Umaaray na ang taumbayan

September 12, 2018

HINDI na biro ang nangyayaring pagtaas ng presyo ng mga bilihin.

Umaaray na ang taumbayan, lalo na ang mga mahihirap.

May mga pamilya na ngang kumakain ng pinaghalong bigas at mais para makatipid.

Ang problema daw ay baka tumaas din ang presyo ng mais.

Ang iba ay dalawang beses na lang kumain sa isang araw.

Sana isantabi muna ng ating mga lider ang kani-kanilang  mga ’di pagkakaunawaan.

Magtulungan muna para bigyang solusyon ang mga problema.

Maliban sa mataas na presyo ng mga bilihin, nandiyan pa rin ang kahirapan, kawalan ng trabaho, pagsisikip ng trapiko, pagbabaha, climate change, graft and corruption at illegal recruitment.

Dahil papalapit ang  Pasko, sana magkaroon ng “ceasefire” sa Politika.

Subukan lang natin at baka ito ang susi para tayo’y magkaisa.

Ika nga, “there’s unity in diversity.”

* * *

Tuloy pa rin ang pakikipagsabwatan ng ilang tiwaling taga-Bureau of Customs (BoC) sa mga ismagler.

Kaya nga muling nanawagan si BoC Chief Isidro S. Lapeña sa kanyang mga tauhan na magbago na sila.

Pero sa laki ng kinikita nila sa ismagling, malamang na deadma lang ang mga kumag sa panawagan ni Lapeña.

Dahil nga mapera na rin tulad ng mga ismagler, kaya nilang kumuha ng magagaling na abogado sakaling matiklo sila.

Alam ng mga tiwaling lingkod-bayan na hindi sila basta matatanggal dahil sila’y may permanent position.

Mayroon silang security of tenure, kailangan nilang dumaan sa due process.

Pero naniniwala tayo na kayang i-address ni Lapeña ang problemang ito.

Noon ngang Lunes ay sinabi ni Lapeña na may kalalagyan ang mga bugok na ito.

“’Yung mga hindi pa humihinto diyan...you will see that l will soon catch up with you,” babala ni Lapeña.

Kamakailan lang ay kinasuhan ni Lapeña sa Department of Justice ang labing-pito nitong opisyal at empleyado.

Sila’y nahaharap ngayon sa mga kasong pakikipagsabwatan sa mga ismagler.

Sinabi pa ni Lapeña na kaagad niyang inaaksiyunan ang mga impormasyon na tinatanggap niya mula sa loob at labas ng BoC.

Kagaya ni Pangulong Duterte, pursigido si Lapeña na walisin sa gobyerno ang tiwali at korap na lingkod-bayan.

Kaya nga inilagay ni Duterte si Lapeña sa Aduana dahil alam niya ang kalibre ng dating heneral ng pulis.

Matagal na nagsilbi sa Davao City Police si Lapeña.

Sina Lapeña at Defense Secretary Delfin Lorenzana ay mga miyembro ng  class 1973 ng Philippine Military Academy (PMA).

Hangga’t nandiyan ang tiwala ni Pangulong Duterte, inaasahan natin na tuluy-tuloy ang ginagawang paglilinis sa Aduana.

Hindi madali ang anti-graft and corruption drive sa BoC.

Pero magtatagumpay ang kampanya sa tulong ng taumbayan at mga matitinong taga-BoC. 

Ang kailangan lang ay sapat na political will ng mga namumuno.

* * *

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa 0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

Tagged Under