Tren is coming sa Malabon City!

AYON sa records ng Philippine National Railways at Department of Transportation, walang aktibong railway activity sa Malabon City sa loob ng 20 taon.

Sa gitna ng mga kontrobersya at aberya na iniwan ng mga dating opisyal ng pamahalaan sa MRT, isa pa rin ang tren sa pinaka-convenient at affordable na mode ng public transportation.

May mga pag-aaral nga na ang mga lugar na binabagtas ng riles ng tren ang siyang mabilis ang pag-unlad. Dahil dito kaya itinaga talaga sa bato ni Pangulong Duterte na maglalagay ang kanyang administrasyon, sa kauna-unahang pagkakataon ng railway system sa Mindanao na siya namang ginagawa na ng DOTr.

Pero syempre, hindi dapat mapag-iwanan ang Malabon City.

Nakarating sa akin na ang mga empleyado na taga-Caloocan, Malabon, at Valenzuela na nagtatrabaho sa mga central business districts gaya ng Ortigas at Makati ay pilit sumasakay sa mga colorum sa halagang P200. Madalas siksikan at nariyan pa ang problema sa traffic na nagpapatagal talaga sa travel time.

Kaya nga isang karangalan para sa amin ni Vice Mayor Jeannie Sandoval na maging bahagi ng ceremonial track laying sa may Governor Pascual para sa PNR Main Line North Extension.

Ang orihinal na plano dati ay hanggang Caloocan City lang ang riles ng PNR Main Line North Extension. Pero dahil may demand mula sa mga taga-Malabon, nakinig dito ang DOTr.

Akalain niyo, ang commute na Malabon City patungong Makati minsan inaabot ng higit dalawang  oras ay kaya na ng 30 minuto kung mabubuo ang ruta ng PNR. At hindi lang yan, asahan natin na abot- kaya ang magiging pamasahe dito.

Kapag ganito na kabilis ang byahe papunta at pauwi mula sa trabaho, mas mahaba na ang oras natin para sa ating pamilya.

Kung aaralin nga ang latag ng plano ng DOTr para sa lahat ng itatayo pang riles, magiging posible nang magpunta sa Bicol ng ilang oras lang. Sa dami ng itatayong riles, asahan na natin ang epekto nito sa daloy ng trapiko dahil sa kaliwa’t kanang construction. Pero papakatandaan natin na pansamantalang aberya lang ito kumpara sa pangmatagalang solusyon na magiging bunga ng mga proyektong ito.

Ang hiling ko lang sa DOTr, mabayaran nang sapat at mabilis ang mga property owners na matatamaan ng government project na ito ayon na rin sa Saligang Batas. At sana ay na-factor in ng mga engineers ng PNR ang pagbabaha sa Camanava. Ayaw naman nating naaantala ang byahe ng tren sa tuwing umuulan at bumabaha.

Higit sa lahat, sana ay hindi na maulit ang naging mga kontrobersya sa maintenance sa MRT. Tiwala akong napagtuunan na ng mga kasalukuyang opisyal ng DOTr ang mga pagkukulang ng mga dating opisyal kaya mas mahusay na ang magiging pamamalakad sa mga bagong tren.

(I-follow sa Twitter si Cong. Ricky Sandoval: @Rep_Sandoval o i-like sa Facebook: @RickySandovalMalabon)