4,588

Well done PDEA!

  • Written by Cong. RICKY SANDOVAL
  • Published in Opinion
  • Read: 255

Isang matagumpay na raid ang isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Batangas at Malabon City nitong nakaraang linggo. 

Sa pinagsamang pwersa ng PDEA Regional Office-NCR, PDEA Special Enforcement Service, PDEA Regional Office IVA, at Philippine Army Intelligence, nasalakay nila ang tatlong palapag na gusali sa Barangay Tinajeros, Malabon City. 

Sabi nga ni PDEA Director General Aaron Aquino, malaki ang posibilidad na testing site din ang gusali na ito sa Tinajeros para sumubok ng iba pang uri ng iligal na droga dahil marami sa mga kemikal na nadiskubre rito ay hindi kasama sa paggawa ng ecstasy.

Malaking bagay ang operasyon na ito ng PDEA. Kilalang party drug ang ecstacy at kung tumagal pa ang laboratory na ito, para na tayong nagkaroon ng factory ng droga sa bakuran mismo natin.
    
Baka maibenta na ito na parang candy lang sa mga lansangan ng Malabon City.
    
Ani pa ni Director General Aquino, maaaring konektado ang mga pagawaan ng iligal na droga na ito sa Golden Triangle na nag-ooperate sa mga bansang Thailand, Laos, Myanmar.

Sabi nga ni Congressman Ace Barbers na chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, hindi lang mga lokal na grupo ang kinakalaban ng ating kapulisan lalo na ng PDEA.
    
Isang global na sindikato na ang pumapasok sa bansa. Kaya dapat ipanalo natin ang war on drugs in all fronts. Hindi kakayaning mag-isa ng PDEA ang kampanyang ito.
    
Malaki ang responsibilidad ng lokal na pamahalaan lalo na ng barangay para sugpuin ang iligal na droga.
    
Kada barangay ay merong Anti-Drug Abuse Council at kasama sa responsibilidad nila ang epektibong enforcement ng RA 9165.
    
Kung magpapabaya ang mga lokal na opisyal dito lalo na ang mga nasa barangay, talagang magsusulputang parang mga kabute ang pagawaan ng iligal na droga sa bawat syudad o bayan. sa panayam pa kay Director General Aquino, sinabi niya na madaling naipapasok ang iligal na droga at mga kemikal sa paggawa nito dito sa bansa dahil sa kakulangan ng bantay natin sa ating coastlines.
    
Sa haba kasi ng coastline natin na isa sa pinakamahaba sa buong mundo, nakakasilip ng mga entry point ang mga gustong magpasok ng droga sa atin.
    
Para makatulong na mas mapalakas pa ang pwersa natin sa pagbabantay sa teritoryo, nakikipagtulungan tayo sa Philippine Coast Guard para magrecruit ng mga bago nilang myembro dito sa Malabon City.
    
Sa May 4 ay magsasagawa sila ng recruitment exhibit para hikayatin ang ating mga kabataan na sumali sa kanila.
    
Sa iba pang impormasyon, bisitahin lang ang aking Facebook page sa @RickySandovalMal