Utak anarkiya

October 19, 2018

ANG laki ng problema ng bansa natin sa anarkiya.

Marami sa atin ang nawalan na ng sense of patriotism kaya kahit sinong mamuno ay nahihirapang bunutin ang ugat ng kawalang pakialam.

Itong panukala ni Senator Sherwin Gatchalian na no parking, no car ay basic naman sana na hindi na kailangan ng batas.

Ang totoo, hindi lang naman dito sa ating bansa ang nagpaparada ng mga sasakyan sa kalye. Ang kaibahan lamang, may sistema sa kanila.

At normally, kahit sa Amerika, ang pinaparadahan ng mga sasakyan ay iyong mga malalapad na kalsada. Dito kasi sa atin, pag napasok mo ang mga kasuluk-sulukan, mahihirapan kang dumaan dahil nakahambalang ang mga kotseng nakaparada sa makitid na kalsada.

Sa ibang kalsada, kapag buwenas ka, sangkatutak pa ang mga junked vehicle na nilumot na sa pagkakaimbak hindi pa rin inaalis. May mga kalsada pang nilagyan ng mga rehas dahil inari nilang garahe ang bangketa at ang kalye.

Ang ipinagtataka ko naman, maraming mga kababayan tayo na dalawa hanggang tatlo ang sasakyan ang nabili pero walang sariling garahe.

Hindi naman sana kailangan ng national law para ipatupad ito pero dahil nga sa utak anarkiya ng marami nating kababayan, kailangan pang gumawa ng batas laban dito. Ang problema rin kasi, iyong mga car seller, wala rin silang pakialam kung may paradahan ang bibili o wala, basta para sa kanila, benta lang ang mahalaga.

Dapat ding isama sa panukalang batas ni Gatchalian na diktahan din ang mga car seller na hanapan ng proof of parking ang kanilang mga buyer bago bentahan.

Dapat puwede ring ipasara ang mga car seller kapag napatunayang nagbenta sila sa isang customer na wala namang parking.

* * *

Isa pang sensible legislation ang pagmamando sa mga mall na huwag gawing hanapbuhay ang parking.

Nakalagay sa ating National Building Code na dapat may parking ang anumang business establishments. Pero hindi naman sinasabing gawing hanapbuhay ng mga mall ang parking.

Hindi naman natin sinasabing absolute free dapat ang parking. Ang suggestion natin, kapag ang customer/s ay may nabili nang item/s sa mall na worth P100 man lang, dapat ay libre na ang parada.

Iyong walang nabili at talagang nakiparada lang, puwede silang i-charge kahit P50 sa unang tatlong oras at P300 kapag umabot ng dose oras.

Ang problema sa mga mall, kahit umaapaw sa dami ng binili ang customer, mas mataas pa ang kanilang charge dahil nga matagal nakaparada.

Sobrang gahaman ang ibang malls na walang konsiderasyon sa kanilang mga customer.

Generally speaking, hindi talaga customs’ friendly ang maraming malls dito sa atin kaya kailangan talaga silang hatawin ng batas para makabawi ang mga parokyano nila.

allanpunglo@gmai.com