5,012 guests

Trabaho lang, sagot ni Faeldon sa mga kritiko

  • Written by Vic Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 1034

HINDI na tayo magtataka kung mag-iba ng istratehiya ang mga kritiko ni Customs Commissioner Nicanor Faeldon.

Kahit anong paninira ang ginawa nila kay Faeldon ay nanatili ang tiwala ng Malakanyang sa kanya. 

Kung anu-anong isyu na ang ipinukol sa dating opisyal ng Philippine Marines ay hindi pa din nila ito natinag.
    
Ngayon nga ay ipinakita ni Faeldon na hindi nagkamali ang Malakanyang  sa pagtatalaga sa kanya bilang hepe ng Bureau of Customs.
    
Nagawang lampasan ng Faeldon Administration ang collection target ng BoC sa unang tatlong buwan ng taon.
    
Ayon sa opisyal na rekord, umabot ng P4.271 bilyon ang koleksiyon ng BoC mula Enero hanggang Marso.
    
Ito ay mas mataas sa target collection na P3.677 bilyon para sa tatlong buwan.
    
Sampu sa 17 collection district ng BoC ang nagawang lampasan ang kani-kanilang target tax take.
    
Ito ay kinabibilangan ng Ports of Davao, Limay, Subic at Cagayan de Oro.
    
Ang 16.2 percent sa koleksiyon ng port of Subic “contributed dramatically”  sa magandang collection performance ng BoC.
    
Ang Port of Limay sa Bataan ay nakakolekta ng P6.859 milyon. Ang target ay P6.828 milyon.  
    
Ang Port of Cagayan de Oro naman ay nakakolekta ng P3.047 milyon samantalang ang kanyang target ay P2.624 milyon lamang.
    
Ang Port of Davao naman ay sumobra ng 15.8 percent sa kanilang collection target.
    
Ang aktwal na koleksiyon ay umabot ng P3.648 milyon kumpara sa target nitong P3.151 milyon.
    
Marami ang umaasa na gaganda pa ang collection performance ng BoC sa mga susunod na buwan.
    
Ito ay hindi malayong mangyayari dahil tutok na tutok sina BoC  Chief Faeldon sa mga programang magpapataas ng koleksyon ng ahensiya.
    
Nandiyan pa ang pinaigting na kampanya laban sa ismagling. Hindi madali ang kampanya laban sa iligal na pagpasok ng mga importasyon sa bansa.
    
Pero mahihirapang lumusot ang mga kontrabando dahil laging alerto ang mga tauhan ni Faeldon.
    
Tama ang ginagawa ng liderato ng BoC. Hindi pinapansin ang mga walang basehang banat ng mga kritiko.
    
Ang sagot ay trabaho lang, trabaho.

* * *
    
Tama ang desisyon ng Malakanyang na bumuo ng “Task Force Bigas.”
    
Ang trabaho ng task force ay mag-inventory ng bigas at pigilan ang mga pagtatangkang gumawa ng “artificial rice shortage” sa bansa.
    
Pangungunahan ng Department of Agriculture ang task force.
    
Susuportahan  naman ito ng BoC, Bureau of Internal Revenue at Philippine Statistics Office ang task force.
    
Sinabi ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol na hindi papayagan ng gobyerno na magkakaroon ng hoarding ng bigas.
    
Hindi kaila sa publiko na may mga negosyanteng gustong magkaroon ng artificial rice shortage para tumaas ang presyo ng bigas.
    
Kaya nga dapat hindi makapagtago ng bigas ang mga negosyante.
    
Iyan ang babantayan ng task force na pamumunuan ni Piñol, na isang dating mamamahayag at gobernador ng North Cotabato.

* * *
    
(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)