6,270

Urban decay, mga pabayang kapitan ang ugat

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 392

KUNG mangyari man ang sinasabi ni Pangulong Duterte na urban decay o ang lalo pang pagkasira ng Metro
Manila sa susunod na sampu hanggang labing limang taon, wala tayong dapat singilin kung hindi ang mga
kapitan ng barangay at ang mga alkalde.

Ngayon na lamang kumikilos ang maraming city mayor ng NCR dahil naramdaman nila ang higpit ni
Duterte. At ang pagkakaalam natin, masyado lang itong busy sa malalaking problema ng bansa pero tiyak
na matututukan din niya ang Metro Manila mayors sa mga susunod na buwan.
    
Sinabi na ni Pangulo sa mga unang buwan niya sa palasyo na sobrang dumi ng Pasay City at
napaka-chaotic na parang walang gobyerno. At sana’y nakuha ni Mayor Tony Calixto ang mensahe na ito.
    
Sa totoo lang, madali sanang linisin at pagandahin ang Metro Manila kung iisang layunin lamang
ang 17 city mayors at 1 municipal mayor. Madali naman talagang matukoy kung sino ang pabayang alkalde
na walang ginagawa sa kanilang lugar.
    
Matagal na panahong naging pabaya ang NCR mayors magmula pa sa panahon ni Cory noong 1986.
Malaki-laki na rin naman ang ipinagbago pero may mga city talaga na salaula sa lahat ng aspeto.
    
Ang Caloocan City kung ikukumpara 10 years ago, maayos na siya ngayon dahil sa mga programa ni
Mayor Oca Malapitan. Ang sukatan ko palagi sa Caloocan ay ang malinis na Monumento Circle, Samson Road
at Rizal Avenue. Sa mga nakaraang panahon, dump site ang mga lugar na ’yan pero nalinis finally sa
ilalim ng pamamahala ni Mayor Oca.
    
Ang Taguig City, mula sa pagiging sleeping municipality, isa na siya ngayon sa most vibrant in
business at cleanest city sa maraming area. Thanks to Mayor Lani Cayetano.
    
Ang Makati, in fairness, consistent naman siya sa kalinisan kahit noong panahon ni Mayor Jojo
Binay na ngayon ay itinutuloy ni Mayor Abby.
    
Ang Parañaque, consistent din ’yan sa dumi at chaotic dahil hindi mapatino ang Baclaran area.
Ang Valenzuela City, isa pa rin noon sa pinakamadungis na lugar pero ngayon nangunguna na rin siya sa
kaayusan at kalinisan dahil sa liderato ni Mayor Rex Gatchalian.
    
Ang Quezon City, in fairness kay Mayor Herbert ay consistent din naman sa beautification ng
lungsod bagama’t marami pa ring dapat gawin in terms sa kalinisan ng paligid. Dahil siguro sa dami ng
informal settlers, lalo na sa paligid ng NIA at BIR Road.
    
Pero sa tingin ko, kung mayroon mang dapat ipakulong si Pangulong Duterte ay ang mga kapitan
ng barangay dahil ang mga ito ang walang ginagawa para linisin ang kanilang lugar.
    
Bilang first line of defense ng bansa, ang barangay officials ang dapat nangunguna sa
pagsasaayos ng ating Metro Manila pero kapag binusisi mo, sila rin ang pinakapabaya.
    
Hindi natin alam kung bakit naghahangad pa silang maging kapitan ng barangay gayong wala naman
silang mabuting agenda para sa kanilang lugar. Ang totoo, hindi mo kailangang maging rocket scientist
para malaman kung anong mga kabulastugan ang ginagawa ng maraming barangay officials sa kanilang
lugar.
    
Kung ako sa mga alkalde, uunahan ko na si Presidente Duterte, kakasuhan at ipapakulong ko na
ang mga kapitan na ito na sumalaula at naging dahilan ng paglubha ng krimen, basura at kawalan ng
kaayusan sa maraming lugar sa Metro Manila.
    
Malaking porsiyento ng sanhi ng urban decay ay kagagawan ng barangay officials kaya mukhang
dito dapat simulan ng Pangulo ang pagpupurga sa kanila.

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.