4,992 guests

‘Sorry na, puwede ba…’

  • Written by Paul M. Gutierrez
  • Published in Opinion
  • Read: 218

BAGO ang lahat, muli nating binabati ang ating mga “kapatid” sa Manila City Hall Press Club sa
“pagpapasinaya” (blessing) ng kanilang ‘press office’ kahapon sa ikatlong palapag ng Manila City Hall
kung saan mga panauhing pandangal sina Mayor Erap Estrada, Sen. Jinggoy, Vice Mayor Honey Lacuña at MPD
director, C/Supt. Jigs Coronel.

Bagaman marami pang kulang sa kanilang press office, wagas ang pasasalamat ng MCHPC kay Mayor
Erap dahil natupad na rin ang kanyang “pangako” sa grupo na kanyang binanggit noon pang kanyang unang
termino, hehehe!
    
At kasama tayo ng ating mga kapatid sa MCHPC sa paniniwala na bago ang ‘third term’ ni Mayor
Erap, “makukumpleto” na ang kanilang mga kagamitan sa press office, tama ba, kasamang Arman Nocum,
hehehe!

* * *
    
Kung “antigo” ang National Press Club (NPC) na pormal na binuo at narehistro sa SEC noong 1952,
“mas antigo” pa pala ang MCHPC na naitatag noong 1950!
    
Sa nabanggit na panahon, mga kabayan, alam ba ninyo na bukod sa Malacañang at Kongreso, isa sa
mga ‘prestigious’ na ‘beat’ ng isang reporter noon ay ang Manila City Hall; ang maging mayor noon ng
Maynila ay para na ring pangulo ng ’Pinas kung kapangyarihan at impluwensiya rin lang naman ang pag-
uusapan.
    
Ayon pa kay Tony ‘Tony Mac’ Macapagal, ang beteranong ‘newsman’ na alam nating ‘antagal na
‘nag-cover’ sa Manila City Hall, ang mga “fundadores” ng MCHPC ay mga “fundadores” (founders) din ng
NPC.
    
At dahil mayroon tayong ‘sense and respect for history,’ mga kabayan, nagpanukala ang inyong
lingkod, bilang kasalukuyang pangulo ng NPC, na maglagay ng ‘commemorative marker’ sa panig ng Manila
City Hall kung saan unang nagkaroon ng press office ang MCHPC.
    
Sa puntong ito, mabilis at walang gatol ang sagot sa atin ni Mayor Erap: “Isa na lang ang
problema d’yan, pera!” Hehe, ano pa nga boss Mayor, ’yun na lang talaga, hahaha!

* * *
    
Bagaman nga nakulong ng higit 3 taon si Sen. Jinggoy dahil “trinabaho” ng rehimen ni Noynoy
Aquino sa isyu ng PDAF scandal ni Janet Lim Napoles, nabatid pa natin na isa siya sa “nangulit” sa
kanyang ‘daddy’ (Mayor Erap) hinggil sa pagkakaroong muli ng press office ng MCHPC.
    
Kaya nga sa hanay ng mga nagku-cover sa Manila City Hall, marapat lang na sa ‘blessing’ nito ay
andu’n siya.
    
At dapat palang “mas malaki” ang sukat ng nasabing press office, kasamang Bambi Purisima, kung
hindi umano “umepal” itong si Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) at ex-councilor, Dennis Alcoreza
at “kinuha” ang katabing opisina!
    
Ay sus! Paano naman mababawasan ang “pagkapikon” dito kay “DA” ni Sen. Jinggoy kung totoo nga
na “binawasan” niya ang sukat ng press office?
    
Aber, ang una pa ngang komento ni Sen. Jinggoy kay Mayor Erap ay “maliit” ang “sukat” ng press
office! Eh, sino ngayon ang may “kasalanan,” hehehe!

* * *
    
‘To be fair,’ wika nga, dito kay Mr. DA, nalaman natin na sa pamamagitan ng ‘text message’ ay
“humingi” na siya ng “patawad” kay Sen. Jinggoy hinggil sa kanyang mga naging “kasalanan” sa mga
nakaraang panahon.
    
Ayon naman sa mga miron, hindi pa rin malaman ni Sen. Jinggoy kung talaga nga kayang “sinsero”
sa paghingi sa kanya ng paumanhin itong si DA at dapat na niya itong “patawarin?”
    
Dangan kasi, kasama umano sa ‘text message’ nitong si DA ay ang kanyang paniwala sa hindi niya
inaasahang paglaya ng senador.
    
Sa “tinahi” kasing kasong ‘plunder’ na isinampa kay Sen. Jinggoy ng rehimen ni Noynoy, tila
“marubdob” ang paniwala ng kampo ni DA na “wala” nang pag-asang makalabas pa sa Camp Crame detention
center si Sen. Jinggoy dahil nga ‘no bail’ ang kasong plunder.
    
Tanong tuloy ng mga miron: Humihingi ba talaga ng kapatawaran itong si DA o... iniinsulto pa
rin si Sen. Jinggoy?
    
Hmm. Parang awitin na ‘Sorry na, puwede ba,’ ang litanya ngayon nitong si DA kay Sen. Jinggoy
pero sa “kamada” ng kanyang mensahe, sino naman kaya ang matutuwa, hehehe!
    
Kilala nating hindi “benggador” si Sen. Jinggoy, may malawak na pang-unawa at palaging
nakahandang magpatawad.
    
Pero sa “estilong panis” nitong si DA -- sakaling siya nga ang nagpadala ng ‘text message’ kay
Sen. Jinggoy -- aba’y hindi niya “mahihilot” ang problema nilang dalawa. Mas mainam siguro kung
personal niyang lapitan at yakapin kung kailangan, si Sen. Jinggoy.
    
Kaya lang, “malabo” umano itong mangyari dahil sa tuwing mag-uulat ang mga garapata, agh,
tauhan ni DA, na papunta si Sen. Jinggoy sa Manila City Hall, aba’y kahit “anino” ni DA, hindi makita
sa city hall.    ’Yun lang, hehehe!