6,851

‘Tongpats King’ ng CL huli agad ng NBI

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 259

SINASALUDUHAN natin sina National Bureau of Investigation (NBI) Director Dante Gierran at Deputy Director for Regional Operations Service (DDROS) Atty. Antonio Pagatpat dahil sa mabilis na aksiyon tungkol sa isinulat nating Frank Pilay.

Si Pilay ay makailang beses na nating isinulat dahil sa hayagang panghihingi nito ng ‘tongpats’ sa mga iligalista sa buong Central Luzon.

Ginagamit ni Pilay ang pangalan nina Atty. Pagatpat at Police Regional Office (PRO) 3 director Chief Supt. Amador Corpus na umano’y nagbigay ng blessing sa kanya para mangotong sa lahat ng gambling lord sa Aurora, Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Zambales, Angeles, Olongapo at Pampanga.

At para patunayan ni Atty. Pagatpat na hindi nila tino-tolerate ang kalokohan ni Pilay, agad itong naglabas ng direktiba sa NBI-NCR at NBI Region 3 upang masupil ang kabulastugan ng suspect.

Hindi nag-aksaya ng panahon si Atty. Cesar Bacani, hepe ng NBI-NCR, upang atasan sina Supervising Agent (SA) Mamerto Tello Jr., Senior Agent (SRA) Reonel Balgos and Intelligence Agent (IA) Enrico Razalo na magsagawa ng imbestigasyon.

Nakumpirma ng tatlong masisipag na NBI operatives na may gumagamit sa pangalan ng kagawaran kaya nang magsumbong at magbigay ng pahayag sa kanila ang negosyanteng si Rizalea Magramo, isang bar owner sa Malabinias, Angeles City, kaagad silang nagkasa ng entrapment operation.

Sa sinumpaang salaysay, sinabi ni Magramo na isang text sa telepono ang natanggap nila mula sa telepono bilang 095617590. Nagpakilala umano ang nag-text na isang nagngangalang Reniel Tuazon na umano’y isa ring miyembro ng NBI.

Tinakot umano siya ni Reniel na kung hindi magbibigay ng P2,000 weekly bilang tongpats ay ipapa-raid ang kanyang club.

Ang ginamit na kolektor ni Reniel ay si Danilo Chan, 42-anyos, ng Purok 4, Barangay Amansic, Angeles City na humingi rin ng P5,000 upang pambili umano ng 32-inch na telebisyon na diumano’y gagamitin sa NBI office.

Ang koleksiyon ng tambalang Reniel at Chan ay nangyayari tuwing araw ng Sabado.

Sa labis na pagkadismaya, minabuti na ni Magramo na magreklamo sa NBI at nang makumpirmang hindi totoong nagpapahingi ng lagay ang tanggapan ni Pagatpat, personal na itong lumapit sa mga tauhan ni Bacani.

Naaresto noong nakalipas na Sabado si Chan, ngunit si Reniel na wala nang isagawa ang operasyon ay nakaligtas.

Isinusulat ko ang artikulong ito, hindi malinaw kung mga kasamahan ni Frank Pilay sina Chan at Reniel.

Dahil dito, kumpirmadong may gumagamit sa pangalan ng PNP at NBI na hindi dapat palagpasin ng ating mga alagad ng batas.

Samantala, ipinarating ko na rin sa tanggapan ni Atty. Pagatpat na kamakailan lamang ay nagpatawag ng meeting sa Bulacan si Frank Pilay.

Ang meeting ay nangyari tanghali noong June 14, 2018 sa Max’s Restaurant sa Pulilan, Bulacan kung saan dumalo ang isang alyas San Pedro na pasimuno ng illegal na online games (pati online sabong) sa Pulilan, Marivic na operator ng loteng at STL con jueteng (bookies) sa bayan ng Sta. Maria, Balagtas at Bocaue; video karera operator na si Carlito ng Meycauayan; alyas Gil na VK operator ng Bulacan, Bulacan; at isang alyas Pusod mula naman sa bayan ng Meycauayan, Bulacan.

Kumukolekta rin si Pilay sa mga illegal operator ng sakla, perya, beerhouse at sauna bath na front ng prostitusyon, gayundin ang sindikato ng paihi at illegal terminal ng jeep, UV Express at tricycle at kahit mga double dead na karne ng baboy.

Tulad ng panawagan natin kay PNP Counter Intelligence Task Force (CITF) commander Chief Supt. Romeo Caramat, ang pinakamagandang gawin ng NBI ngayon ay humingi ng kopya ng CCTV sa Max’s Restaurant dahil patunay ito sa garapalang pangongotong ni Pilay.

Alam ko, may gagawing aksiyon muli rito sina Director Gierran at Deputy Director Pagatpat.