6,188

Unilateral goodwill mula sa mga rebelde

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 284

HINDI natin masisi si Mayor Inday Sarah Duterte kung nagdududa siya sa sinseridad ng mga rebeldeng CPP-NPA na lumusong talaga sa mapayapang lipunan.

Kahit humudyat na si Pangulong Duterte ng pagbubukas muli ng usapang pangkapayapaan, hindi pa rin ito nakakumbinsi kay Mayor Inday dahil para sa kanya, wala sa karakter ng mga rebelde ang maging seryoso sa pakikipagmabutihan sa estado.

Kung ganito man ang pagkilala ni Sarah sa mga rebelde, tiyak na hindi lang siya ang nakakapansin nito. Alam nating mismong si Pangulong Duterte ay alam din ang tunay na kulay ng mga rebelde dahil karamihan sa mga lider nito ay naging kaibigan niya noong alkalde pa siya ng Davao City.

Pero hindi na mayor si Digong, isa na siyang Pangulo ng Republika na naghahangad na mabigyan ng mapayapang buhay ang kanyang mga mamamayan, rebelde ka man o hindi.
    
Alam natin kung saan nanggagaling ang desisyon ni Pangulo na makipag-usap muli sa mga rebelde kahit pa paulit-ulit na nilalabag ng rebel group ang mga dapat na maging probisyon sa mapayapang bansa.
    
Nag-iiba na ang pananaw ng isang tao kapag may hawak na siyang responsibilidad. Kung tutuusin, alam nating gusto na ring durugin ni Digong na parang vetsin ang mga rebeldeng palaging nanggugulo sa mga kanayunan subalit hindi iyon ang kanyang mandato.
    
Mas prayoridad ni Pangulong Duterte na makapag-iwan siya ng legacy na hindi nagawa ng lahat ng naging lider ng bansa. Naipakita na ni Digong ang kanyang sinseridad na mag-abot ng kamay ng pakikipagkaibigan sa mga rebelde subalit ito ay kinagat at inabuso.
    
Kaya nga ramdam din natin ang mensahe ni Inday Sarah na umapela sa kanyang ama na huwag ituloy ang peace talks sa mga kalaban ng pamahalaan dahil sa kuwestiyunableng sinseridad.
    
Ito naman ngayon ang malaking hamon kina Joma Sison, kay Jalandoni at sa lahat ng mga bumubuo ng peace panel sa kanilang hanay. Sa nag-uumpugang pananaw ng amang si Digong at anak na si Sarah, kailangan ng mga rebelde na magpakita ng kakaibang sinseridad na kukumbinsi sa ating lahat na sa pagkakataong ito, kaya nilang magbaba ng armas nang walang kondisyon.
    
Ipakita nila sa bayan na kaya nilang hubarin ang pagiging rebelde sa mga pagkakataong ito na nakukuwestiyon ang kanilang motibo. Huwag na lang silang maawa sa mag-amang Duterte, tingnan na lamang nila ang mismong mga sumukong kasamahan nila na napabayaan ang buhay, pamilya at edukasyon ng kanilang mga anak dahil sa bulag na pagsunod sa kanilang rebelyon.
    
Sobrang daming kabataan na anak ng mga rebelde ang napagkaitan at inagawan ng kinabukasan dulot ng maling pakikibaka. Nagpasalin-salin na lamang ang kaguluhan at walang katiyakang buhay.
    
Uugud-ugod na lahat ang mga lider ng CPP-NPA at iyong iba nga ay nasa malamig pang The Netherlands subalit walang naibigay na maganda para sa pamilya ng kanilang mga kasamahan.
    
Let’s give peace a chance, sa inyo naman Ginoong Joma magsimula ang unilateral goodwill para sa ikabubuti ng ating bayan at ng inyong mga kasamahan.

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.