4,749 guests

Yumuko na rin sa wakas ang Uber

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 170

Hala bira!

MATAPOS ang kanilang pagmamatigas, nagpasya na rin silang sumunod sa gustong mangyari ng LTFRB na dapat lang naman.

Maling-mali sila sa una nilang ginawa na mag-accredit ng mga sasakyang bibiyahe na hindi dumaraan sa proseso ng gobyerno. Pinatigil na sila sa kanilang illegal na ginagawa, nagpatuloy pa rin.

Kahit sinuspindi na ng isang buwan, nag-operate pa rin ang Uber na parang walang pakialam sa patakaran ng estado.

Ayos na sana pero nagsakayan ang mambabatas sa isyu ng suspension ng Uber.Ang mabigat, nakasuporta sila sa Uber at pinalalabas pang ginigipit ng LTFRB ang mga pasaherong nakikinabang dito.

Wala itong pinag-iba sa batang hinataw ng sinturon ng kanyang tatay dahil nagbabasag ng mga gamit sa loob ng bahay.

Sila lolo’t lola na kunsintidor, kinagalitan pa ang tatay, hindi raw dapat pinapalo ang batang matigas ang ulo dahil guwapo naman at kinagigiliwan ng pamilya.

Ganyan mag-isip ang mga mambabatas na naunang kumakanlong sa pasaway na Uber.
    
Palibhasa’y popular sa commuters/beneficiaries, umeepal sila kahit alam nilang nasa tamang posisyon ang LTFRB.
    
Kung totoong nagmamalasakit ang mga senador at kongresista na ito sa mga pasaherong walang masakyan, bakit hindi n’yo rin ipagtanggol ang mga colorum na bus, colorum na jeep, colorum na tricycles at mga colorum na UV Express na pinagbabawalan din ng LTFRB?
    
Anong espesyal sa Uber para panigan n’yo kahit open defiance at matigas ang ulo na ayaw sumunod sa patakaran ng gobyerno?
    
Hoy mga bulok na politiko, kung gusto n’yong umayon ang LTFRB sa Uber at gusto n’yo talaga silang kalingain, payuhan n’yo sila na sumunod sa mga regulasyon ng gobyerno!
    
Ang gusto n’yo bang mangyari ay payagan na lang basta ang private cars na pumasada na parang taxi kahit walang permit o prangkisa? Sobrang Uber naman ’ata kayo!
    
Kung ganoon, bakit pa inaatasan ng batas ang mga taxi, jeep at bus na kumuha ng franchise bago pumasada at maging certified public conveyance/convenience kung gusto n’yo pala ng free for all na lang?
    
Paano naman ang proteksiyon ng mga pasahero ng Uber kapag naaksidente at kapag ginahasa ng kanilang  drivers kung walang total accountability sa gobyerno?
    
Tapos kapag may masamang nangyari sa Uber passengers bigla kayong maghuhugas ng kamay at kakastiguhin din ang LTFRB kapag nagpabaya sila sa kanilang trabaho!
    
Ang problema sa mga pulpolitiko na ito, puro sariling interest in aid of reelection ang kanilang iniisip sa halip na proteksiyon ng bayan ang inuuna.
    
And by the way, ang suggestion natin sa LTFRB kapag natapos na ang suspension ng Uber ay itulad sa Amerika ang kanilang operasyon. Dapat ang private cars na ginagamit pampasada ay may malaking sticker sa harapan at likuran na nakalagay na sila ay Uber at Grab, Uhop, etc. kahit may sakay man o wala para nalalaman natin ang kanilang galaw sa kalsada.

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.