7,958 guests

Survey sa Senate employees

  • Written by Marlon Purificacion
  • Published in Opinion
  • Read: 237

NAGKAROON ng survey para sa 1,730 empleyado ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso.

Tungkol ito sa planong paglipat sa gusali ng Senado kung saan ay dalawang lugar ang
pinagpipilian ngayon.

Una, ang Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig City at ikalawa ay sa Antipolo City.
    
Nito lamang nakalipas na Huwebes, Setyembre 21, natapos ang pagsusumite ng ‘survey form’ at
hanggang kahapon ng umaga ay hindi pa natin nakukuha ang resulta.
    
‘Interesting’ ang nasabing survey kasi isa ito sa tinitingnang konsiderasyon ng grupo ni Senador
Panfilo ‘Ping’ Lacson, chairman ng Senate Committee on Accounts, kung saang lugar ba dapat ilipat ang
gusali ng Senado.
    
Determinado si Lacson at iba pang senador na ilipat ang Senate building sa loob ng tatlong taon.
    
Sa kasalukuyan kasi, umaabot sa P170 million ang gastos sa upa ng Senado sa anim na palapag na
pag-aari ng GSIS sa Pasay City.
    
Maganda ang layuning ito ni Lacson dahil nais nilang magsama na rin sa iisang gusali ang
Mababang Kapulungan ng Kongreso kung ipag-aadya ng pagkakataon. May plano nga ring ilipat ang gusali ng
hudikatura sa BGC.
    
Sa inisyal nating pagtaya, mas nakararaming empleyado ng Senado ang nais ‘maglipat-bahay’ sa
BGC. Higit anilang malapit ito sa kanila na karamihan ay nakabili na ngayon ng pabahay ng Senado sa
lalawigan ng Cavite.
    
Sa kabuuang 1,730 Senate employees, 692 rito ang regular, 184 ang casual, 20 ang contractual at
834 ang coterminous.
    
Ihahayag natin sa mga susunod na araw ang resulta ng survey pero ngayon pa lang ay naniniwala
tayong mas mananaig ang gagawing paglipat sa BGC.
    
Ang Bases Conversion Development Authority (BCDA) ang naatasang mangangasiwa sa konstraksiyon ng
bagong Senate building.
    
Magaling, matalino, masipag at ‘bata’ pa ang namumuno nito na si Vince Dizon.

Si Vince, president at chief executive officer ng BCDA, ang nagsusulong din ngayon sa expansion
ng Clark International Airport, konstraksiyon ng New Clark City, BGC-NAIA Bus Rapid Transit System at
Subic-Clark Railway na bahagi ng ambisyosong ‘build, build, build project’ ng Pangulong Rodrigo Duterte.
    
Sa sobrang sipag at galing ni Vince, nakapaglatag na agad ito ng ‘feasibility study’ patungkol
sa paglipat ng Senate building sa BGC.
    
Samantalang ang Antipolo City government ay ngayon pa lang nag-uumpisa  gumawa ng plano bagaman
maganda ang kanilang alok sa gobyerno dahil ipagkakaloob nila ng libre ang 25 ektaryang lupain para
pagtatayuan ng gusali ng Upper House.
    
Anuman ang kakahantungan ng desisyon ng ating mga senador, naniniwala tayong maganda ang
kakalabasan ng resulta nito dahil bakit kailangan pa nga bang umupa pa ng P127 million taun-taon para sa
tanggapan ng Senado, samantalang puwede naman silang magpagawa ng sariling gusali nila.
    
’Ika nga, bakit kailangang mangupahan pa, eh puwede namang magkaroon ng sariling pag-aari nila.

* * *   

Samantala, inaprubahan na rin ng Senado ang hinihinging P6.686 billion budget ng BCDA para sa
taong 2018.
    
Sa galing magpaliwanag ni Vince, pati si Senador JV Ejercito, sub-committee chair ng Senate
Committee on Finance, ay napahanga sa mga naka-line up na proyekto ng BCDA.
    
Bukod sa mga binanggit nating proyekto sa taas, may plano rin si Mr. Dizon na magkaroon ng one-
stop-shop sa 120 ektaryang lupain sa tinawag niyang New Clark City sa Pampanga na magiging makabagong
Central Business District din sa bansa.
    
Ang P4.017 billion sa nasabing budget ay ilalaan sa konstraksiyon ng New Clark City Access Road.
    
Magtatayo naman ng Philippine Sports City sa 46-ektaryang lupain sa Clark na paglalagyan din ng
makabagong kagamitan sa pagsasanay sa larangan ng pampalakasan, bukod pa ang outdoor football stadium,
aquatic center at pabahay sa ating mga atleta.
    
Ani Dizon, napapanahon ang pagbibigay ng karampatang pondo para sa pagpapaganda ng kalsada,
lalo’t dito sa Pilipinas gagawin ang 30th Southeast Asian Games sa taong 2019.
    
Aniya, mismong si Foreign Affairs Secretary Alan Peter Cayetano rin ang nagsabing sa New Clark
City gawin ang nalalapit na SEA Games na magpapasigla tiyak sa ating turismo.
    
“Instead of the 3-year and 6-year plan that based on the political term. Kasi gano’n ang
nangyari sa atin, wala tayong long term plans so I think this is very exciting and Clark will play a big
role in decongesting Metro Manila and other cities,” sabi naman ni Senador JV sa nagdaang budget
hearing.
    
Tiniyak ni Vince na mayroon na silang masterplan hanggang sa taong 2065.