Tokhang sa PNP, PDEA at BoC

MARAMI pang suspect ang papangalanan sa pagbubukas ng hearing ng House committee on dangerous drugs tungkol sa pagpuslit sa P6.8 billion shabu sa Bureau of Customs (BoC) nitong July 2018.

Ito ang sabi ni Cong. Robert Ace Barbers, committee chairman, matapos ang naunang  pagdinig ng Senado at Kongreso, tungkol rito.

Aniya, marami pang mga opisyal ng PNP, PDEA at BoC ang kanilang papangalanan sa susunod nilang mga hearing.

Matatandaan na bunga ng hearing ng  committee ni Barbers, pinangalanan ni PDEA Director General Aaron Aquino ang mga di-umano’y sangkot sa pagpuslit ng P6.8B shabu, sina dismissed PNP Senior Superintendent Eduardo Acierte, ang kanyang deputy, si PDEA-National Capital Region (NCR) Deputy Director-General for administration Ismael Fajardo at resigned BoC intelligence officer Jimmy Guban.

Sinabi pa ni Aquino na tukoy na nila ang pangalan ng apat pang pulis na kakutsaba ng tatlo at ito’y  kanilang papangalanan.

Ang nasabing shabu ay nakalagay sa magnetic lifters na nahuli ng PDEA sa isang warehouse sa General Mariano Alvarez, Cavite. Kinumpirma ng PDEA na ang mga magnetic lifters ay naglaman ng shabu dahil ito’y inupuan ng kanilang K-9 dogs.

Wala nang shabu ang mga magnetic lifters nang masabat ng PDEA dahil ayon sa caretaker ng warehouse, noong July 30, pitong kalalakihang Intsik ang pumasok rito at kinuha ang shabung laman ng lifters.

Bago ang pagtuklas sa nabanggit na P6.8 billion shabu, noong Agosto 4, 2018, 500 kilo ng shabu na nakalagay rin sa magnetic lifters at may halagang P4.3 bilyon ang nahuli ng PDEA sa Port of Manila.

Ang mga magnetic lifters sa dalawang insidente ay magkapareho at batay sa record ng BoC ay mula sa isang shipment ng shabu. Ang pinagkaiba lang ay bukas ang nakuha sa Cavite, dahil kinuha na nga ang shabu rito.  

Kaugnay ng pagkakasangkot ng mga nabanggit na opisyal sa nasabing halaga ng shabu, sinabi ni Barbers na dapat magkaroon ng “total shakeup” sa PNP, PDEA, at BoC, nang malinis ito ng mga kurap na opisyal.

Sinabi ni Barbers na nakaka-alarma ang pangyayari, sapagka’t ang matataas na opisyal ng PNP, PDEA at BoC, na dapat nagpapatupad ng batas ay sila pang lumalabag rito.

Matatandaan ng nakaraang taon, nagkaroon ng malawakang pagbalasa sa BoC, dahil sa pagpuslit ng P6.4 bilyong shabu rito.

Bunga ng malalim na imbestigasyon ng Senado tungkol rito, nagbitiw sa tungkulin si dating BoC Commissioner Nicanor Faeldon at kanyang mga deputy.

Si Faeldon ay pinalitan ni Commisioner Isidro Lapeña, subali’t gaya ng mga napaulat, ilang buwan lang, nagkaroon na naman ng bilyun-bilyong smuggling ng shabu sa BoC.

Malayo na ang naabot ng kampanya ni Pangulong Rody Duterte sa droga. Dama ng higit na nakararami sa ating mga mamamayan ang malaking dinulot nito sa kalagayan ng kaayusan at katahimikan sa bansa.

Kahit na anong sabihin, hindi maipagkakaila na nabawasan na ang kaso ng mga nakawan, rape at patayan sa maraming barangay sa ating kapuluan.

Kung dati sa gabi’y may nakikitang nakatambay at nag-iinuman sa mga lansangan, wala na ang mga ganito ngayon.

Sa kabila nito, kailangan ng malawakang paglilinis sa mga nasabing ahensya ng pamahalan.

Nakalulungkot, subali’t dinoble na ng Pangulo ang sahod ng pulis ay ganito pa rin ang nangyayari. Sila pa rin ang nangunguna sa pagpupuslit ng droga sa bansa.

Sa puntong ito, marahil kailangan nang mangtokhang nina PDEA Director-General Aquino at PNP Director-General Albayalde sa kanilang hanay at maging sa BoC mismo.