5,260 guests

Street level drug pushers, target ng kapulisan

  • Written by Edd Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 212

On the beat

BALIK na naman sa madugong pakikidigma ang kapulisan laban sa mga hinihinalang sangkot sa iligal na droga, patunay ang halos gabi-gabing pagbibilang ng mga napapatay, hindi lang sa Metro Manila kundi sa mga karatig lalawigan.

Maaaring itinatanong ng marami kung bakit puro pipitsuging drug personalities lang ang napapatay ng kapulisan habang patuloy ang malalaking sindikato sa pagpapalusot ng bilyun-bilyong halaga ng shabu papasok sa bansa at isa man sa kanila ay walang napapatay o nahuhuli man lang ng mga awtoridad.

Sa paliwanag ni SPO1 Art Macapugay ng Caloocan Police Community Relations Office, nasa konsepto ng double-barrel reloaded ng PNP ang pakikidigma laban sa droga sa street levels kaya hindi dapat pagtakhan kung bakit ang mga nakatalaga sa police stations ang humaharap sa pipitsuging drug personalities.

Nasa kapangyarihan na aniya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at ng PNP Drug Enforcement Unit ang pagtugis sa high value targets o mga malalaking sindikato ng iligal na droga. Ang mahalaga, hindi nagpapabaya ang kapulisan sa hamon ng maliliit na drug pushers na patuloy sa kanilang iligal na gawain.
     
Sa dami ngayon ng bilang ng mga napapaslang sa police operations, maaaring may mga tahimik na mamamayan ang sumasang-ayon lalo na ang mga naging biktima ng karahasan na kinasasangkutan ng mga drug addict.
     
Kasi naman, karamihan naman talaga sa mga gumagawa ng krimen, mula sa petty crimes hanggang sa karumaldumal na krimen ay kagagawan ng mga nahuhumaling sa iligal na droga. Ang reaksiyon lang nila, paano kung inosente at napagbintangan lang ang napatay? Sana ay maging maingat ang kapulisan sa isasagawang operasyon at tiyakin na sangkot nga sa iligal na droga ang kanilang tatargetin at hindi lang napagbintangan.
     
Sa dami kasi ng mga nakakabit ngayong CCTV sa bawat barangay, tiyak na mabubuko kung palpak ang operasyon ng kapulisan at dahil dito, maaaring maapektuhan ang mga lehitimong operasyon ng iba pang police units laban sa drug personalities na talagang nanlalaban dahil pati sila ay posible na ring pagdudahan.

TEXT NG READERS
    
Inireklamo ng isang reader ang terminal ng mga kolorum na jeep at tricycle sa harap ng south gate mall sa Magallanes sa Makati na nakakasagabal daw sa daloy ng trapiko habang ginagawa naman daw paradahan ng mga jeep ang Pasong Tamo Ext. sa boundary ng Taguig at Makati. Kung hindi raw kayang supilin ng lokal na pamahalaan, baka raw sakaling mapanghimasukan ni Chairman Danny Lim ng MMDA ang mga lugar.
    
Ayon naman sa nagpakilalang Jun Santillan ng Tondo, sana raw ay ipagpatuloy ni Mr. Dennis Alcoreza ng Manila Traffic and Parking Bureau ang pagpapa-impound sa mga kolorum na tricycle, lalo na ang mga bumibiyahe patungong Divisoria, Avenida, C.M. Recto at Jose Abad Santos na kung hindi reckless ay sumasalungat sa daloy ng trapiko. Nakakapagtaka lang daw na tila bulag ang mga traffic enforcer na hindi man lang sinisita ang mga ito.
     
Sa text naman ng isang retiradong pulis, hanggang ngayon daw ay hindi pa naipagkakaloob sa kanila ang 26th month differential pay kaya karamihan sa kanila ay wala na halos pambili ng gamot at ang iba naman ay pinatigil muna ang anak sa pag-aaral. Noon pa raw panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino ipinangako ito sa kanila na hindi naman natupad kaya umaasa sila na maibibigay na ito sa panahon ni Pangulong Duterte.

Sa text naman ng nagpakilalang Rommel ng Makati, kabi-kabila raw ngayon ang panghuhuli ng mga pulis mula sa Southern Police District (SPD) sa lahat ng iligal na sugal, hindi lang sa kanilang lungsod kundi lahat ng siyudad na sakop ng SPD pero nakapagtataka raw na patuloy ang pangungubra ng ilang kubrador ng lotteng at jueteng sa kanilang barangay sa Palanan.

MEDICAL AND WELLNESS CENTER                                       
    
Hindi magtatagal ay itatayo na ang apat na palapag na gusali ng Navotas Medical and Wellness Center (NMWC) sa Barangay San Jose matapos pangunahan nina Mayor John Rey Tiangco at Vice Mayor Clint Geronimo ang pagsasapubliko ng mga plano na ipapalit sa dating Navotas Emergency and Lying-in Clinic.
    
Sa oras na maitayo ang gusali, maipagkakaloob na ang serbisyong pangkalusugan sa mamamayan ng Navotas tulad ng drug testing, community based rehabilitation and physical therapy, animal bite treatment, clinical laboratory, diagnostic services gaya ng ultrasound, ECG at x-ray, pati na ang dental services, social hygiene services, breast checkup at mammography.
     
Naniniwala si Mayor Tiangco na bilang lingkod-bayan, tungkulin nila na magbigay ng de-kalidad na serbisyong pangkalusugan ng taos sa kanilang puso.
     
Plano pa ng alkalde na magpagawa ng isa pang apat na palapag na gusali na magdadagdag sa kapasidad ng dami ng mga higaan sa Navotas City Hospital para umabot sa 100 mula sa 50.
     
Masuwerteng maituturing ang mga Navoteño, lalo na ang mga senior citizen na bantad na sa uri ng iba’t ibang karamdaman dahil pangunahing pinagtutuunan ng pansin ng ama ng kanilang lungsod ang serbisyong pangkalusugan.
 
Sa puna at reklamo, mag-email lang sa This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it. o mag-text sa 0919-2425644.