Sundalo ang hepe ng Economic Intelligence and Investigations Bureau

October 31, 2018

KUNG totoong hindi nagsumite ng kanyang Statement of Contributions and Expenditures si Serge Osmeña sa dalawang magkasunod na eleksiyon, mukhang wala siyang karapatang makabalik sa Senado.

Sayang naman ang pagiging beteranong mambabatas ni Osmeña kung ang simpleng patakaran lamang ng Comelec ay hindi pa niya masunod.

Ang SOCE ay mandatory requirements ng Comelec sa lahat ng mga kumandidato, panalo man o talo, kaya dapat lamang sinusunod ng lahat.

Hindi natin alam kung paanong malulusutan ni Osmeña ang lifetime na pagbabawal sa kanya ng Comelec na makatakbo dahil sa katigasan ng kanyang bungo.

Baka mauna pa siyang ma-disqualify kaysa kay Koko. 

* * *

Iyong mga nagsasabing walang alam ang mga sundalo sa pagpapatakbo ng Customs, nakalimutan nilang puro sundalo ang namamahala noon sa dating EIIB o Economic Intelligence and Investigations Bureau na binuo sa ilalim ng Cory administration at umabot pa sa Ramos and Erap administration.

Ang EIIB ay binuo ni Cory bilang anti-smuggling task force upang may pambalanse sa talamak na operasyon ng smugglers sa Customs. 

Ang hepe noon ng EIIB ay si General Jose Almonte bago pa ito binuwag ni former President Estrada noong taong 2000.

Ibig sabihin, may pinaghuhugutan ang desisyon ni Pangulong Duterte na isailalim sa military management ang Customs na hindi makaalis-alis sa reputasyon bilang pugad ng mga tiwali.

Ang hindi nakikita ng mga kritiko ay ang mensahe na gustong ipahatid ni Duterte para bigyan ng poder ang mga sundalo sa BoC na isang civilian agency.

Kung ang pag-takeover lamang ng sundalo ang makakatugon sa halimaw na problema ng smuggling at korapsiyon sa BoC, wala namang masama na ito ay subukan.

Talaga yatang totoo ang sinasabi ng mga matatanda sa una, lahat ng humawak sa kawali ay hindi puwedeng hindi maulingan!

* * *

Congratulations sa National Press Club sa inyong ika-66th founding anniversary.

Mabuhay ang mga tauhan at opisyal ng oldest at most prominent press organization sa buong bansa.

Cheers!!!

allanpunglo@gmail.com