7,324 guests

TP is the new LP

  • Written by Allan Encarnacion
  • Published in Opinion
  • Read: 586

HINDI Tulisang Partido ang aking tinutukoy.

Ang Tindig Pilipinas ang ibig nating sabihin na bagong alyansa ng mga bigo sa eleksiyon. Silang mga TP ang bagong LP, as in Laging Palpak sa kanilang mga plano.
    
Pero tama kayo, TP na ang bagong LP as in Liberal Party. Sila iyong mga magsasagawa ngayon ng kilos-protesta na anyong pagmamalasakit sa bayan ang lakad.
    
Sa paggunita ng ika-45 taon ng deklarasyon ng martial law ngayong araw na ito, itinaon nila ang kilos-protesta laban kunwari sa madilim na bahagi ng kasaysayan ng bansa.
    
Pero siyempre, posturang legit protest iyon pero ang totoo, gusto nilang patapusin na si Pangulong Duterte sa kanyang pagiging lider ng bansa.
    
Hindi na sila makatiis, hindi na sila makatagal na wala sa posisyon.
    
Pansinin n’yo ang komposisyon ng TP, sila-sila na naman, sila-sila ulit na mga magkakabarkada. Sina Drilon, Trillanes, Hontiveros, Pangilinan, Bam at iba pang mga makapangyarihan noong Aquino administration.
    
Hindi ko ’ata napansin sina Jim Paredes, Leah Navarro at Cynthia Patag. Saan kaya sila?
    
Ang tema ng kanilang kilos-protesta ngayon ay Tindig Pilipinas, ibig sabihin, literal na gusto nilang pabangunin mula sa pagkakasadlak. Teka nga muna, sino ba ang lumumpo sa ating bansa sa nakaraang 26 years?
    
Hindi ba’t puro dilaw ang naghari sa mga taon na ’yan matapos ang People Power laban kay Marcos?
    
Ano naman ang karapatan nilang pabangunin ang bansa na kanilang pinabayaan? At ang exclamation point ng kanilang pangdudusta sa Pilipinas na kanilang pinatitindig ay mula 2010 hanggang 2016.
    
Ito ang mga taong dumanas ng matinding kapabayaan ang bayan. Ginawang DAP ang kalahati ng national budget na parang sarili nilang alkansiya, dinuktor ang mga crime statistics, dinuktor ang employment rate, dinuktor ang lahat ng numero para paniwalain ang bayan na nasa maayos tayong sitwasyon.
    
Pinatigil din lahat ng infrastructure projects, ibinigay sa LP ang maintenance contract ng MRT 3, kaya demonyo ang kondisyon ngayon, ginawang special guest si Napoles sa Malacañang at hinatid ng Pangulong Aquino sa Crame sa kalaliman ng gabi. Best friend nila si Napoles kaya ganoon ang treatment pero nang maiipit na, kinasuhan at ipinakulong pa.
    
Kaawa-awang Ma’am Janette, ginamit at political donor ng LP tapos ay pinabayaan sa bandang huli.
    
Ang problema sa mga taong ito, parang hindi tinatablan ng hiya, lalo na sina Drilon at Pangilinan. Ang mga ito ang naging instrumento kung bakit wasak at basag ang pula ng bansa. Nuknukan sila ng pabaya at kunsintidor sa mga ginagawa ni Noynoy tapos ang himig nila ngayon ay nagmamalasakit. Mga bugoy!
    
At itong problema ng illegal drugs, ngayon lang ba ito? Ang totoo, kaya tayo humantong sa pagiging almost narco state ay dahil mismo sa kawalan ng aksiyon ng pangkat ng LP para durugin ito at puksain ang mga kriminal.
    
Kaliwa’t kanan ang pagpatay ng mga kriminal at ng mga drug addict sa mga inosente nating kababayan pero ano ang ginawa ng LP? Ano ang ginawa ni Noynoy?
    
Hindi ba’t sa halip na lutasin ang krimen at droga, sinisi pa ang media dahil pinaparami lamang daw ang krimen? Kaya ang instant solution nila, dukturin ang crime statistics kaya nang dumating si Duterte, sumabog lahat sa mukha natin ang masamang sitwasyon ng bansa.
    
Ngayon, ang ginagamit nilang tema ang Tindig Pilipinas na parang mga may nagawa sa bayan. Aber, kahit isa nga, magsabi kayong mga taga-LP kung anong buti ang nagawa n’yo para sa lahat?
    
Hindi ba’t KKK doctrine ang pinairal ni Noynoy sa nakaraang anim na taon kaya nga puro biyaya at proteksiyon ng mga kabarkada, kaklase at kapartido lamang ang nakikinabang sa pamahalaan.
    
Ang totoo, sa tingin ko, nahihiya lamang ang mga TP convenor na amining hindi Tindig Pilipinas ang kanilang pakay.
    
Ang pagkakaintindi ko sa kanilang mga ikinikilos, ang TP ay Talsik Pangulo ang gusto nilang mangyari at hindi Tindig Pilipinas.
    
At nahiya pa kayong magdilaw kaya pala puro kayo nakaputi sa inyong assembly.
    
Hoy, buking na kayo!

This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.