7,268 guests

Usec. Martin Diño: Barangay ang pinakamahalaga kontra krimen

  • Written by Atty. Jay De Castro
  • Published in Opinion
  • Read: 121

Magkaisa para sa bayan

ANG barangay ang pinakamaliit na political subdivision sa bansa. Ang bawat sulok sa Pilipinas ay binubuo ng mga barangay.

Walang lugar sa bansa ang ’di nasasakupan ng mga barangay, kaya’t ang mga pinuno nito, ang kapitan, mga kagawad at tanod ay mahalaga sa pagsugpo sa mga krimeng nangyayari at maaaring mangyari sa barangay.

Ang halimbawa ng pagsugpo sa malaking krimeng nangyayari sa barangay ay ang “Tiangge ng shabu sa Pasig.” Noong hindi pa ito napupuksa, talamak ito hindi lang bilihan ng shabu sa Metro Manila at karatig na lalawigan, subalit tirahan ng bawal na droga.

Ang tiangge ay may mga kuwarto, kung saan may nakapaskel sa dingding ng klase ng shabu ng maaaring bilhin, kasama ang mga alak, sigarilyo at mga batang babae, upang parausan.

Ang operasyon ng tiangge ay alam ng mga opisyal ng barangay at lokal na pamahalaan, subalit hindi pinuksa, bagama’t ilang kanto lang ang layo sa city hall.

Nasugpo lang ang tiangge sa sumbong ng isang mamamayan. Ipinaalam ang talamak na bentahan ng droga rito sa Volunteers Against Crime and Corruption (VACC), na pinamumunuan ni dating  Quezon City Barangay Captain Martin Diño, na ’di nag-aksaya ng panahon at isinuplong sa pulis.

Agad nagsagawa ng RAID (Rally Against Illegal Drugs) ang VACC sa mismong tiangge ng shabu sa Pasig at duon ay kinondena si Emil Boratong na sinasabing may-ari at operator ng tiangge ng shabu.
    
Kasama sa rally, ang aming samahang Magkaisa Para sa Bayan (MPB) at ang Tau Gamma Phi (TGP) na pinamumunuan rin ng inyong lingkod.   
    
Tumulong ang VACC sa pagsampa ng kaso kay Boratong at ’di naglaon ay napatunayang nagkasala sa pagbenta ng droga at nahatulan ng habambuhay na pagkabilanggo at ngayo’y nakakulong sa Muntinlupa.
    
Sa isang panayam, sinabi ni Diño na ang unang makatutulong sa pagsugpo sa krimen ay ang mga opisyal ng barangay sapagkat dito nagaganap ang krimen.
    
Aniya, alam ng mga barangay official ang lahat ng sulok sa barangay at kung may mga iligal na nangyayari sa kanilang teritoryo.
    
Sa pagiging mapagmatyag sa kanilang lugar, mapipigilan ang ano mang krimeng maaaring  maganap sa barangay.
    
Sinabi rin ni Diño na may mga barangay official ang mismong protektor ng mga krimen sa kanilang lugar, lalo na ng mga drug pusher at sila ang dapat unang walisin sa barangay para tumino ito.
    
Maraming barangay chairman at kagawad na kilalang may kaugnayan sa droga ang napatay at hindi tinutulan ng mga mamamayan.  
    
Kaugnay nito, at upang mapatindi ang kanyang kampanya laban sa krimen, partikular sa droga, itinalaga ni Pangulong Duterte si Diño, bilang Undersecretary ng DILG upang pangasiwaan ang 42,000 barangay sa buong Pilipinas, pakilusin at suportahan ang kampanya niya laban sa droga at lahat ng uri ng krimen.
    
Si Diño ay matagal nang nakikibaka laban sa krimen ’di lang bilang barangay captain sa Quezon City, subalit bilang dating presidente at chairman ng VACC.
    
Sa kanyang karanasan, mapapalakas at mapapakilos niya ang mga barangay official laban sa lahat ng uri ng krimen, partikular sa salot na shabu.
    
Ang lahat ng krimen sa bansa ay nangyayari at nagmumula sa mga barangay. Upang masugpo ito, ang pinakalohikal na paraan ay isali sa pagpigil nito ang mga opisyal ng lugar na pinangyayarihan ng krimen -- ang mga barangay official, dahil sila ang unang nakaaalam sa mga nangyayari o maaaring mangyaring krimen sa kanilang lugar.
    
At upang sila’y maging epektibo sa pagsugpo ng krimen, marapat na sila’y pamunuan ng opisyal na galing sa kanilang hanay, si dating barangay captain at VACC Chairman  Martin “Bobot” Diño, na may subok nang karanasan at dedikasyon sa paglaban sa krimen, lalo sa salot na shabu na pumapatay sa ating kabataan.