar sa bansa.
    
Sa ganitong mga pangyayari, walang pagtutol mula sa mga mamamayan... Lalo sa mga barangay, kung saan ang mga kapitan ay kilalang sangkot sa droga.
    
Nang mapatay si Mayor Espinosa kahit pa sa kulungan at si Parojinog Sr. sa kanilang tahanan, hindi umangal ang kanilang mga mamamayan.   
    
Tanggap nila ang pangyayari at ang iba’y natuwa o nagpasalamat pa, dahil alam nila ang lupit ng kanilang mayor at mga iligal na negosyo nito.
    
Matapos mapatay ang tatlong mayor ay nagbabala si Pangulong Duterte. Tinawag niya ang pansin at pinaalalahanan ang mga congressman at gobernador na drug lord o sangkot sa droga. Binalaan niya ang mga ito na tumigil sa iligal na gawain, kundi’y magagaya sila sa mga natumbang mayor.   
    
Hindi doon nagtapos ang banta ni Pangulo Duterte.
    
Nang sabihin ni dating Pangulong Benigno Aquino na walang pagbabago ang kampanya ng gobyerno laban sa droga, dahil ang bilang ng mga addict noong panahon niya na 1.8 milyon ay ganito pa rin, lalung nagalit si Pangulong Duterte.
    
Minura n’ya si PNoy at sinabing ang mga heneral nito’y sangkot sa droga at sinabihan at binantaan ang dating Pangulo ng “Gago ka. Subukan mong pasukin ang droga at pupugutan kita ng ulo.”
    
Hindi nagalit ang bayan sa pagmura at pagbanta ni Duterte kay PNoy. Ang mga nagalit lang ay ang mga kaalyado nito na hindi sinang-ayunan ng ating mga kababayan.
    
Sa pag-upo ni Pangulong Duterte, kapuna-puna ang pagbabago ng ating mga mamamayan tungkol sa pagpapahalaga sa buhay ng tao.
    
Basta ang mga napapatay ay sangkot sa droga, ke drug-lord, pusher o user ang mga ito, ay wala silang pakialam.
    
Kesehodang patayin sila sa kanilang tahanan at kahit sila’y natutulog.
    
Nagkaganito ang ating mga kababayan sa mga ganitong uri ng pagpaslang, dahil batid nila ang kalupitan at kahayupan ng mga pusher at addict na sumisira sa lipunan at maaaring kumitil sa kanilang mga mahal sa buhay.       
    
Sa ganitong punto, masasabing pinatigas ni Pangulong Duterte ang puso ng mga Pilipino tungkol sa pagpatay sa sinumang may kinalaman sa droga o shabu.  
    
Kaugnay rin nito, nagtatanong ang ating mga mamamayan.
    
“Kailan papangalanan ng Pangulo ang tatlong congressmen na aniya’y mga drug lord?”
    
Ang iba’y ayaw silang basta pangalanan, ang gusto nila’y itokhang ang mga drug lord na congressman at gobernador. Pagkatapos ng mga mayor, ang hiling ng bayan ay, sana mga congressman at governors naman.
    
Ang ganitong kaisipan ay paghihiganti ng bayan sa mga pinunong alam nilang nagpapasasa lang sa posisyon at ang totoo’y mga manghahalay at berdugo ng ating mga anak at kabataan.