Tapos na ang maliligayang araw ng mga naghahari-hariang pulitiko

October 24, 2018

NALANSAG na ng gobyerno ang mga laboratoryo ng iligal na droga sa bansa.

Pero nagkalat pa rin ang shabu  sa maraming lugar.

Ayon kay Pangulong Rody Duterte, galing sa ibang bansa  ang shabu na nasasakote ngayon ng mga otoridad.

Aniya, galing sa Mexico at Southeast Asia na ipinupuslit ng Bamboo Triad.

Kaya nga ganyan na lang ang galit ni Pangulong Duterte sa mga ismagler ng iligal na droga.

Nagbanta pa ngang papatayin niya ang mga  ito.

Huwag natin kalimutan na prayoridad ng administrasyon ang pagsugpo sa illegal drug business. 

Sinabi pa ni Duterte na wala siyang pakialam sa sasabihin ng mga human rights group at iba pang kritiko ng giyera laban sa droga.

“You druggists, especially those importers, I will certainly kill you. I told you before, do not destroy my country,” babala ni Duterte.

Naniniwala tayo na may “chilling effect” ang babala ni Duterte sa mga ismagler ng iligal na droga.

Alam naman nila na marami ng drug pusher at user ang napapatay ng mga pulis.

Ito ang mga lumalaban umano sa mga pulis. 

* * *

Ayaw makialam ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) tungkol sa importasyon ng isang malaking drug shipment.

Ang tanging gusto ni PNP Chief Oscar Albayalde ay magkaroon ng “harmonized drive” laban sa droga.

“Basically, ayaw naming pumasok doon sa issue na kung meron man o walang laman ang mga magnetic lifters,” ayon kay Director-General Albayalde.

Pero niliwanag ni Albayalde na kung mapapatunayan ng PDEA na talagang may lamang shabu ang mga lifter ay “we will support them in accounting for these drugs.”

Parehong produkto ng Philippine Military Academy (PMA) sina BoC Commissioner Sid Lapena at PDEA Chief Aaron Aquino.

Si Lapena ay retiradong three-star police general samantalang si Aquino ay isang retiradong one-star general.

Noong isang linggo ay kinausap ng PNP ang PDEA at Dangerous Drugs Board para ma-harmonize ang kampanya laban sa droga.

Susunod na kakausapin ng PNP ang BoC at National Bureau of Investigation.

Mahalaga ang papel ng BoC sa nasabing kampanya.

Laluna’t nanggagaling na sa labas ng bansa ang  shabu, cocaine at ecstasy pills na ipinagbibili sa merkado.

Ang problema lang, hindi kayang bantayan ng BoC ang mahabang coastline ng bansa.

Isa pa, walang sasakyang pandagat ang BoC para habulin ang mga barkong nagpapasok ng droga sa bansa.

Umaasa lang ang BoC sa tulong ng Philippine Navy at Philippine Coast Guard.

* * *

Tapos na ang mga maliligayang araw ng mga  naghari-hariang politiko tuwing eleksyon.

Hindi na nila magagamit ang kanilang goons para takutin ang kanilang mga kalaban at botante.

Gising na ang taumbayan dahil alam nilang hindi papayagan ni Pangulong Duterte na lokohin ng mga political warlord ang mga botante.

May mga lugar na dati’y walang maglakas-loob maghain ng kandidatura.

Ngayon daw ay hindi napigilan ang pag-file ng CoC ng  mga kalaban dahil nagbantay ang mga sundalo at pulis.

Sana daw manatili ang mga sundalo at pulis sa mga lugar na kontrolado ng political warlord hanggang hindi natatapos ang eleksyon.

Mahalagang magkaroon ng tahimik at malayang eleksyon sa Mayo 13, 2019.

Sa pangako ni PRRD na magiging malinis ang eleksyon ay siguradong tataas ang kanyang performance at approval ratings.

Ang gusto kasi ng mga botante ay matapos na ang paghari-harian ng mga lokal na politiko sa kanilang mga bayan.

Ngayon pa lang ay nagpapasalamat na sila sa idolo nilang si Pangulong Digong.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0921-4765430/email:vicreyesjr08@yahoo.com. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)