Tinanggap ni Guerrero ‘Bureau of Customs hot seat’ para tulungan si Pangulong Duterte

November 07, 2018

TUWING may bagong hepe ang Bureau of Customs (BoC) ay nakikiramdam muna ang mga importer at broker.

Ito ang “wait and see attitude” na ang ibig sabihin ay titingnan muna nila kung paano mamumuno ang bagong hepe.

Pati na rin siyempre ang mga bagong opisyal na itatalaga ng komisyuner ay kailangan ding makilala ng mga importer at broker.

Mahirap nang sa umpisa pa lang ay may iringan na ang mga port user at taga-BoC.

Kailangan kasing maayos ang working relationship ng taga-BoC at port users.

Hindi ibig sabihin nito ay magsasabwatan sila para dayain ang gobyerno.

Ang mahalaga ay may paggalang sa isat-isa ang mga nagtatrabaho sa Aduana.

Pero walang tinatawag na “honeymoon period” sa Aduana.

Kung may bagong presidente ang bansa, may isang taong “honeymoon period” ang Malakanyang at media.

Sa Aduana, hindi puwedeng hindi i-report ng mga taga-media ang mga kalokohan sa mga pantalan.

Ang mga peryodista, ang mga “mata” at “tainga” ng taumbayan sa Aduana.

Kagaya ng naunang sinabi natin, ang kailangan sa Aduana igalang ang karapatan ng bawat sektor.

Kung may mga nakalusot na droga, huwag naman natin isisi ito sa lahat ng empleyado at opisyal ng Aduana. Sa totoo lang, mas marami pa din ang matitinong kawani ng BoC.

At hindi rin naman lahat ng mga importer at broker ay walanghiya. Meron lang iilan dyan na ginagamit pa ang Davao Group para dayain ang gobyerno. Sila ang mga tunay na salot sa bakuran ng BoC. Sila ang dapat mong bantayan, Commisioner Rey “Jagger” Guerrero.

Hindi kailangang mag-away ang mga bumubuo ng “waterfront community.”

Tama ba kami, Sir  Jagger?

* * *

Pagupo  ni bagong Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero ay nanawagan siya sa lahat na isumbong sa kanya ang mga taong gumagamit sa kanyang pangalan.

Sa Aduana, usong-uso kasi ang paggamit sa pangalan ng mga “influential” at “powerful” na tao para makakuha ng pabor sa mga taga-BoC.

Dahil matatamis ang dila, nagagawa ng mga “name dropper” na lokohin ang ibang tao.

Kaya mahalagang i-check muna  sa opisina ng  ginagamit na pangalan para masigurong hindi name dropper ang kausap.

Kadalasan, ang hinihingi ng name dropper ay pabor na iligal.

Kaya tama si Heneral Jagger, i-report sa kanyang opisina ang mga ginagawa ng mga impostor na ito.

Hindi papayag si Guerrero na sirain ng mga salot na name dropper ang kanyang pangalan.

Nagsilbi siya ng ilang dekada sa militar ng walang bahid ng kalokohan.

Tinanggap niya ang “BoC hot seat” para tulungan si Pangulong Duterte.

Alam niyang mahirap linisin ang Aduana na tinaguriang “snake-infested.”

Pero sa tulong ng lahat, malilinis ni Guerrero ang Aduana.

* * *

Binalaan ni Senador Sonny Angara  ang mga taga-Bureau of Customs  na huwag nilang  i-tamper ang mga balikbayan box.

“Malinaw sa ating batas na hindi na pwedeng basta na lang buksan at kalkalin ang mga balikbayan box,” ayon kay Angara.

Ang Customs Modernization and Tariff Act o CMTA “mandates less intrusive examination of balikbayan boxes brought into the country,” dagdag pa ni Angara.

Ipinasa ng Kongreso ang CMTA bilang tugon sa reklamo ng mga nagpapadala ng mga balikbayan box.

Maraming reklamo ang tinatanggap ng gobyerno na nawawala daw ang laman ng mga balikbayan box. Ang iba naman ay nasisira dahil sa inspeksiyon ng mga bagahe.

Umaasa si Angara na matitigil na ang pagkalkal sa mga balikbayan box.

Sana nga, Sen. Sonny.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-
4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)