Vindicated si Senator Ping!

September 21, 2018

ETO na ang sinasabi noon pa ni Senador Panfilo Lacson na mayroon pa ring ‘pork barrel’ ang kanilang counter part sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Nitong nakalipas na araw, laman ng balita ang diumano’y muntik na suntukan sa pagitan ng ilang congressmen dahil sa worth P55 billion na ‘insertion’ sa 2019 proposed budget.

Nangyari ang ‘mainitang pagtatalo’ ng mga kongresista dahil ayaw tanggapin ng kampo ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang naunang panukalang inihain ng pinalitan niyang liderato na si dating Speaker Pantaleon Alvarez.

Ang masaklap, nakakaladkad pati palasyo  ng Malakanyang dahil ilang matataas na opisyal daw dito ang nais isingit ang nasabing multi-bilyon pisong halaga. Na para bang ang tsismis ay may ‘blessing’ mismo sa Palasyo ang nasabing insertion.

Nangyayari ang mga kaganapang ganito sa gitna ng ipinagmamalaking anti-corruption campaign ng Duterte administrasyon bitbit ang bandera at ‘political line’ na ‘change is coming’ o ‘change has come.’

Sabi pa ng Pangulong Duterte sa mga nakalipas niyang talumpati na kahit katiting na ‘tsismis’ lang sa larangan ng korapsiyon ay hindi niya papalampasin dahil makatitikim talaga ng tunay na kastigo sa kanya ang sinumang opisyales ng pamahalaan na sangkot sa nakawan sa pera ng taumbayan.

Totoong wala pang malinaw na ebidensiya kung bahagi ba ng graft and corruption ang pinag-uusapang P55 billion. Pero ang paraan ng pagsingit nito sa P3.757 trillion, wala itong iniwan sa mga nagdaang administrasyon na halos ganito rin ang ‘bulok na style’ sa pagsisingit ng budget -- maipalusot lamang ang tinatawag na pork barrel.

Taong 2013 nang ideklara ng Supreme Court na illegal ang Priority Development Assistance Fund (PDAF) na nais ipalusot noon ng Aquino administration. Katunayan, ginamit pa itong pambala noon upang batikusin ang nakalipas na administrasyon.

Bagong upo pa lamang sa Malakanyang, mag-isang nag-ingay si Senator Lacson sa pagsasabing mayroon pa ring lumulusot na ‘pork barrel’ sa Mababang Kapulungan.

At eto, makalipas ang dalawang taon, halos nagkakaroon ng linaw na tama ang pinagsasabi noon ni Lacson.

“Let’s face it kaya pinag-aawayan ang pork barrel kasi may komisyon. Pag nakausap mo ang contractors at ako nakakausap ko ang mga contractor, bumaba iyan.Naging 10 percent. Sabi nila 10 percent sa mambabatas pero meron pa rin sila sine-shell out sa mga ahensiya. So ganoon pa rin. Give or take nasa 20 percent pa rin natatapon sa korapsiyon dahil sa pork barrel,” sabi pa ni Lacson.

Ang catch dito, bukod sa ‘insertion,’ mayroon ding tinatawag na ‘parking ‘ sa pondo ng pamahalaan.

Ang ‘parking’ ay iyong idadaan sa isang mambabatas ang isang pondo ng pamahalaan. ‘Ipaparada’ muna ito ng ilang araw o buwan, saka gagalawin patungo sa isang kongresista na siyang tunay na pinaglalaanan ng pondo.

Halimbawa rito ay tatawag ang isang congressman sa kapwa kongresista at sasabihin na may paparating na P500 million fund sa distrito nito. Pero hindi iyon puwedeng galawin kasi ipinadaan lang iyon ng tumawag na mambabatas at kukunin din sa mga susunod na araw.

Dinadaan na lang tuloy sa biro ang nangyayari sa Kongreso ngayon.

Sabi ni Senator JV Ejercito ‘blessing’ na rin daw ang nangyaring ‘bukingan’ at ‘awayan’ sa Kongreso  sa pork barrel dahil silang mga senador ay hindi mahilig sa pork kaya wala silang away.

Kantiyaw pa niya, chicken at seafoods ang hilig ng mga senador kaya healthy living sila dahil sa pagiging porkless.

‘Puwede maarbor na lang ang P55 billion na pinag-aawayan? Ilagay natin po sana sa budget ng DoH for Health Facilities Enchancement Program. P30 billion po ang natapyas at sobra- sobra ang P55 billion para mapaayos at mapaganda po natin ang mga government hospital. This is service,” sabi pa ni JV sa kanyang twitter account kahapon.

Samantala, sinabi na ni House Majority Leader na naisaayos na nila ang kuwestiyunableng P55 billion at katunayan, P51 billion lamang aniya ito at inilagay na sa mga ahensiya ng pamahalaan na tutugon sa proyektong pambayan.

Ani Lacson, posibleng magandang ‘alibi’ ito para sa Lower House pero sila sa Senado ay tiyak na bubusisiin nang husto ang panukalang budget sa mga susunod na araw dahil walang ibang kawawa sa mga kalakarang ganito kundi ang taumbayan mismo na lumpo na sa sobrang taas ng bilihin, sa presyo ng langis, at lugmok pa sa kahirapan.

Natutuwa na rin si Lacson dahil halos lahat ng senador ngayon ay kaisa na niya sa pagsilip sa tinatawag na pork barrel na buhay pa rin pala hanggang ngayon.

Ang tanong na lang ngayon, may accountability ba ang sinumang mambabatas na pilit isinisingit pa rin ang multi bilyon pisong pera ng taumbayan?

Sino ang puwedeng humabol sa kanila?

Tagged Under