6,600

‘Steadfast at relentless’ ang kampanya laban sa ismagling

  • Written by Vic Reyes
  • Published in Opinion
  • Read: 181

TULOY-TULOY ang kampanya ng Bureau of Customs (BoC), laban sa ismagling.

At hindi lang pagkumpiska ng mga kontrabando ang pinaigting ng mga tauhan ni BoC Chief Isidro S. Lapeña.

Pati pagsasampa ng kaso sa korte laban sa mga ismagler ay tinututukan din.

Kamakailan lang ay apat na negosyante at dalawang lisensyadong broker ang sinampahan ng kaso.

Ayon sa record, ang mga suspek ay sangkot daw sa tangkang ismagling ng mga red onion at sigarilyo.

Sa isang kalatas, kinilala ni Lapeña ang mga negosyante na sina Joseph Martin Arriesgado, Manilou Hernandez, Arvin Tugadi at Mark David Villanueva.

Sila’y may-ari ng mga kompanyang sangkot umano sa pagpapasok ng kontrabando sa bansa.

Ang mga kinasuhang broker naman ay sina Lorenz Mangaliman at Carme Ann Rollon.

Sina Arriesgado, Hernandez, Tugadi at Mangaliman ay nagtangka daw na magpasok ng sibuyas na nagkakahalaga ng P11 milyon.

Nakumpiska ang mga sibuyas sa MICP.

Base sa shipping documents, ang shipment ay deklaradong naglalaman ng “red apples” galing China.

Nang buksan ang anim na refrigerated vans ay kaharap pa si Agriculture Sec. Manny Piñol.

Sina Villanueva at Rollon naman ay kinasuhan ng unlawful importasyon ng sigarilyo.

Nagkakahalaga ng P26.6 milyon, ang mga sigarilyo ay deklaradong mga industrial artificial fur texture.

Ayon kay Lapeña, mananatiling “steadfast” at “relentless” ang kampanya laban sa ismagling.

Sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Duterte, isang prayoridad ang paglaban sa ismagling at iba pang kalokohan sa mga pantalan.

Kitang-kita naman na nagtatagumpay ang BoC sa paglaban sa ismagling.

Inaasahan ngang malalampasan ng BoC ang kanyang collection target sa taong ito.

Sa mga nakaraang panahon ay nagkawindang-windang ang pangongolekta ng buwis at taripa sa mga pantalan dahil sa ismagling at iba pang katarantaduhan sa pantalan.

Ngayon, base sa nga istatistika, paganda ng paganda ang collection performance ng BoC.

* * *

Kagaya nang inaasahan, dumarami na naman ang mga dinadapuan ng sakit na dengue at leptospirosis sa bansa.

Ang masakit sa atin, ngayon pa lang tayo nagkukumahog maglinis sa kapaligiran.

Alam naman ng lahat na ang mga paboritong pamugaran ng lamok at daga ay ang mga nagkalat na basura at iba pang maruruming lugar sa paligid. Dapat bago pa magsimula ang tag-ulan ay nalinis na ang mga daluyan ng tubig at kapaligiran at nang hindi na sana dumami ang mga lamok at daga na siyang pinanggagalingan ng dengue at leptospirosis.

Hanggang ngayon ay sakit pa rin ng mga Pinoy ang “saka na lang attitude.”

Tsk tsk tsk...

* * *

Sa darating na May 2019 election ay siguradong dagsa ang mga kandidato.

Ang gusto kasi nila’y makapasok sa gobyerno bago ang presidential election sa 2022.

Kapag meron na tayong bagong Saligang Batas ay hindi na puwedeng kumandidato ang mga miyembro ng mga political dynasty at hindi man lang nakapag-aral sa kolehiyo.

Sa draft Federal Constitution ay may educational requirement para sa mga kakandidato.

Sa ngayon kasi kahit ‘di ka nakapag-aral ay puwede kang maging pangulo ng bansa.

Basta botante ka at marunong magbasa at sumulat ay maaari ka nang kumandidato.

Ang masakit kahit “no read o no write” ay nananalo ngayon dahil hindi naman pinagbabasa o pinapasulat ng Comelec ang mga naghahain ng Certificate of Candidacy (CoC).

Naiuuwi pa nga ang CoC form.

Talaga nga naman, “ONLY in the Philippines.”

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa 0921-4765430/email:This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it.. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)