Tambakan ng basura sa sementeryo

November 04, 2018

Nakalulungkot ang paggunita sa Undas ay laging kaakibat ng pagkakalat ng basura at pagsusunog. Nagtambak na ng basura, nagsunog pa sa tabi ng nitso! Walanghiya talaga ang may kagagawan nito!

Sa isang pribadong sementeryo ng isang mahal namin sa buhay na yumao na, inabutan namin ang sandamakmak, sangkaterbang mga trash bags o malalaking supot ng plastik na lalagyan ng basura.

Ang masakit pa rito ay nagsunog pa ang mga anak ng putakte  sa tabi ng nitso ng mahal namin sa buhay! Nasunog ang damo na bahagi ng nitso! Mga tinamaan ng lintik talaga ang mga gumawa nito!

Araw na ng Sabado nang dumalaw kami sa sementeryo kaya tapos na ang All Saints’s Day at Soul’s Day. May ilan pa ring dumadalaw sa mga nitso ng kanilang yumao. Ngunit ang nangingibabaw  ay mga mamalaking supot ng plastik ng basura! Natabunan ang magagandang bulaklak na alay sa bawat nitso.

Napansin ko rin ang  mga tent na may pangalan ng mga pulitikong pumoporma na sa darating na eleksyon. Kadiri!

Kawawa naman ang himlayan ng mga yumao. Ginawang tambakan ng basura!

Sa mga dinaanan kong mga pampublikong sementeryo, bukod sa hindi  na makapapasok dahil sa sikip ng trapiko, kapansin-pansin ang tone-toneladang basura!

Ang napansin kong malinis-linis ay ang Libingan ng mga Bayani (LnB). Mahigpit ang pagbabantay dito. Biyernes kami nagpunta kaya may ilan pang mga dalaw sa kani-kanilang puntod ng yumao.

Katiting lang ang nakita kong mga kalat. Mga ilang balat ng kendi.

Sabi ko nga  ay takot marahil ang mga pasaway sa mga sundalong may dalang armalite.

May nakita rin akong tent ng mga pumopormang pulitiko. Epal baga!

Bawal ang pagkakalat sa LnB. Ang mga dumadalaw ay may kani-kaniyang dalang bag na paglalagayan ng kanilang mga nabubulok at di nabubulok na basura.

Di tulad sa pinuntahan naming pribadong sementeryo na nangangamoy na sa baho ang mga basurang nabubulok. Marami ang mga binayarang manggagawa upang mamumulot lamang ng mga natira pang basura. Ito ang ikinuwento sa amin ng mga “tagapag-alaga” ng mga puntod.

Lumalala na ang pagiging sutil at pasaway ng mga Pilipinong ayaw pagmalasakitan at pangalagaan ang Inang Kalikasan. Taon-taon may Undas, taon-taon ding nagiging pasaway ang mga taong ito. Pataas nang pataas ang level ‘ika nga! Kailan kayo titigil? Gising!

Puro kalamidad na ang Pilipinas, pangangasiwa lang sa tira-tirang bagay hindi pa n’yo magawa!

Malaking maibabawas ng mga basura sa pagtindi ng mga kalamidad  kung pamamahalaan ito sa paraang maka-kalikasan. Basahin n’yo ang Republic Act 9003 o Ecoligical Solid Waste Management  at maraming matutuhan dito.

Kung hindi pa kayo matututo, subukan n’yong singhutin ang mga plastik ng supot ng basura at tiyak na masusuka kayo sa baho at magigising ang malabnaw n’yong pag-iisip. (bangonkalikasan@yahoo.com)