5,718 guests

Tablado ang sugalan sa Maynila ngayon!

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 253

TABLA ngayon ang lahat ng uri ng illegal gambling sa Lungsod ng Maynila.

Ito’y upang bigyang-daan ang pagpasok ng Small Town Lottery (STL) sa lungsod na itinuturing
sagot para mapahinto ang problema sa illegal na pasugalan.
    
Kamakalawa ay huminto na sa operasyon ng video-karera si Gina. Kahapon naman ay pinahihinto na
rin ang lahat ng sugalan, partikular na ang pa-bookies ni Boy Abang.
    
National Bureau of Investigation (NBI) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) daw
ang inatasan para magsagawa ng raid laban sa mga illegal gambling joint na hindi pa rin humihinto sa
kanilang operasyon.
    
Asahan natin sa mga susunod na araw ay kabi-kabila ang gagawing pagsalakay.
    
Walang masama sa STL dahil pati tayo naniniwala na malaking bagay ito para maipasok sa kabang
yaman ang kinikita sa industriya ng sugalan. Kesa naman sa illegal gambling na mga tiwaling opisyal at
alagad ng batas lamang ang nakikinabang.
    
’Di tulad sa STL, Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na ang mamamahala.
    
Sana lang mabantayan nang husto ng PCSO ang operasyon ng STL dahil baka bukas makalawa, may
ilang indibiduwal pa ang gawin itong bookies. Iyong tipong mangungolekta nga ng taya, pero sa halip na
sa PCSO ipasok ang kubransa ay sa iba nila ito ie-engreso.
    
Alam ko, mag-iingat tungkol dito ang ating pamahalaan.

* * *   

Ayon sa ating source, isang alyas ER ang nakabili ng prangkisa ng STL sa Manila.
    
Ang inisyal na gagawin daw nila ay ipatatawag ang mga illegal gambling operator para sabihang
tulungan na lamang sila sa legal na hanapbuhay na ito.
    
Ang problema lang, baka may ilang indibiduwal uli ang manira sa pagbibigay ng panibagong buhay
sa mga illegal gambling operator.
    
Sa Quezon City kasi, sa halip na bigyan ng pagkakataon na makapag-trabaho nang legal ang isang
gambling operator, bigla raw itong pinaikutan ng isang alyas Tepang.
    
Antayin na lang natin kung sa mga susunod na buwan ba ay magkaroon na ng bookies ng STL dahil
alam ko, hindi papayag ang PCSO sa ganitong uri ng set-up.
    
Isang alyas DR po ang nakabili ng prangkisa ng STL sa Quezon City.

* * *   

Sana rin, sa mga gagawing operasyon ng NBI at CIDG ay walang mangyaring ‘hulidap.’
    
Baka kasi dumating ang araw na manghuhuli nga sila, pero ang mangyayari ay magpapaareglo rin
pala o tatanggap ng lagay.