‘Wheelchair Project’ ng Citizen Crime Watch-National Press Club sa Laguna

November 02, 2018

BAGO ang lahat, isa munang “paumanhin” sa ating mga regular na “suki” kung lumabas na “magulo” ang aking kolum kahapon.

Dangan kasi, “napasama” sa ipinadala kong “piyesa” sa aking ‘editor’ ang mga ‘notes’ ko na ipinadala naman ni kasamang Dick Garay kaya nagmistulang “magulong nobela,” huhuhu!

‘At any rate,’ wika nga, harinawang “nakuha” naman ng lahat, partikular ni Calabarzon RD Edward Carranza at Laguna PD Eleazar Matta, ang “mensahe” natin -- na may “hugot” dito kay PD Matta ang mga media sa Laguna, tama ba, kasamang Dick?

* * *

Napag-usapan na rin lang ang Laguna, natutuwa tayong ibalita sa ating mga kababayan na sa darating na Disyembre 16 (Linggo), “dadalhin” ng ‘Citizen Crime Watch’ (CCW) ang “napakagandang proyekto” nito na libreng pamamahagi ng mga ‘wheelchair’ para sa mga mahihirap nating kababayan.

At bilang “kasama” at “kasangga” ng CCW sa paglaban sa katiwalian at pagtulong sa kapwa, asahan din ang pagdating sa nasabing petsa ng National Press Club (NPC) kung saan ang inyong lingkod ang kasalukuyang ‘vice president,’ pati na rin ang ating mga kasamahang mamamahayag sa ‘7-Lakes Press Corps’ sa pangunguna naman ni ‘Kuya’ Nani Cortez ng ‘Tribune Post.’

Bagaman malayo pa ang nasabing petsa, ngayon pa lang ay naghahanda na tayo para sa nasabing ‘outreach program’ ng CCW/NPC kung saan inaasahan nating “mahihimok” pa natin ang ilang mga kaibigan para sa kanilang suporta.

At “mabuti na ang malinaw,” dear readers.

Ang nasabing proyekto ay hindi bilang “suporta” sa kandidatura ng sino mang pulitiko d’yan sa ating “bayang sinilangan,” hane?

Bagkus, ito ay bilang pagtugon ng CCW, partikular na si Pres. Carlo Batalla, sa “panawagan” ng napakarami nating mga kababayan na “mabiyayaan” din naman sila ng proyektong ito na ilang pamilya na rin ng media at iba pang mga kababayan natin na lumalapit sa NPC, ang nakinabang.

Kaya kuwidaw kayo, dear readers. Sakaling papalapit ang nasabing petsa eh, kung sinu-sinong “kupal,” err, “epal,” ang “magpapakalat” ng “balita” na “umaangkin” ng kredito sa proyektong ito, huwag kayong maniniwala dahil ‘non-political but purely civic,’ ang layunin natin dito.

Sapul nang simulan ni Pres. Carlo ang pamimigay ng wheelchair noong isang taon, aabot na sa higit 1,000 piraso -- you read it right, dear readers, more than 1,000 wheelchairs -- ang naipamahagi ng CCW sa buong Pilipinas. Libre, walang hinihinging kapalit, bagay na dapat “ikahiya” ng kahit na sinong pulitiko.

Para naman sa Disyembre 16, inaasahan nating 50 wheelchairs ang ipamamahagi ng CCW at ng media (NPC at 7-Lakes Press Corps) kaya, abangan ang detalye sa mga darating na araw!