Wala na bang iba? Duon naman sa baGO

KARAMIHAN sa mga kilalang kandidato para senador ngayon ay may direktang koneksyon o nagkaroon ng opisyal na koneksyon kay yumaong Pangulong Ferdinand E. Marcos at Unang Ginang Imelda Romualdez Marcos.  

Ang kanyang anak na si Imee Marcos, na dating gobernadora ng Ilocos Norte. Si dating Senador Juan Ponce Enrile, ang administrador ng martial law ni Marcos.

Si Pia Cayetano, anak ni yumaong Senador Rene Cayetano, administrator ng Export Processing Authority noong panahon ni Marcos.         Sina Jinggoy Estrada at JV Ejercito, mga anak ni dating Pangulong Joseph Estrada, na kaalyado ng mga Marcos  nuong panahon ng diktadura.

Si Bam Aquino, mula sa pamilyang Aquino, pamangkin ni yumaong Senador Ninoy at Pangulong Cory, na kalaban sa pulitika ng mga Marcos.

Si Mar Roxas, anak ng yumaong Senador Gerry Roxas, na kalaban sa pulitika ng mga Marcos.

Sina Atty. Chel Diokno at Atty. Erin Tañada, anak ng mga makabayang senador na sina Senador Jose “Pepe” Diokno” at Lorenzo Tañada, ang mga batikang oposisyon at parehong nakulong noong panahon ng diktadura.

Ang aktor na si Lito Lapid na kilalang malapit sa dating Unang Ginang na si Imelda Marcos.

Dahil ang mga nabanggit ay may nasabing koneksyon kay yumaong Pangulong Marcos, hindi maiiwasang pag-usapan sa kampanya ang pamumuno ng mga Marcos.

Ang mga kandidatong sina Bam, Mar, Chel at Erin, dahil mga anak ng mga oposisyon noong panahon ni Marcos ay hindi maiiwasan hindi batikusin si Imee Marcos, lalo na’t ang huli ay kandidato ni Pangulong Duterte, na inaakusa ng kasalukuyang oposisyon ng paglabag sa mga karapatang pantao.    

Para sa taong bayan naman, alam nila na mahabang panahon ang naibigay sa pamilyang Aquino para ayusin ang bansa, mula sa sinasabi nilang pang-aabuso sa pamumuno ng mga Marcos.

Anim na taong naging pangulo si Cory at gayun din ang anak na si Noynoy o labing dalawang taon nilang pinamunuan ang Pilipinas.

Subali’t sa kabila ng mahabang panahong ito’y hindi nila nai-angat ang kabuhayan ng mga mamamayan at maraming nagsasabing higit na mas mabuti ang kanilang kalagayan at katayuan noong panahon ni Marcos, kaysa noong panahon ng mga Aquino.   

Ang lahat ng mga nasabing kandidato, maliban kay Chel Diokno, ay mga dating senador, sina Enrile, Roxas, Jinggoy at JV, Bam, Pia at Lito Lapid at ang iba ay dating congressman, tulad ni Irin at gobernador, gaya ni Imee.

Sina Enrile, Roxas, Jinggoy, JV, Bam, Pia at Lito Lapid ay nabigyan na ng pagkakataong magsilbi bilang senador at muli lumalapit sa inyo, upang ayon sa kanila ay maglingkod muli sa inyo.

Alam natin ang mga anomalyang kinasangkutan ng ilan sa kanila, sina Enrile at Jinggoy ay pawang may kasong plunder o pandarambong at pansamantalang nakalaya sa utos ng Sandiganbayan.  

Si Roxas naman ay kilala sa kapalpakan sa pamumuno at nasasangkot sa mga anomaly ng nakarang administrasyon.

Ang ilan sa kanila’y tumanggap ng suhol, daan-daang milyon Development Assistance Funds (DAF) mula kay dating Pangulong Noynoy Aquino para patalsikin sa pwesto si dating Chief Justice Renato Corona.

Ang tanong, ang mga nasabing kandidato ba na NAGING mga senador na ay may konkretong nagawa para sa ikagaganda ng inyong buhay o sa tingin ninyo ay naging bahagi sila ng administrasyong nagpahirap sa inyong buhay?

Sa tingin n’yo ba’y may ipinakitang pagmamasakit sa inyo ang mga nasabing kandidato, na pawang mga dati at kasalukuyang pulitiko?

Sawang-sawa na ang bayan sa mga nasabing apelyido na halos 50 taon nang pumapalaot sa larangan ng pulitika sa ating bansa.

Mahabang panahon at kinalakhan na natin ang lumang apelyidong Marcos, Aquino, Enrile, Roxas, Estrada, Tanada, Diokno at Lapid sa pulitika sa ating bayan, subali’t lugmok pa rin sa hirap ang ating mga mamamayan.     

Sumubok naman tayo ng bago, yung hindi pulitiko, subali’t may malasakit sa tao, gaya ni Bong Go.